Thursday, December 3, 2020

Wastong Gamit ng Tuldok-kuwit o Semi-colon

Ang tuldok-kuwit o semi-colon sa Ingles ay naghuhudyat ng pagtatapos ng isang pangungusap na kaagad sinusundan ng isa pang sugnay nang hindi gumagamit ng pangatnig.



Ginagamit ang tuldok-kuwit sa:

A. Pagitan ng mga sugnay ng tambalang pangungusap kung hindi pinag-uugnay ng pangatnig.

         Mga halimbawa:

         1. May mga taong gumagamit ng payong upang hindi mabasa sa ulan; ang ilan naman ay nagsusuot ng kapote.

         2. Magaling umawit si Jose; sa pagsayaw naman mahusay ang kakambal niyang si Lito.

B. Sa unahan ng mga salita at pariralang tulad halimbawa ng, gaya ng, paris ng, tulad ng, kung nangunguna sa isang paliwanag o halimbawa.

         Mga halimbawa:

         1. Maraming masusustansyang bungang-kahoy ang hindi alam ng mga kabataan sa ngayon; tulad halimbawa ng mabolo, anonas, at garamay.

         2. Maraming pinamiling paninda ang Nanay sa Divisoria; tulad ng mga kulambo, punda ng unan, kumot, at iba pa.

May mga artikulo sa Filipino ang nagsasabing maaaring gamitin ang tuldok-kuwit sa halip na tutuldok (colon) sa bating panimula sa isang liham-pangangalakal (business letter) subali’t hindi ko ito inirerekomenda dahil taliwas ito sa tuntunin sa wikang Ingles.

No comments: