Monday, January 18, 2021

Kayarian ng Salita

 Ang Kayarian ng Salita ay may apat (4) na uri o porma. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Payak

2. Maylapi

3. Inuulit

4. Tambalan

  1. Payak - binubuo ng salitang-ugat lamang at walang kasamang panlapi at hindi rin nagkakaroon ng pag-uulit.

Mga Halimbawa:

saya             dumi             grasa            bahay           biktima          bilog

  1. Maylapi  - binubuo ng panlapi at salitang-ugat.

Mga Halimbawa:

ma+saya= masaya

ma+dumi= madumi

ma+bilog = mabilog

lista+han = listahan

  1. Inuulit  - Salitang binubuo ng pag-uulit ng isang bahagi ng salita o ng buong salita.

Mga Halimbawa:

bahay-bahayan       tuyong-tuyo             buong-buo   

4. Tambalan -Salitang binubuo sa pamamagitan pagsasama o pagtatambal ng dalawang salita upang makabuo ng isang tambalang salita.

Tandaan:

A. Minsan, nananatili ang ang kahulugan ng dalawang salitang pinagtambal

Mga Halimbawa:

dalaga + bukid = dalagang bukid è isang dalagang nakatira sa bukid o taga bukid

balik + bayan = balikbayan è isang taong muling bumalik sa sariling bayan

 

(Image from https://dmciphilippines.wordpress.com/tag/townhouses/)

B. May pagkakataon ding nawawala na ang orihinal na kahulugan ng dalawang salita at isang bagong salita na ang nabubuo mula sa mga ito.

Mga Halimbawa:

tainga + kawali = taingang-kawali è nagbibingi-bingihan

bahag + hari = bahaghari è arko na may iba’t ibang kulay sa himpapawid na madalas na nakikita pagkatapos ng ulan

(Image from https://www.uctoday.com/collaboration/team-collaboration/building-colourful-communication-strategy-ale-rainbow/)


Thursday, January 14, 2021

BAHAGI NG MAIKLING KUWENTO

Ano ang maikling kuwento?

    Ang maikling kuwento o short story sa wikang Ingles ay isang anyo ng panitikang nagsasalaysay sa madali, maikli, at masining na paraan. Ayon kay Edgar Allan Poe, ang tinaguriang Ama ng Maikling Kuwento, ito ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni at bungang –isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay.  Ito ay nababasa sa isang tagpuan, nakapupukaw ng damdamin, at mabisang nakapagkikintal ng diwa o damdaming may kaisahan.

Edgar Allan Poe
(Image from Wikipedia)

Anu-ano ang mga bahagi ng maikling-kwento?

    Ang maikling kuwento ay may limang (5) pangunahing bahagi. Ito ay ang mga sumususunod:

1. SIMULA - Napakahalaga ng bahaing ito sapagka't dito nakasalaysay ang kawilihan ng mga mambabasa kung dapat bang ipagpatuloy ang pagbabasa ng kuwento o hindi. Ito ay karaniwang nakapupukaw ng atensyon o nakakatawag ng pansin sa mga mambabasa. Kapag hindi nakamit ng simula ang kanyang layunin, nawawalan ng saysay ang maikling kuwento dahil hindi na malalaman pa ng mambabasa ang iba pang bahagi nito. Sa wikang Ingles ang simula ay tinatawag na "inroduction" o "exposition".

2. TUNGGALIAN - Sa bahaging ito ng maikling kuwento nakikita ang suliranin sa kuwento, kung sino ang mga bida at kontrabida, at kung ano ang problemang dapat bigyan ng solusyon. Ang tunggalian ay may apat (4) na uri: tao laban sa tao, tao laban sa sarili, tao laban sa lipunan, tao laban sa kapaligiran o kalikasan.Ang bahaging ito ay tinatawag na "Rising action" o "rise" sa wikang Ingles.

