Sunday, November 7, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Bisa

 Ang tula ay may dalawang uri ayon sa bisa. Ito ay ang mga sumusunod:

Amado V. Hernandez
(Image from https://www.listal.com)


1. Madamdamin (Emotional) – tinutukoy ng isang madamdaming tula ang marangal na damdaming nakabalatay sa pagitan ng mga taludtod at naglalarawan sa paningin ng kaluluwa ng isang masining na kariktan. Inilalarawan ng makata ang isang masining na kagandahan. 

Halimbawa ng tulang madamdamin

Isang Dipang Langit
ni Amado V. Hernandez

Ako’y ipiniit ng linsil na puno

hangad palibhasang diwa ko’y piitin,

katawang marupok, aniya’y pagsuko,

damdami’y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:

bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;

lubos na tiwalag sa buong daigdig

at inaring kahit buhay man ay patay.


Sa munting dungawan, tanging abot-malas

ay sandipang langit na puno ng luha,

maramot na birang ng pusong may sugat,

watawat ng aking pagkapariwara.


Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,

sa pintong may susi’t walang makalapit;

sigaw ng bilanggo sa katabing moog,

anaki’y atungal ng hayop sa yungib.


Ang maghapo’y tila isang tanikala

na kala-kaladkad ng paang madugo

ang buong magdamag ay kulambong luksa

ng kabaong waring lungga ng bilanggo.


Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,

kawil ng kadena ang kumakalanding;

sa maputlang araw saglit ibibilad,

sanlibong aninong iniluwa ng dilim.


Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang

sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;

kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,

sa bitayang moog, may naghihingalo.


At ito ang tanging daigdig ko ngayon –

bilangguang mandi’y libingan ng buhay;

sampu, dalawampu, at lahat ng taon

ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.


Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap

at batis pa rin itong aking puso:

piita’y bahagi ng pakikilamas,

mapiit ay tanda ng di pagsuko.


Ang tao’t Bathala ay di natutulog

at di habang araw ang api ay api,

tanang paniniil ay may pagtutuos,

habang may Bastilya’y may bayang gaganti.


At bukas, diyan din, aking matatanaw

sa sandipang langit na wala nang luha,

sisikat ang gintong araw ng tagumpay…

layang sasalubong ako sa paglaya!


BAYAN KO
ni Jose Corazn De Jesus


Ang bayan kong Pilipinas

Lupain ng ginto’t bulaklak

Pag-ibig na sa kanyang palad

Nag-alay ng ganda’t dilag.

At sa kanyang yumi at ganda

Dayuhan ay nahalina

Bayan ko, binihag ka

Nasadlak sa dusa.


Ibon mang may layang lumipad

kulungin mo at umiiyak

Bayan pa kayang sakdal dilag

Ang di magnasang makaalpas!


Pilipinas kong minumutya

Pugad ng luha ko’t dalita

Aking adhika,

Makita kang sakdal laya.


2. Mabulaybulay (Reflective)  – nag-aangkin din ng mga bahaging madamdamin subali’t ang damdaming ito’y matimpi at pigil sapagka’t umaalinsunod sa pagbulay-bulay o repleksyon ng isang bukas na isipan.

Halimbawa ng tulang mabulaybulay


Dugo at Laya
ni Nemesio E. Caravana

Tanging lalaki kang nagmahal sa bayan

Na ang sinandata’y panitik na tangan…

Nang ikaw’y barilin ng mga kaaway

Dugo mo ang siyang sa laya’y umilaw!


Sa dalawang mahal na laman ng isip,

Na Irog at Bayang kapwa mo inibig…

Bayan ang piniling mabigyan ng langit

Kahit ang puso mo ay sakdal ng hapis.


Namatay ka upang mabigyan ng laya

Ang sinilangan mo na lahi at lupa…

Sa tulog na isip ng liping mahina

Dugo mo ang siyang nagbigay ng diwa.


Nabubo sa lupa ang mahal mong dugo –

Ang galit ng bayan naman ay kumulo…

Kaya’t nang mabutas ang mahal mong bungo,

Ay laya ng lahi naman ang nabuo!


