Showing posts with label Wastong Gamit. Show all posts
Showing posts with label Wastong Gamit. Show all posts

Thursday, May 23, 2024

Wastong Gamit ng Pigilin at Pigilan

 Madalas ay nagpakakasalit-salit natin ang paggamit ng salitang "pigilan" at "pigilin". Normal lang ito dahil napakalapit ng ibig sabihin ng dalawang salitang ito.

(Ang larawan ay hango sa https://twitter.com/KuyaKalyesergio)

PIGILAN  = ipatigil o hadlangan ang anumang kilos, gawain, o pangyayari sa pamamagitan ng paglalagay ng balakid o pagbibigay ng utos.

Mga Halimbawa:

1. Pigilan mo ang mga mag-aaral sa kanilang gagawing pag-aalsa.

2. Kahit ano ang iyong gawin, hindi mo mapipigilan ang kanyang nabuong desisyon.

3. Huwag mong tangkaing pigilan ang kanyang gagawing pag-alis at baka may mangyaring masama sa iyo.

4. Si Pedro ay pinigilan  na pumasok sa tarangkahan ng kanilang kapitbahay.

5. Pipigilan ko sana siya sa kanyang pagtalon sa burol nguni't ako ay kanyang hinawi.


PIGILIN = hadlangan o kontrolin ang anumang aksyon, kilos, o damdamin, at iwasan ang pagganap ng isang bagay gamit ang puwersa o awtoridad upang hindi ito magpatuloy o lumala.

Mga Halimbawa:

1. Pinigil nila ang sayawan.

2.  Pigilin mo ang iyong damdamin sa kanya dahil kayo ay magkadugo.

3. Ang welga ay hindi natuloy dahil pinigil ito ng mga pulis.

4. Ang kanyang pag-inom ng alak ay kanyang pipigilin alang-alang sa mga anak.



Wednesday, July 5, 2017

PAGSASANAY; REVIEWER SA FILIPINO

Nasa ibaba ang isang pagsasanay upang malinang ang mga mag-aaral at yaong nag-aaral ng Filipino sa wastong gamit ng mga salita:

Tuntunin: Piliin ang tamang sagot sa loob ng panaklong

1. (Dito, Rito) na kayo kumain.


2. Taga-Dabao (daw, raw) ang mga magulang ni Felix.

3. May darating na bisita ang Nanay bukas. (Wawalisin, wawalisan) ko ang likod at harap ng aming bahay. (Wawalisan, Wawalisin) ko ang mga nagkalat na mga tuyong dahon ng punong-mangga.


4. Huwag mong (pahirin, pahiran) ng alkitran ang dingding ng bahay-baboy.

5. Nagkaroon ng (inuman, inumin) sa bahay ng mga Kuya nang siya ay nagbalikbayan. Nag-uumapaw ang mga (inuman, inumin).

6. Buhay (daw, raw) niya ang kapalit sa kasamaang ginawa.

7. (May, Mayroon) dumating na signos sa bayan nina Perla.


8. Huwag mong (bibitiwan, bibitawan) ang kamay ni Neneng habang tayo ay namamasyal sa SM.

9. (Nabitiwan, Nabitawan) niya ang hawak na lobo.

10.  Wasak-Wasak na (ng, nang) dumating ang mga balikbayan box na padala ni Ate mula Abu Dhabi.


11. Tawa siya (nang, ng) tawa nang kilitiin ni Joaquin.

12. Bigyan mo siya (nang, ng) konting pagtingin.

13. Hindi siya pumayag na (alisin, alisan) ng karapatan sa kanyang mga anak.

14. (Alisan, Alisin) mo ang mga tinik sa iyong pagkatao.


15. Masarap ang isdang ayungin pero dapat (alisan, alisin) ito ng tinik bago kainin.

16. Halika (dito, rito)!

17. Sa Mababang Paaralan ng Paoay (din, rin) siya nag-aral ng elementarya.

18. Naghihinala si Aling Metring sa kanyang asawang si Jose kung kaya't inutusan ang isang kakilalang (subukan, subukin) ito.


19. (Pahirin, Pahiran) mo ng langis ang kawa bago mo itago (nang, ng) hindi kalawangin.

20.  Pupunta (dito, rito) ang Kakang Lucio sa makalawa.

21. Luminis ang buong paligid nang kanyang (walisan, walisin).

22. Si Carlito (daw, raw) ang magiging panauhing-pandangal sa pagtatapos ng mga mag-aaral.


23. Huwag kang (bibitaw, bibitiw) at baka ka mahulog.

24. Sa Sariaya (din, rin) ang kanyang punta.

25. Humiyaw ka (nang, ng) malakas (nang, ng) ikaw ay marinig.

Monday, June 19, 2017

WASTONG GAMIT: INUMAN at INUMIN

Pagkaminsan ay nakalilito rin ang wastong gamit ng inuman at inumin. Upang makita ang pagkakaiba, nararapat na suriin kung anong bahagi ng pananalita ang dalawang salita.

Ang inuman ay isang pangngalan (noun) samantalang maaaring pandiwa (verb) o pangngalan ang inumin. Dahil dito, ang inuman ay tumutukoy sa isang bagay o pangyayari samantalang maaring nagpapahayag naman ng kilos o pagkilos ang inumin o pwede rin namang tumutukoy sa isang bagay.

Mga Halimbawa



1. Nauuhaw si Pedro. Bigyan mo siya ng inumin. (tubig, softdrinks, etc.)
2. Inumin (Drink) mo ang tabletang ito nang bumuti ang iyong pakiramdam.
3. Kaarawan ni Luis ngayon. Tiyak na may inuman (drinking spree) at inumin (liquor, alak, beer, serbesa,atbp).

4. Kumuha ka ng inuman (cup, glass, tasa, baso) para pagsalinan nitong malamig na softdrink.
5. Lagyan mo ng inumin ang inuman.

Saturday, November 13, 2010

Wastong Gamit: Nang at Ng

Kung pakikinggan lamang, hindi natin agad malalaman kung "Nang" o "Ng" ang ginamit sa isang pangungusap dahil halos magkasingtunog ang dalawang salita. Nguni't sa pormal na pagsusulat, nararapat na malaman ang tamang gamit ng "nang" at "ng".

A. NANG
a. Makikita sa unahan ng pangungusap
Halimbawa:
1. Nang dumating ang guro, tumahimik ang mga mag-aaral.
2. Nang maluto ang sinaing, agad na hinarap ni Maria ang pagpiprito ng isda.

b. Gamit sa pang-abay na pamaraan (adverb of manner) o pang-abay na panggaano o pampanukat (adverb of quantity).
Halimbawa:
1. Lumakad siya nang dahan-dahan.
2. Ang tumatakbo nang matulin kung matinik ay malalim.
 3. Namayat si Anna nang todo simula ng magkasakit.
 4. Nagalit ang mga manonood dahil nahuli nang dalawang oras ang pagtatanghal.

c. Gamit sa pagitan ng inuulit na pandiwa.
1. Sayaw nang sayaw ang mga bata sa ulanan.
2. Kanina pa siya ikot nang ikot.

d. Gamit na kasingkahulugan ng "noong"
 1. May bagyo nang (noong) siya ay isilang.
 2. Tumahimik ang lahat nang (noong) dumating ang mga hindi kilalang tao.

e. Gamit na kasingkahulugan ng "upang" o "para".
 1. Kinailangang patayin ng mga kidnaper ang pulubi nang hindi maging saksi sa krimen. 
 2. Dinala sa pagamutan si Mang Igme nang magamot.

f. Gamit bilang katumbas ng "na" at "ang".
 1. Natutong sumagot ang kasambahay sa kaniyang amo dahil sobra nang (na ang) hirap ang kanyang dinanas.
 2. Dahil labis nang (na ang) lupit na ipinamalas ng mga Kastila kaya nag-aklas ang mga Filipino.

B. NG
a. Nagsasaad ng pagmamay-ari.
Halimbawa:
1. Napakagara ang bahay ng mga Dela Cruz.
2. Ang palad ng mayayaman ay tila napakanipis.

Sapat nang tandaan ang gamit ng NANG upang hindi malito sa wastong paggamit ng NANG at NG.
Kung ang sumusunod na salita ay isang pandiwa (verb) at pang-uri (adjective), gamitin ang NANG. NANG  din ang gamit sa unahan ng pangungusap.

Wednesday, February 24, 2010

Wastong Gamit ng Raw, Daw, Rin, Din, Dito, Rito

Ang raw, rito, rin, roon at rine ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig (vowel - a, e i, o, u) o malapatinig (semi-vowel - w, y).

Halimbawa:

1. Pumunta ka rito.
2. Taga-Dabaw (Dabao) rin si Imelda.
3. Nag-aaway raw ang mga bata.
4. Maliligo rine ang mga dalaga.
5. Patungo roon ang mga kandidato.