3. KASUKDULAN - Dito unti-unting nabibigyang solusyon ang suliranin, kung magtatagumpay ba ang paunahing tauhan o hindi. Ang bahaging ito ay kapanapanabik dahil kadalasan ay napupukaw rito ang matinding damdamin ng mambabasa, na maaaring tuwa o lungkot, takot at pangamba. Ito ay tinatawag na "climax" sa Ingles.

4. KAKALASAN - Sa bahaging ito ay unti-unti nang bumababa ang emosyon ng mambabasa. Dito rin makikita ang pagbibigay solusyon sa isang suliranin o problemang kinaharap ng mga bida o kasawian sa kanyang inaasam. Ang kakalasan ang nagbibigay tulay sa wakas. Ito ay tinatawag na "denouement" o "falling action" sa wikang Ingles.

5. WAKAS - Ito ang katapusan ng kuwento kung saan nakasaad ang panghuling mensahe ng kuwento, lantad man o tago. 

Thursday, December 3, 2020

Wastong Gamit ng Tuldok-kuwit o Semi-colon

Ang tuldok-kuwit o semi-colon sa Ingles ay naghuhudyat ng pagtatapos ng isang pangungusap na kaagad sinusundan ng isa pang sugnay nang hindi gumagamit ng pangatnig.



Ginagamit ang tuldok-kuwit sa:

A. Pagitan ng mga sugnay ng tambalang pangungusap kung hindi pinag-uugnay ng pangatnig.

         Mga halimbawa:

         1. May mga taong gumagamit ng payong upang hindi mabasa sa ulan; ang ilan naman ay nagsusuot ng kapote.

         2. Magaling umawit si Jose; sa pagsayaw naman mahusay ang kakambal niyang si Lito.

B. Sa unahan ng mga salita at pariralang tulad halimbawa ng, gaya ng, paris ng, tulad ng, kung nangunguna sa isang paliwanag o halimbawa.

         Mga halimbawa:

         1. Maraming masusustansyang bungang-kahoy ang hindi alam ng mga kabataan sa ngayon; tulad halimbawa ng mabolo, anonas, at garamay.

         2. Maraming pinamiling paninda ang Nanay sa Divisoria; tulad ng mga kulambo, punda ng unan, kumot, at iba pa.

May mga artikulo sa Filipino ang nagsasabing maaaring gamitin ang tuldok-kuwit sa halip na tutuldok (colon) sa bating panimula sa isang liham-pangangalakal (business letter) subali’t hindi ko ito inirerekomenda dahil taliwas ito sa tuntunin sa wikang Ingles.

Tuesday, November 24, 2020

Wastong Gamit ng Tutuldok o Colon











 

Wednesday, September 30, 2020

MGA TUNTUNIN SA PAGSULAT NG SANAYSAY

 Bahagi na ng isang mag-aaral ang sumulat ng isang sanaysay o essay. Hindi masasabing isang mag-aaral ang isang nilalang kung hindi siya nakasulat ng isa mang sanaysay, maikli man ito o mahaba. Upang makasulat ng isang magandang sulatin o sanaysay, dapat tandaan at sundin ang mga tuntunin nito.


MGA TUNTUNIN SA PAGSULAT NG SANAYSAY 

I. Panimula/Introduksyon - Ito ang pinakamahalagang bahagi ng isang sanaysay sapagkat ito ang unang tinitingnan at binabasa ng mga mambabasa. Nararapat na ito ay nakapupukaw ng atensyon upang ipagpatuloy ng mambabasa ang pagbasa sa akda.

Mga Paraan ng pagsulat ng Panimula

1. Pasaklaw na Pahayag – Inuuna ang pinakamahalagang impormasyon hanggang sa mga maliliit na detalye.

          Halimbawa:

          Tatlong katao ang nasawi at pito pa ang malubhang nasugatan sa isang banggaan ng trak at kotse sa panulukan ng Kalye Ibarra at Crispin sa Lungsod ng Navotas kahapon, ika-18 ng Oktubre, 1988.

2. Tanong na Retorikal – isang tanong na tinatanong ang nagbabasa para hanapin ang sagot sa sanaysay at para isipin niya.

