Showing posts with label Mga Uri ng Pangatnig. Show all posts
Showing posts with label Mga Uri ng Pangatnig. Show all posts

Wednesday, March 23, 2011

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANGATNIG (CONJUNCTION)

Ano ang pangatnig?

Tinatawag na pangatnig ang mga kataga o lipon ng mga  salitang nag-uugnay sa dalawang salita, parirala sa kapwa parirala at sugnay sa kapwa sugnay upang maipakita ang dalawa o higit pang kaisipan sa loob ng pangungusap. Ang pangatnig ay ginagamit din sa mga pangungusap na tambalan, hugnayan at langkapan.

Mga Uri ng Pangatnig

1. Panapos - pangatnig na nagsasaad na malapit nang matapos ang pagsasalita o ang nais ipahiwatig ng pangungusap.
Halimbawa:
a. Makukuha ko na rin sa wakas ang inaasam kong promosyon sa trabaho.
b. Sa lahat ng ito, dapat tayong magkaisa.
c. Sa di-kawasa, ang pagtalakay sa pagpapatalsik kay Ombudsman Gutierrez ay tinapos na ng Kamara.
d. Sa bagay na ito, nasa ating mga kamay na ang paghuhusga.

2. Pananhi - nagsasaad ng kadahilanan o katuwiran para sa natapos na kilos.
Halimbawa:
a. Sumakit ang kanyang lalamunan dahil sa kasisigaw.
b. Sanhi sa init ng panahon kaya siya nilagnat.
c. Umapaw ang ilog sapagkat walang tigil ang ulan.
d. Nahilo si Anna mangyari ay ikot siya nang ikot.

3. Pamukod - pangatnig na ginagamit sa pagbukod o pagtatangi.
Halimbawa:
a. Kung ikaw o si Liza ang bibigyan ng parangal ay wala akong tutol.
b. Batid ko ang pagkapanalo ng ating grupo kung si Roger man ang piliing lider natin.
c. Walang diprensiya sa akin maging si Jose ang magwagi sa paligsahan.
d. Ni sermunan ni saktan ay hindi ko ginagawa sa aking anak.

4. Paninsay - pangatnig na sinasalungat ng naunang parte ng pangungusap ang ikalawang bahagi nito.
Halimbawa:
a. Nakatakda siyang umani ng tagumpay kahit (kahit na) maraming naninira sa kanya.
b. Nakatapos si Ramon ng medisina bagaman tindera lang sa palengke ang kanyang ina.
c. Nanalo pa ring musa si Rosa datapwat may mga kaibigang bomoto sa kalaban niya.
d. Mayaman nga si Donya Rustica ngunit matapobre naman.

5. Panubali - nagsasaad ito ng pag-aatubili o pag-aalinlangan.
Halimbawa:
a. Hindi tayo matutuloy sa sine kapag hindi umuwi nang maaga ang tatay.
b. Sasayaw ako kung aawit ka.
c. Pag umulan, hindi makakapunta rito si Boyet.
d. Hindi tayo makakahuli ng maraming isda sakaling lumitaw ang buwan.

6. Panimbang - pangatnig na gamit kung naghahayag ng karagdagang impormasyon at kaisipan.
Halimbawa:
a. Nagpiknik sa bukid sina Jose at Maria.
b. Pati ang gamit ng iba ay kanyang iniligtas.
c. Anupa't pinagbuti niya ang kanyang pag-aaral para makaahon sa kahirapan.
d. Nagtanim siya ng upo at saka patola.

7. Pamanggit - pangatnig na gumagaya o nagsasabi lamang ng iba.
Halimbawa:
a. Siya raw ang hari ng sablay.
b. Sa ganang akin, mali ang paniniwala mo.
c. Di umano, mahusay umawit si Blanca.
d. Masisipag daw ang mga taga-Ilokos.


8. Panulad - gumagaya o tumutulad ng mga pangyayari, kilos o gawa.
a. Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.
b. Kung sino ang unang tumakbo, siyang mananalo.
c. Kung gaano ang iyong itinulong, siya ring ibibiyaya sa iyo.


 9. Panlinaw - gamit ang pangatnig na panlinaw upang ipaliwanag ang bahagi o kabuuan ng isang banggit.
Halimbawa:
a. Nahuli na ang tunay na maysala kaya makakawala na si Berto.
b. Nagkasundo na ang mga trabahador at may-ari, kung gayon ay magbubukas na ang planta.