Takipsilim
ni  Black Sheep

Sa iyong paglisay puso’y tumangis

Dahil ‘yong mukha’y laging ninanais

Na masilip sa tuwing damdami’y malungkot

At pag isip ay puno ng galit at poot


Di makintal sa isip na ika’y lumisan na

Ang ‘yong alaala di mabura sinta

Mga ngiti mong nag sisilbing kiliti

Ngayon lahat nag ito’y napalitan ng hikbi


Sa tuwing sasapit ang gabi ito’y sadyang kay dilim

Pag sapit ng araw walang hanggang kulimlim

Wala na ang liwanag sa buhay ko hirang

Pangarap naglaho ikubli na lamang


Ako’y naninimdim na lahat bibitbitin

Ang payo mo Ina aking kikimkimin

Takipsilim ang iyong pagkawala sa aking buhay

Ngunit ang yong alaala’y bukang liwayway


Thursday, October 21, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Kaukulan

 Mga Uri ng Tula Ayon sa Kaukulan



1. Mabigat – mataas ang uri. Mabigat ang tema at diwa. Ito ay isang mataas na uring pampanitikan.

HULING PAALAM
(Salin sa Tagalog ni Jose Gaymaytan mula sa "Mi Ultimo Adios" ni Gat Jose Rizal)


Halimbawa ng tulang mabigat

Paalam na, sintang lupang tinubuan,

Bayang masagana sa init ng araw,

Edeng maligaya sa ami’y pumanaw

At perlas ng dagat sa dakong Silangan.


Inihahandog ko ng ganap na tuwa

Sa iyo yaring buhay na lanta na’t aba;

Naging dakila ma’y iaalay rin nga

Kung dahil sa iyong ikatitimawa.


Ang nanga sa digmaan dumog sa paglaban

Handog din sa iyo ang kanilang buhay,

Hirap ay di pansin at di gunamgunam

Ang pagkaparool o pagtagumpay.


Bibitaya’t madlang mabangis na sakit

O pakikibakang lubhang mapanganib,

Pawang titiisin kung ito ang nais 

Ng baya’t tahanang pinakaiibig.


Ako’y mamamatay ngayong minamalas 

Ang kulay ng langit na nanganganinag

Ibinababalang araw ay sisikat

Sa kabila niyang mapanglaw na ulap.


Kung dugo ang iyong kinakailangan

Sa ikadidilag ng iyong pagsilang,

Dugo ko’y ibubo’t sa isa man lamang

Nang gumigiti mong sinag ay kuminang.


Ang mga nasa ko, mulang magkaisip,

Magpahanggang ngayon maganap ang bait,

Ang ikaw’y makitnag hiyas na marikit

Ng dagat Silangan na nakaliligid.


Noo mo’y maningning at sa mga mata 

Mapait na luha bakas ma’y wala na,

Wala ka ng poot, wala ng balisa,

Walang kadungua’t munti mang pangamba,


Sa sandaling buhay maalab kong nais

Ang kagalingan mo’t ang paiwang sulit

Ng kaluluwa king gayak ng aalis:

Ginhawa’y kamtan mo! Anong pagkarikit!


Nang maaba’t ikaw’y mapataas lamang,

Mamatay at upang mabigyan kang buihay,

Malibing sa lupang puspos ng karika’t

Sa silong ng iyong langit ay mahimlay.


Kung sa ibang araw ikaw’y may mapansin

Nipot na bulaklak sa aba kong libing,

Sa gitna ng mga damong masisinsin,

Hagka’t ang halik mo’y itaos sa akin.


Sa samyo ng iyong pagsuyong matamis,

Mataos na taghoy ng may sintang sibsib,

Bayang tumaggap noo ko ng init,

Na natatabunan ng lupang malamig.


Bayan mong ako’y malasin ng buwan

Sa liwang niyang hilano’t malamlam;

Bayan ihatid sa aking liwayway

Ang banaang niyang dagling napaparam.


Bayaang humalik ang simoy ng hangin;

Bayaang sa huning masaya’y awitin

Ng darapong ibon sa kurus ng libing

Ang buhay payapang ikinaaaliw.


Bayaang ang araw na lubhang maningas

Pawiin ang ulan, gawing pawang ulap,

Maging panganuring sa langit umakyat,

At ang aking daing ay mapakilangkap.


Bayaang ang aking maagang pagpanw,

Itangis ng isnag lubos na nagmamahal;

Kung may umalala sa akin ng dasal,

Ako’y iyo sanang idalangin naman.


Idalangin mo rin ang di nagkapalad,

Na nangamatay na’t yaong nanganhirap 

sa daming pasakit, at ang lumalangap 

naming mga ina luhang masaklap.


Idalangin sampo ng bawa’t ulila 

at nangapipiit na tigib ng dusa; 

idalangin mo ring ikaw’y matubos na 

sa pagkaaping laong binata.


Kung nababalot na ang mga libingan 

Ng sapot na itim ng gabing mapanglaw, 

at wala ng tanod kundi pawing patay, 

huwang gambalain ang katahimikan.


Pagpitagan mo ang hiwagang lihim, 

at mapapakinggan ang tinig marahil, 

ng isang saltero: Ito nga’y ako ring 

inaawitanka ng aking paggiliw.


Kung ang libingan kong limot na ang madla 

ay wala nang kurus at bato mang tanda 

sa nangangabubukid ay ipaubayang 

bungkali’t isabog ang natipong lupa.


Ang mga abo ko’y bago pailanglang 

mauwi sa wala na pinaggalingan, 

ay makalt munag parang kapupunanng 

iyong alabok sa lupang tuntungan.


Sa gayo’y walaa ng anoman sa akin, 

na limutin mo ma’t aking lilibutin 

ang himpapawid mo kaparanga’t hangin 

at ako sa iyo’y magiging taginting.


Bango, tinig, higing, awit na masaya 

liwanag aat kulay na lugod ng mata’t 

uulit-ulitin sa tuwi-tuwina.


Ako’y yayao na sa bayang payapa, 

na walang alipi’t punoing mapang-aba, 

doo’y di nanatay ang paniniwala 

at ang naghahari Diyos na dakila.


Paalam anak, magulang, kapatid, 

bahagi ng puso’t unang nakaniig, 

ipagpasalamat ang aking pag-alis 

sa buhay na itong lagi ng ligalig.


Paalam na liyag, tanging kaulayaw, 

taga ibang lupang aking katuwaan, 

paaalam sa inyo, mga minamahal; 

mamatay ay ganap na katahimikan.


ANG POSPORO NG DIYOS
ni Jose Corazon De Jesus


Sa dilim ng gabi’y may gintong nalaglag,

may apoy, may ilaw, galing sa itaas;

at dito sa lupa noong pumalapag,

nahulog sa bibig ng isang bulaklak.

Ang sabi ng iba’y kalulwa ng patay,

luha ng bituin, anang iba naman.

Lalo na’t sa gabi ay iyong matanaw

tila nga bituing sa langit natanggal.


Bituin sa langit at rosas sa hardin,

parang nagtipanan at naghalikan din;

nang di na mangyaring sa umaga gawin,

ginanap sa gabi’y lalo pang napansin.


Katiting na ilaw ng lihim na liyag,

sinupo sa lupa’t tanglaw sa magdamag;

ito’y bulalakaw ang dating pamagat,

posporo ng Diyos sa nangaglalakad.


Kung para sa aking taong nakaluhod

at napaligaw na sa malayong pook,

noong kausapin ang dakilang Diyos

ay sa bulalakaw lamang nagkalugod.


Sampalitong munti ng posporong mahal

kiniskis ng Diyos upang ipananglaw;

nang ito’y mahulog sa gitna ng daan,

nakita ang landas ng pusong naligaw!


Ito’y bulalakaw, ang apoy ng lugod,

na nagkanlalaglag sa lupang malungkot.

May nakikisindi’t naligaw sa pook:

Aba, tinanglawan ng posporo ng D’yos.

2. Pampagkakataon o pang-okasyon - ito ay mga tulang pambigkasan na ginagamit sa koronasyon, luksang lamayan, mga kaarawan at mga pagdiriwang ng bayani at araw ng pangilin.

Halimbawa ng tulang pampagkakataon o pang-okasyon

MALIGAYANG KAARAWAN
ni John Gabriel Nermal
(Mula sa https://hellopoetry.com)