          Halimbawa:

          Ano ang kaligayahan?

3. Paglalarawan – pagbibigay linaw at deskripsyon sa paksa

          Halimbawa:

          Makapal ang pulbo sa kanyang mukha, namumula sa galit ang lipstik sa kanyang makapal na labi, at malalantik ang mga pekeng pilik na nakakabit sa kanyang pilikmata.

4. Sipi – isang kopya galing sa ibang mga literaturang gawa gaya ng libro, artikulo at iba pang sanaysay.

          Halimbawa:

          Ayon kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan!”.

5. Makatawag Pansing Pangungusap – isang pangungusap na makakakuha ng atensyon ng nagbabasa.

          Halimbawa:

          Malapit na ang katapusan ng mundo.

6. Kasabihan – isang kasabihan na makakapagbigay ng maikling ekplenasyon ng iyong sanaysay.

          Halimbawa:

          “Daig ng maagap ang masipag,” ito ang pinatunayan ni Rommel.

7. Salaysay – isang ekplenasyon ng iyong sanaysay.

          Halimbawa:

          Kuro-kuro lamang at opinyon ng may-akda ang mga pahayag sa ibaba.

II. Katawan - dito nakalagay ang lahat ng mga ideya at pahayag. Sa bahaging ito ng sanaysay ay makikita ang pagtalakay sa mahahalagang puntosukol sa tema at nilalaman ng sanaysay. Dapat ipaliwanag nang mabuti ang bawat puntos upang maunawaan ito nang maigi ng mambabasa.

Mga Paraan ng pagsulat ng katawan

1. Pakronolohikal – nakaayos ayon sa panahon ng pangyayari.

Halimbawa:

Nasa elementarya pa lamang si Dindo ay kinakitaan na ng talino sa pag-aaral.

Hindi na ikinagulat ng kanyang mga kamag-aral at guro ng tanghaliang “Valedictorian” si Dindo nang magtapos sa high school.

Laging nasa Dean’s List ang pangalan ni Dindo habang nag-aaral ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas.

Nanguna si Dindo sa mga kumuha ng bar ng taong iyon.

 

2. Paanggulo – Pinapakita ang bawat anggulo o”side” ng paksa.

          Halimbawa:

          “Kanin hindi buhangin!” ang sigaw ng Makabayan Bloc ng House of Representatives sa rehabilitasyon ng Manila Bay na isinasagawa ng DENR.

          Sinabi naman ni Roy A. Cimatu, kalihim ng DENR, ang nakapondo na ang paglalagay ng dolomite o puting buhangin sa dalampasigan ng Manila Bay noon pang isang taon.

          Ayon naman kay Leonor Briones, kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, mas mainam kung ginamit sa pag-aaral ang nasabing pondo ngayong pandemya.

3. Paghahambing – Pagkukumpara ng dalawang problema, anggulo atbp. ng isang paksa.

          Halimbawa:

          Mainam ang bahay kubong gawa sa pawid at kawayan dahil nagbibigay ito ng natural na lamig at hangin sa mainit na panahon. Gayunman, sa panahong malakas ang ulan at hangin, ang bahay na bato at yero ay hindi agad naigugupo ng masungit na panahon.

4. Papayak o Pasalimuot – nakaayos sa paraang simple hanggang komplikado at 'vice versa”.

III. Wakas/Konklusyon- dito nakalagay ang iyong pangwakas na salita o ang buod sa sanaysay. Sa bahaging ito nahahamon ang pag-iisip ng mambabasa na maisakatuparan ang mga tinalakay ng sanaysay

Mga Paraan ng pagsulat ng Wakas

1. Tuwirang Pagsabi – mensahe ng sanaysay.

          Halimbawa:

          Hindi mapapasubali na “Daig ng maagap ang masipag.”

2. Panlahat na Pahayag – pinakaimportanteng detalye ng sanaysay.

          Halimbawa:

          Hindi mahalaga kung iba’t iba man ang ating pananaw sa isang paksa. Ang importante ay marunong tayong rumespeto sa opinyon ng iba.

