Sunday, October 9, 2011

ANO ANG ALAMAT?

Ang alamat o legend o folklore sa wikang Ingles ay isang kuwentong maaaring kathang-isip lamang o may bahid ng katutohanang tumatalakay sa pinagmulan ng isang bagay, lugar, pangyayari o katawagan. Karaniwan nang nakapaloob sa isang alamat ang kagitingan o kabayanihan ng ating mga ninuno.


Mga Halimbawa ng Alamat

Alamat ng Sampagita 

Noon, lahat ng halaman ay may pinagmamalaking kayamanan tulad ng masarap ng bunga o bulaklak na marikit, mabango at may kakaibang ganda. Maliban sa isa. 

Ang Sampagita ay parating naging tampulang ng katatawanan sa hardin. Parati siyang inaapi ng mga kasamang halaman. 

Madalas na pagmamayabang ng Santan, "Ano ang iyong silbi? Salat ka na sa ganda, wala pang bulaklak na ipagmamalaki. Hindi tulad ko na biniyayaan ng makukulay na bulaklak. Ako'y nakakawili." 

Kutya naman ng Milegwas, "Oo nga, pangit ka na, wala pang bangong kahali-halina. Amuyin mo ko, ang sarap ng samyo, ang tamis, ang bango. Mahalaga ako sa mga tao sapagkat ako ang parating inaalay sa kanilang mga Santo." 

"Ako rin," gatong pa ni Rosas. "Di ba't sadyang ako'y napakaganda? Ang mga bulaklak ko, pula, puti man o dilaw, sikat na panregalo sa mga dalaga. E ikaw para saan ka? Hindi ka dapat sa amin sumasama." 


Tawanan ang mga magagandang halaman. Araw-araw, ganito ang kanilang usapan. Isang araw, hindi na makapagtimpi ang kawawang Sampagita. Nagtangis, nakiusap, nagmakaawa sa mabait na Bathala. "Panginoon, bakit naman ganoon? Ano nga ba ang silbi ko? Ako'y abang halaman lamang." 

Narinig ng Bathala ang tangis ng naaping Sampagita. Awang-awang nagwika, "Iha, tumigil ka na sa pag-iyak, bibiyayaan kita ng bulaklak na kaiingitan nila." Dumakot siya ng mga bituin sa langit at saka ito dinurog. Bawat isa nito ay kanyang hinalikan bago isinaboy sa humihikbing Sampagita. 

Ang bawat bituin ay naging munting puting bulaklak na sadyang napakatamis ng samyo. Ang kanyang mga bulaklak ay naging paborito ng mga tao, pangkuwintas sa mga dalaga at bisita at pang-alay sa mga Santa. 

Nahigitan ng Sampagita ang lahat ng nangungutyang halaman. Siya pa ang tinanghal na pambansang bulaklak ng bayang sinisinta. 



Alamat ng Kasoy
(Sinipi mula sa http://jaypeeonline.net/asides/alamat-ng-kasoy/)




Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.

Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.
Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.
“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”
Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto.
“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”
“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”
Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.”
Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.
Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.

Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.
Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.
Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto.
“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”
Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.
Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.


Ang Alamat ng Olongapo
(Sinipi mula sa http://coconuter.blogspot.com/2007/06/ang-alamat-ng-olongapo.html)




Noong araw ay may isang binatang solong namumuhay sa malawak niyang sakahan. Marami ang tumutulong sa kanya gaya rin ng pagtulong niya sa kapwa. Kinagigiliwan siya at iginagalang ng mga kabataan. Katunayan ay tinatawag siyang Apo ng mga ito. Ang tunay niyang pangalan ay Dodong.

Hindi kalayuan sa lupain ni Dodong ay may nakatirang isang dalagang mayumi at maganda. Mahaba at mabango ang kanyang buhok. Marami ang nabibighani sa kagandahan ni Perla. Matagal na silang magkakilala ngunit walang puwang sa puso ng binata si Perla dahil na rin sa agwat ng kanilang edad.

Lumipat ng tirahan sina Perla at ang kanyang mga magulang. Hindi rin sila nagkikita ni Dodong.

Isang hapon, hindi sinasadyang nakasalubong sina Dodong at Perla. Noon lang napansin ng lalaki ang iwing ganda ng babae. Binati ni Dodong si Perla at inalok na ihatid ang dalaga. Pinaunlakan naman siya ni Perla.

"Tatang, narito po si Apo. Dadalaw po siya sa inyo ni Nanang," ang masayang bungad ni Perla pagsapit sa kanila.

"Aba, Dodong! Mabuti naman at napasyal ka rito sa amin," ang masayang bati ng ama ni Perla.

"Kumusta po kayo? Nahihiya po ako at hindi na ako nakatulong sa bayanihan dito sa inyo," magalang na tugon ni Dudong.

"Naku, eh, huwag mong alalahanin iyon. Alam kong solo kang namumuhay at iniuukol mo sa bukid ang iyong panahon. Pasabihan mo na lang kami kung kailangan mo naman ng tulong sa iyong bukid," ang amuki ng tatang ni Perla.

"Marami pong salamat. Hayaan po ninyo at tuwing Sabado ay dadalaw ako para makatulong din ako sa inyo," tugon ng binata.

Simula noon ay madalas nang nagkikita sina Dodong at Perla. Naging daan iyon upang magkalapit ang kanilang damdamin. Hindi naman ito pinigilan ng mga magulang ng dalaga dahil gusto nila si Dodong para sa anak.

Minsan, isang malaking bangka ang dumaong sa may baybay-dagat. Lulan nito ay mga lasing na Kastila. Nakita nila si Perla. Tinanong nila ang dalaga. Hindi naintindihan ni Perla ang salita ng lasing ng Kastila kaya ngumiti na lang siya. Akala ng Kastila ay pumayag si Perla sa gusto nito kaya niyapos at hinalikan ang dalaga. Sumigaw si Perla at humingi ng saklolo.

May mga tumawag kay Apo at ibinalita ang pambabastos kay Perla. Nagdilim ang paningin ni Dodong. Sinugod niya ang mga Kastila at walang patumanggang nilabanan ang mga ito. Sa kasamaang palad ay napatay si Dodong. Upang huwag pamarisan ay pinutulan nila ng ulo si Dodong. Isinabit nila ang ulo nito sa isang tulos ng kawayan.

"Ulo ng Apo! Ulo ng Apo!" ang sigawan ng mga bata.

Akala ng mga Kastila ay Ulo ng Apo ang pangalan ng pook na iyon. Sa kauulit ng salitang "Ulo ng Apo," naging Olongapo ito. Magmula noon ang pook na iyon ay tinawag nilang Olongapo, ang pinakapusod at pinakamakulay na bahagi ng Zambales.


Para sa iba pang halimbawa ng alamat mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas, bisitahin ang webpurok na ito:http://www.elaput.org/almat02.htm 

1 comment:

Pedia said...

Salamat sa lahat ng pagsisikap na nilagay mo sa site na ito. Talagang enjoyed reading this Alamat. Lalo na't napakaganda ng ibinigay mong halimbawa.