Ang daw, dito, din, doon at dine ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig (consonant).

Halimbawa:

1. Sa ilog daw maliligo ang mga binata.
2. Pupunta rin dito ang mga artista.
3. Yayaman din tayo balang araw.

Dito at Doon ang ginagamit sa simula ng isang pangungusap.
Halimbawa:
1. Dito ba tayo maghihintay?
2. Doon na tayo mananghalian sa bahay.

TANDAAN:
Taliwas sa tuntunin sa itaas, kung ang salita ay nagtatapos sa RA, RE, RI, RO, RU, RAY at RAW, ang dapat gamitin ay DAW at DIN upang maging malumanay at tuloy-tuloy ang pagbigkas ng pangungusap.

Halimbawa:

1. Ang balaraw DAW ni Pedro ay mas matalim kaysa kay Juan.
2. Ang kalaro DAW ni Anna ay nagtapos ng may karangalan.
3. Kare-kare DIN ang dadalhin ni Melba sa pagtitipon.
4. Sa araw DAW darating ang kuya.
5. Aray RIN ang kanyang hiyaw.
6. Makiri DAW ang manugang ni Aling Damiana.


Monday, April 13, 2009

WASTONG GAMIT: MAY, MAYROON

May pulis, may pulis sa ilalim ng tulay.
May bibit na bayong ang pulis sa ilalim ng tulay.

Ang mga salitang may at mayroon ay halos magkasintulad ang kahulugan. Ang pinagkaiba lamang ay ang paggamit nito ng wasto sa pangungusap. Naaayon ang gamit sa sinusundang salita. 

 A. May ang ginagamit kung ang sumusunod na salita ay:

  1. Pangngalan (noun) 

Halimbawa: 

a. May pulis sa ilalim ng tulay.

b. May ipis ang iyong pagkain. 

 2. Pandiwa (verb) 

Halimbawa: 

a. May umaawit sa banyo. 

b. May umaalulong na aso sa tumana. 

 3. Pang-uri (adjective) 

Halimbawa:

a. May isang linggo na siyang hindi pumapasok sa paaralan. 

b. May magarang sasakyan ang iyong kuya. 

 4. Pang-abay (adverb) 

Halimbawa: 

a. May iisa siyang salita. 


 B. Ang mayroon ay ginagamit kung ang sumusunod na salita ay isang kataga, panghalip na panao (personal pronoun) o pamatlig at pang-abay na panlunan (adverb of place). 

Halimbawa: 

1. Mayroon siyang malaking suliranin sa kanyang asawa. 

2. Mayroon kayang pasok bukas? 

3. Mayroon itong mabisang sangkap laban sa pagtatae. 

4. Mayroon na ba siyang gamit sa pananahi? 

 Ginagamit din ang mayroon sa pagsagot sa tanong: 

Halimbawa: 

May asin na kaya ang sinangag? Mayroon na.

Tuesday, March 31, 2009

WASTONG GAMIT: SUBUKIN at SUBUKAN

Subukin, Subukan

Sa aking pagsasaliksik sa iba't ibat webpurok (website) sa internet, nagkandahilu-hilo ako kung ano talaga ang wastong gamit ng mga salitang "subukin at subukan". Magkakabaliktad ang paliwanag ng bawa't isa kaya hindi ko masuri kung ano talaga ang tamang gamit ng mga ito. Sa pagsasalita natin, nababaligtad din natin ang paggamit ng mga ito subali't nauunawaan pa rin tayo ng ating kausap. Sa aking palagay, ito ay sapat na. Nguni't kung ang isusulat mo ay isang pormal na sanaysay at tesis, nararapat lamang na gamitin ang wastong gamit ng mga salitang ito.
Sa aking pagsusuri at palagay, ito ang wastong gamit ng subukin at subukan.

Subukin ang ginagamit kung ang ating nais ipahayag ay ang paggawa ng isang bagay (to DO something).

Mga halimbawa:

1) Subukin natin ang sumayaw ng cha-cha.



2) Susubukin kong mag-aral lumangoy ngayong bakasyon.



3) Subukin mong gumawa ng magandang bagay sa iyong kapuwa.

Subukin  din ang ginagamit kung ang nais nating ipagpalagay ay ang pagtikim, pagkilatis at pagsubok ng isang bagay (to TASTE, ASSESS, EXAMINE or TRY something).






Mga halimbawa:

1) Ating subukin kung masarap nga ang mantikilyang ito.
2) Subukin mo kung matibay nga ang binili kong sinulid.
3) Tayo nang subukin kung matamis ang mga lanzones na dala ng Tatay.

Ang salitang subukan naman ay ginagamit kung ang nais ipagkahulugan ay ang paniniktik (spying) sa isang tao.


Mga halimbawa:

1) Subukan mo kung ano ang ginagawa ng iyong kuya sa kanyang kuwarto.

2) Susundan ko si Mister bukas. Susubukan ko kung siya nga ay may kulasisi.

3) Tayo nang subukan ang ginagawa ng mga mag-aaral sa palaruan.

Inaanyayahan ang mga pantas sa wikang Filipino na magbigay ng kanilang komento at pahayag sa usaping ito.

Monday, March 30, 2009

WASTONG GAMIT: PAHIRIN, PAHIRAN

Isa pang nakagugulo sa isip ng mga mag-aaral ay ang wastong gamit ng mga salitang pahirin at pahiran.


Pahirin ang ginagamit kung ang nais gawin ay alisin o tanggalin ang isang bagay mula sa isang bagay.






Mga halimbawa:

1) Pahirin mo ang sipon sa ilong ng iyong kapatid.
2) Aking papahirin ang luha sa iyong mga mata, giliw.
3) Huwag mo nang pahirin ang natirang langis sa makina.
4) Huwag mong kalimutang pahirin ang iyong muta sa umaga.



Pahiran ang ginagamit kung ang ibig ipagkahulugan ay lagyan ng isang bagay ang isang bagay.




Mga halimbawa:
1) Pahiran mo ng mantikilya ang aking tinapay.
2) Aking papahiran ng pampakintab ang aking mesa.
3) Tayo nang pahiran ng floor wax ang sahig.
4) Pinahiran niya ng dumi ang aking kuwaderno.

Pagsasanay

Piliin ang tamang sagot sa loob ng panaklong;

Huwag ka nang umiyak (Pahirin, Pahiran) mo ang iyong luha dahil darating na ang Tatay. Sasabihan ko si Utoy na (pahirin, pahiran) ng floorwax ang sahig upang ito ay kumintab at matuwa ang Nanay kapag nakita. Bibili naman ako ng mantikilya sa tindahan at (papahirin, papahiran) ko ang pinalutong kong mga tirang pandesal. (Papahiran, Papahirin) ko rin ang mga natuyong mantika sa kawali.


Saturday, March 28, 2009

WASTONG GAMIT: WALISIN at WALISAN



Wastong Gamit

Ang walis ay isang gamit-pambahay na ipinanlilinis sa pamamagitan ng pag-alis ng mga alikabok, dumi at kalat sa loob at labas ng bahay. Walis- tambo ang ginagamit sa loob ng bahay para sa mga dumi, alikabok at kalat na maliliit.
Walis-tinting naman kung gagamitin sa labas ng bahay o bakuran kung ipang-aalis ng mga natuyong dahon o may kalakihang kalat.
Sa pagsasalita at pagsusulat, lagi nang namamali ang mga mag-aaral tamang paggamit ng mga salitang walisin at walisan. Ito ang punto ng araling ito.

Gamitin ang salitang walisin kung ang ibig tukuyin ay ang pag-aalis ng partikular na dumi o kalat.

Halimbawa:

1. Walisin mo ang mga tuyong dahon sa bakuran.
2. Aking wawalisin ang mga alikabok sa aking kuwarto.
3. Tayo nang walisin ang mga dumi sa sahig.

Gamitin ang salitang walisan kung ang tinutukoy ay isang partikular na lugar na marumi.

Halimbawa:

1. Napakarumi ng iyong silid. Pwede bang walisan mo naman 'yan?
2. Aking wawalisan ang silid-aklatan dahil may bibisita bukas.
3. Walisan mo ang ating bakuran. Tambak ito ng mga tuyong dahon.

Pagsasanay

Piliin ang tamang salita.

Darating ang mga Inay bukas. Kailangang (walisin, walisan) ko ang kanyang kuwartong gagamitin. (Wawalisan, Wawalisin) ko ang mga duming naroon. (Wawalisin, Wawalisan) ko rin ang bakuran. Aking (wawalisin, wawalisan) ang mga papel at tuyong dahon upang maging malinis ito sa kanyang paningin.