3. Pagtatanong – winawakas ang sanaysay sa pamamagitan ng isang retorikal na tanong.

          Halimbawa:

          Ikaw, ano ang magagawa mo sa iyong Inang Bayan?

4. Pagbubuod – ang summary o buod ng iyong sanaysay.

          Halimbawa:

          Hindi lamang puso ang dapat pairalin sa pag-ibig; katuwang din nito ang isip.

(Hangoi at Sinipi mula sa http://www.academia.edu/31342239/MGA_TUNTUNIN_SA_PAGSULAT_NG_SANAYSAY

Saturday, August 8, 2020

Idyoma o Sawikain at Mga Halimbawa

Ano ang idyoma o sawikain?

Ayon sa Wikipedia, ang isang idyoma o sawikain ay “isang pagpapahayag na ang kahulugan ay hindi komposisyunal” o literal. Ito ay nangangahulugan na  “hindi binubuo ng tumpak na kahulugan ang mga kanya-kanyang salita na nabuo”. “Ito ay di-tuwirang pagbibigay kahulugan at pagpapakita ng kaisipan at kaugalian ng isang lugar”.

Mga Halimbawa ng Idyoma

1. namamangka sa dalawang ilog      =        sabay na nanliligaw                                                                                                  sa dalawang babae

Dahil sa pamamangka sa dalawang ilog kung kaya’t nabasted si Mario.

 

2. kutis-porselana                      =        makinis ang balat

Laging nakukuhang modelo ng mga sikat na sabon sa mukha si Anna dahil sa taglay niyang kutis-porselana.

 

3. balat-sibuyas                         =        maramdamin

 Masyadong balat-sibuyas si Marife kaya hindi siya binibiro ng kanyang mga kaibigan.

 

 

4. anak-dalita                            =        mahirap

 

Ang kanyang pagiging anak-dalita ang naging hamon  ni Arnulfo na mag-aral na mabuti upang matupad ang kanyang mga pangarap sa buhay. 

 

5. alilang-kanin                          =        utusang walang suweldo,                                                                                         pagkain lang

 

Napilitang pumasok na alilang-kanin si Maricel noong siya ay bagong salta sa Maynila.

 6. balik-harap                            =        mabuti sa harap, taksil sa likuran;                                                                            balimbing

Marami sa mga pulitiko ang balik-harap kaya hindi umuunlad ang isang lugar.


7. bungang-tulog                       =        panaginip

 

Gayon na lamang ang pasasalamat ni Arnold dahil ang kanyang naranasang dalamhati ay bungang-tulog lamang.


8. dalawa ang bibig                   =        mabunganga; madaldal

 

Kaya laging napapaaway si Aling Barang sa kanilang barangay ay dahil dalawa ang kanyang bibig.

 9. mahapdi ang bituka               =        nagugutom

 Dalawang araw nang mahapdi ang bituka ni Mang Nardo subali’t hindi niya naisip ang kumuha ng hindi kanya kailanman.

 10. halang ang bituka (kaluluwa)        =        salbahe; desperado o hindi                                                                                       nangingiming pumatay ng tao

 May mga nalungkot din nang pumanaw si Boyong kahit halang ang bituka niya.

 11. makapal ang bulsa              =        maraming pera

 Dahil makapal ang bulsa,  hindi batid ni Don Ponciano kung sinu-sino ang kanyang mga tunay na kaibigan.

 12. butas ang bulsa                   =        walang pera

 Hindi maibig ng kadalagahan si Kulas dahil madalas kaysa hindi ay butas ang kanyang bulsa.

 13. kusang palo                         =        sariling sipag; nagkukusang gumawa

 Masuwerte si Mang Delfin dahil ang bago niyang manggagawa na galing Antique ay may kusang palo.

 14. tengang kawali                    =       nagbibingi-bingihan

 Kaya laging napagsasabihan si Maricris ng kanyang ina ay dahil nagtetengang kawali siya kapag tinatawag.

 15. tulog-manok                        =       matagal makagawa ng tulog /                                                                                   mabilis magising

 Walang sigla at laging mahina ang pakiramdam ng katawan ni Jonas sa umaga dahil sa kanyang pagiging tulog manok sa gabi.

 16. buwayang lubog                  =        taksil sa kapwa

 Itinuring na kapamilya ng mag-asawang Dela Cruz si Minerva subali’t ang kasambahay pala ay isang buwayang tulog.  

 17.  magaan ang kamay           =        madaling manuntok (manampal),                                                                             manapok o manakit

 Kaya walang tumagal na utusan sa kanilang bahay ay dahil magaan ang kamay ng kanyang madrasta.

 18. di-makabasag pinggan                  =        mahinhin

 Hindi akalain ni Hernan na sasama sa kanilang tsuper ang kanyang kabiyak dahil nakilala niya itong di- makabasag pinggan.

 19. pagpaging alimasag            =        walang laman

 Hindi siniseryoso ng mga nakikinig ang mga sinasabi ni Intoy dahil kadalasan ito ay pagpaging alimasag lamang.

 20. tagong bayawak                  =        madaling makita sa                                                                                                   pangungubli

 Laging taya si Bornok sa taguan dahil tagong bayawak ang kanyang ginagawa. 

 21. putok sa buho                     =          ampon; anak sa labas

Laging tinutukso ng mga kalaro si Intoy dahil siya ay putok sa buho.

 22. nagbibilang ng poste           =        walang trabaho; tambay 

Tutol si Aling Elena sa manliligaw ng anak dahil bukod sa tamad, ito ay nagbibilang ng poste.

 23. nagbibilang ng poste           =        naghahanap ng trabaho                                                                            

Magmula nang nawalan ng pagkakakitaan, walang araw na hindi nagbibibilang ng poste si Mang Gusting.

24. usad pagong                       =        mabagal kumilos

                   

Naiinis kay Adelfa ang kanyang mga kapatid dahil madalas ay nahuhuli sila sa pagpasok sa paaralan  dahil siya ay usad pagong.

 25. makati ang paa                   =        mahilig sa gala o lakad

Bihira mong maaabutan si Nickolo sa kanilang bahay dahil makati ang paa ng binatilyo.

 

26. may bulsa sa balat              =       kuripot                                                          i                            

Kung minsan, hindi naman kapintasan ang may bulsa sa balat.

 

27. alog na ang baba                =       matanda na

                             

Hindi maiwasan ni Abigail ang mangiti habang pinagmamasdan ang pagtatanim ng mga gulay ng kanyang ina kahit alog na ang baba nito.

 

28. alimuom                              =       baho

 

Nagsampa ng kaso sa barangay si Aling Lucy laban kay Aling Nita dahil ipinamamalita ng huli ang alimuom ng una sa ibang tao.

 

29. pantay ang mga paa           =        patay na                                              i                            

Labis ang pighati ni Gng. Ramos dahil kahit pantay ang mga paa ng kanyang kapatid ay hindi niya mapuntahan ito dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine. 

 

30. pagkagat ng dilim                =        pagsapit ng gabi; paglubog ng                                                                                  araw

 

Sanay nang makita ng taga-Ilaya ang anino ni Celia sa burol tuwing pagkagat ng dilim habang hinihintay niya ang pagdating ni Delfin gayong limang taon nang patay ang kasintahan.

