Showing posts with label Mga Uri ng Pangungusap. Show all posts
Showing posts with label Mga Uri ng Pangungusap. Show all posts

Wednesday, March 3, 2021

PAYAK, TAMBALAN, AT HUGNAYANG PANGUNGUSAP

Payak, Tambalan, at Hugnayang Pangungusap at Mga Halimbawa Nito

Tulad ng simuno at panaguri, may tatlong uri ng pangungusap. Ito ay maaaring payak, tambalan, o hugnayan.

I. Payak na Pangungusap (Simple Sentence)        

            Ang payak na pangungusap ay binubuo lamang na isang sugnay na makapag-iisa. Ang sugnay na makapag-iisa (independent clause) ay grupo ng mga salitang nagtutulung-tulong at naglalaman ng simuno (subject) at panaguri (predicate). Maaari itong makatayong mag-isa o kaya’y maintindihan nang walang kakailanganing tulong.

Halimbawa:

A. Malaki ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.

            Sugnay na makapag-iisa: Malaki ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.  (Sinasabi ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya)

            Simuno: COVID-19

            Panaguri: Malaki ang pinsala sa ekonomiya ng bansa

B. Dadalo ka ba ng reunion?

            Sugnay na nakapag-iisa: Dadalo ka ba sa reunion? (Tinatanong kung dadalo o hindi sa reunion)

            Simuno: ka

            Panaguri: Dadalo ba sa reunion

II. Tambalang Pangungusap (Compound Sentence)

Ang tambalang pangungusap ay may dalawa o higit pang sugnay na makapag-iisa. Pinagdurugtong ang mga ito ng mga pangatnig (conjunction)  tulad ng: at , ngunit , datapwat, pero, subalit, kaya, o, ni. Mauunawaan natin ang mga sugnay kahit sila ay paghiwalayin pa dahil buo na ang kanilang diwa o isa ng ganap na pangungusap.

Halimbawa:

A. Nagtungo sa kusina si Marta at siya ay naghugas ng mga pinagkainan.

  Mga Sugnay na Makapag-iisa:

                        1. Nagtungo s a kusina si Marta

                        2. siya ay naghugas ng mga pinagkainan

            Pangatnig na Ginamit: at

B. Gustong pumasok sa trabaho ni Emily, subali’t siya ay nilalagnat.

            Mga Sugnay na Makapag-iisa:

                        1. Gustong pumasok sa trabaho ni Emily

                        2. siya ay nilalagnat

            Pangatnig na Ginamit: subali’t        

III. Hugnayang Pangungusap (Complex Sentence)     

Ang hugnayang pangungusap ay may isang sugnay na makapag-iisa at isa o higit pang sugnay na di makapag-iisa. Ang sugnay na di makapag-iisa ay hindi maaaring tumayo nang mag-isa dahil hindi ito mauunawan o walang buong diwa. Kailangang may kakabit itong sugnay na makapag-iisa upang maintindihan. Ito ay kadalasang nagsisimula sa pangatnig na habang, upang, bago, kaysa, dahil, pagkatapos, kahit na, paano, kung, kaysa, na, hanggang, nang, kung saan,  kapag.

Halimbawa:

         A. Upang magtiwala ang mga mamamayan sa bisa ng bakuna laban sa COVID-19, kailangang manguna sa pagbabakuna ang mga lider ng bansa

            Sugnay na Makapag-iisa: kailangang manguna sa pagbabakuna ang mga lider ng bansa. (Mauunawaan kahit mag-isa dahil buo na ang diwa nito o ganap nang isang pangungusap.)

            Sugnay na Di Makapag-iisa: Upang magtiwala ang mga mamamayan sa bisa ng bakuna laban sa COVID-19 (Hindi lubos na mauunawaan kung tatayong mag-isa.

            B.  Pagkatapos ng junior high school, nag-aral sa TESDA si Nilo kaysa pumasok sa kolehiyo.

            Sugnay na Makapag-iisa: nag-aral sa TESDA si Nilo

            Sugnay na Di Makapag-iisa: (1) Pagkatapos ng junior high school; (2) kaysa pumasok sa kolehiyo.

Paano matutukoy kung ang isang pangungusap ay tambalan o hugnayan?

            Tandaan lamang na ang tambalang pangungusap ay may 2 buong diwa o dalawang pangungusap na kinabitan lamang ng isang pangatnig. Nauunawaan ang 2 sugnay kahit wala ang pangatnig. Ibig sabihin, ang bawa’t sugnay ay buo ang diwa at nauunawaan nang lubusan.  Sa hugnayang pangungusap, hindi kumpleto ang diwa o hindi lubos na mauunawan ang sugnay na nagsisimula sa pangatnig o iyong sugnay na di makapag-iisa.

Saturday, June 18, 2011

Mga Uri ng Pangungusap

MGA URI NG PANGUNGUSAP
(Hango sa http://tl.answers.com/Q/Ano_ang_mga_uri_ng_pangungusap_ayon_sa_gamit)
 A. Ayon sa tungkulin

1 . Mga pangungusap na eksistensyal - nagpapahayag ng pagkamayroon ng isa o higit pang tao, atbp. Pinangungunahan ito ng may o mayroon. Halimbawa: Mayroon daw patimpalak sa plasa.
 
2. Mga pangungusap na pahanga - nagpapahayag ng damdaming paghanga. Halimbawa: Nakakaaliw ang pagsasayaw nila! 
3.  Mga sambitlang - tumutukoy sa mga iisahin o dadalawahing pantig na nagpapahayag ng matinding damdamin. Halibawa: Nakupo!
4. Mga pangungusap na pamanahon - nagsasaad ng oras o uri ng panahon. Halimbawa: Huli ka na.
5. Mga pormularyong panlipunan - mga pagbati, pagbibigay-galang, atbp. na nakagawian na sa lipunang Pilipino. Halimbawa: Magandang gabi po. 

B. Ayon sa gamit

Ang pangungusap ay may apat na uri ayon sa gamit. Ang mga ito ay:
1. Ang Paturol na pangungusap ay tinatawag ding pasalaysay. Ito'y nagsasalaysay ng isang katotohanan o pangyayari. Ito ay binabantasan ng tuldok. 

Halimbawa: 
Si Andres Bonifacio ay ang Ama ng Katipunan.


2. Ang pangungusap na Patanong ay nagpapahayag ng pagtatanong o pag-uusisa. Ito'y gumagamit ng tandang pananong. 
Halimbawa: 
May pasok ba bukas?

3. Ang pangungusap na Pautos ay nagpapahayag ng pag-uutos. Ito'y gumagamit ng tuldok tulad ng pasalaysay. 
Halimbawa: 
Magdala kayo ng lapis at papel bukas.

4. Ang pangungusap na Padamdam ay nagpapakilala ng isang matinding damdamin ng pagkabigla, pagkainis o pagkagalit. Ito'y gumagamit ng tandang pandamdam. 

Halimbawa 
 Naku! May ahas sa puno! 

C .Ayon sa kayarian

Ang pangungusap ay may apat na kayarian: payak, tambalan, hugnay at langkapan.

1. Ang Payak na pangungusap ay nagpapahayag ng iisang kaisipan. Maaaring nagtataglay ng payak o tambalang simuno at panaguri. May apat itong kayarian: payak na simuno at payak na panaguri; payak na simuno at tambalang panaguri; tambalang simuno at payak na panaguri; at tambalang simuno at tambalang panaguri. 

Mga halimbawa: 

* Ang pamahalaan ay masigasig sa mabilisang pagsugpo ng kriminalidad sa bansa. 
* Ang mga lalaki at babae ay naghahanda ng palatuntunan para sa darating na pista. 
* Ang aming pangkat ay naglinis ng mga kalye at nagpinta ng mga pader sa paaralan. 
* Ang mga guro at mag-aaral ay aawit at sasayaw para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. 

2. Ang Tambalang Pangungusap ay binubuo ng dalawa o higit pang sugnay na makapag-iisa: 

Halimbawa: 
a. Nagtatag ng isang samahan sina Arnel at agad silang umisip ng magandang proyekto para sa mga kabataan ng kanilang pook. 
b .Maraming balak silang gawin sa Linggo: magpapamigay sila ng pagkain sa mga batang lansangan, magpapadala sila nga mga damit sa mga batang ulila saka maghahandog sila ng palatuntunan para sa mga maysakit sa gabi. 

3. Ang Hugnayang Pangungusap ay binubuo ng isang sugnay na makapag-iisa at isa o dalawang sugnay na di-makapag-iisa. 

Halimbawa: 
1. Gaganda ang iyong buhay kung susunod ka sa mga pangaral ng inyong magulang. 
2. Ang batang na putol ang mga kamay ay mahusay gumuhit. 

4 . Ang langkapang pangungusap ay binubuo ng dalawa o mahigit pang sugnay na makapag-iisa at dalawa o mahigit pang sugnay na di-makapag-iisa. 

Halimbawa: 
a. Ang buhay sa mundo ay pansamantala lamang kaya't dapat na tayo ay magpakabuti upang makamit ang kaligayahan sa kabilang buhay. 
b. Nahuli na ang mga masasamang-loob kaya't payapa na kaming nakatutulog sa gabi, kasi sila lamang ang gumugulo sa amin. 
c. Ang mga bayani natin ay namuhunan ng dugo upang makamtan ang kalayaan nang ang bayan ay matahimik at lumigaya.