 

Iba pang Halimbawa ng Sawikain at Kahulugan

 

1. nagmumurang kamatis(kamyas)= matandang nag-aayos                                      binata o dalaga                                                              

 2. naniningalang pugad   =       nanliligaw

 

3. ningas-kugon  =      panandalian lamang                                                                         

4. makapal ang mukha    =    hindi marunong mahiya                                                                

5. panis ang laway         =       hindi palakibo;                                                                                  masyadong tahimik

 

6. bahag ang buntot      =       duwag

 

7. ikurus sa kamay       =       tandaan

 

8. bukas ang palad       =       matulungin

 

9. kapilas ng buhay      =       asawa

 

10. basag ang pula       =       luko-luko

 

11. ibaon sa hukay        =       kalimutan

 

12. mapurol ang utak     =       mahina sa larangan                                     ng pag-iisip o mabagal mag-isip

 

13. maitim ang budhi    =       tuso

 

14. pusong bakal         =       di marunong                                 magpatawad, matigas na kalooban

 

15. may gintong kutsara sa bibig = mula ipinanganak ay                                         mayaman

 

16. nakalutang sa ulap   =       masaya

 17. malaki ang ulo       =       mayabang

 18. itaga sa bato       =       ilagay sa isip

 19. ginintuang puso     =       mabuting kalooban

 20. takip-silim        =       malapit nang gumabi

Monday, April 8, 2019

Tungkulin ng Wika

Tungkulin ng Wika

(Image from http://clipart-library.com/clipart/8iAEyg78T.htm)

Ayon kay Michael A. K. Halliday
1.Regulatori - ang wika ay ginagamit upang kumontrol at gumabay sa kilos at asal ng iba. Halimbawa: kung hindi sinunod ng isang empleyado ang mga nakasulat sa patakaran,  maaaring maging dahilan ito ng kaniyang pagkatanggal sa trabaho; pagbibigay-panuto o babala; resipe, direksyon sa paggawa

2. Interaksyunal - ginagamit ang wika sa pakikipag-interaksyon sa kapwa o kaya#y sa pagtatatag ng mga ugnayan at samahang sosyla. Halimbawa: pagbati, pakikipagkaibigan, liham-pangkaibigan.

3. Personal - ito ang pagpapahayag ng sariling paninindigan at paniniwala hinggil sa mga isyu tulad sa pormal o impormal na pakikipagtalakayan at iba pa. Halimbawa: panliligaw, editoryal, liham sa patnugot

4. Imahinatibo - nakatuon ang gamit ng wika sa paglalahad ng sarili sa maharaya o malikhain at masining na pamamaraan na maaaring kaugnay ng panitikan. Halimbawa: pagsasalaysay, akdang-pampanitikan (kuwento, nobela)

5. Instrumental - ang wika ay ginagamit bilang instrument sa pagkamit ng mga layuning nais isagawa o ipatupad sa pagtugon sa mga pangangailangan ng isang tao. Halimbawa: Sa palengke, layunin ng isang maimili na mabigyan siya ng diskwento kaya makikiusap siya sa mabuting paraan gamit ang wika upang makamit niya ang kaniyang layunin; liham-pangangalakal.

6. Representasyunal (Impormatib) - wika ang nagsisilbi o ginagamit bilang tsanel ng impormasyon, kaalaman at kamalayan. Halimbawa: pagbabalita,  pag-uulat, pananaliksik-papel

7. Heyuristiko- ginagamit ang wika sa paghahatid ng impormasyon. Ang wika sa aspektong ito ay nagsisilbing kagamitan sa pagtuklas ng mga mahahalagang impormasyon o datos.  Halimbawa: pagtatanong, sarbey (survey)

Ayon kay Roman Jakobson
1.Kognitibo- gamit ng wika upang maiparating ang mga mensahe o impormasyon sa kapwa.

2. Konatibo- ginagamit ng tao ang wika upang mangumbinse o kaya’y makaimpluwensya sa iba sa pamamagitan ng kaniyang kakayahan sa pag-uutos.

3. Emotibo- ginagamit ang wika upang ipahayag ang damdamin, kaugalian at emosyon.

4. Phatic- gamit ito ng wika upang maitatag ang pakikipag-ugnayan sa iba.

5. Metalinggwal - ginagamit ang wika upang mawala ang hadlang o kahirapan sa intensiyon, salita at kahulugan.

6. Poetiko - tumutukoy ito s gamit ng wika sa malikhaing pamamaraan.