Ito ay isang maligayang araw

Dahil ito'y ang iyong kaarawan,

Wag mo kalimutan ang iyong ilaw

ikaw ang aming gabay sa daanan,


HInding hindi ko makakalimutan

Ang araw na tayo'y may kaligayahan,

Memorya na ito'y aking ingatan

'Di mahalintulad ang kasiyahan


Dahil sayo ako'y may natutunan

Na wag **** tigilan ang kasiyahan,

Ito din ang iyong pagsisisihan

Parang araw na puno ng kariktan,


Itong araw na ikaw ay masaya

kahit isang lungkot, walang makita,

Dapat ang iyong araw ay di masira

Nakakasira sa iyong kay ganda,


Walang sinuman ay isang perpekto

Sa aking paningin ika'y kompleto,

Hindi mo kailangang magpabago

Dahil masaya na ako sa iyo,


Masaya kami kapag kasama ka

Na kalokohan **** nakakatuwa,

Mga tuwaan na nakakahawa

Na kinalalabasan ay himala,


Ikaw pa din ang bituin sa dilim

Nagbibigay sa taong may kulimlim,

Ang mga tawanan na walang tigil

Mga saya na madaling mapansin,


Itong panahon ay muling aahon

Walang rason para ika'y matakot,

Walang panahon para tumalikod

Dahil hindi ito ang iyong desisyon,


Sana natuwa ka sa 'king regalo

Binigay ko dito ang aking buo,

Hindi kayang ikumpara sa ginto

Dahil hindi ito isang trabaho,


Ito'y ginawa ko sa aking gusto

Na sana walang mangyaring magulo,

Itong tula ay para lang sa iyo

'Di ko magawa para sa iba 'to.


Dapat lahat ay palaging masaya

Para walang madulot na problema,

Ang panahon ay lalong gumaganda

Kapag lahat may magandang balita,


Ikaw ang may dulot ng kasiyahan

Na punong puno ng kaligayahan,

Hindi dapat itong pinagdudahan

Parang araw tayo'y nagkakitaan,


Walang saya kapag may kakulangan

Dahil lahat ay walang kahulugan,

Katulad ng masayang kaarawan

Walang silbe kapag ika'y nawalan.


BAYANING SUNDALO
ni @christyn
(Mula sa https://steemit.com)


Alay mo ang iyong buhay para sa bayan

Upang makamtan ang katahimikan

Maprotektahan ang sambayanan

Sa mga malulupit na dayuhan


Sariling pamilya ay iyong iniwan

Kahit umiiyak ang mag-ina sa iyong paglisan

Isinantabi ang sariling kaligayahan

Ibubuwis ang buhay hindi lang sa iilan


Ikaw ang aming bagong bayani

Serbisyo mo, sa puso mo'y namayani

Upang mapayapang Pilipinas ay maghari

Ligtas ako, sila, lahat kami


Gusto ko mang sabihin na 'yong lisananin

Upang pamilya mo ay iyong mapansin

Pwesto mo sa digmaan ay importante

Kaligtasan naming lahat, sa iyo nakabase


Panalangin ko sana ay dinggin

Na ikaw ay ligtas, kasamahan mo rin

Upang sa katapusan ng iyong laban

Mga sabik mong anak, iyong mahagkan


Salamat sa iyo,

Ito ang sambit ng aming puso

Salamat sa iyo,

Bayaning mga Sundalo.


3. Magaan – hindi gaanong mataas ang uri. Madaling isipin at karaniwan sa mga bugtungan at tulang pambata.

Halimbawa ng tulang magaan

BUGTONG-BUGTONG
ni --aQuArius(0i28xvii)

(Mula sa Samu't Saring Tula,/Poetry and others. https://www.facebook.com/915675178566185/

(i)

Tayo ngayon ay magbugtungan

Sagot nito'y palaisipan

Isipin wag kang magmadali

Ng sa sagot di magkamali.

(ii)

Ibibigay ang limang bugtong

Susubukin ang marurunong

Pwedeng isagot kahit ano

Depende sa naiisip nyo.

(iii)

1.May katawan at merong ulo

Pwedeng dilaan pag ginusto

Pisilin mo ng dahan-dahan

Kung gusto mo itong labasan.

(iv)

2.Tumatayo ay walang paa

Laki at sukat iba-iba

Merong buhok ay walang mukha

Walang mata ay lumuluha.

(v)

3.Tumitigas na parang bakal

Lumalambot kapag nagtagal

Mainit ay di kumukulo

Pwedeng sipsipin mo't isubo.

(vi)

4.Merong buhok kahit di tao

Maalat-alat lasa nito

Laman ay laging natatakpan

Namamasa kapag nabuksan.

(vii)

5.Ginagamit ito ng madla

Meron nito kahit na bakla

Nakukuha to sa lalaki

Pwedeng gamitin ng babae.

(viii)

Marahil ngayo'y alam nyo na

Sagot sa bugtong na lilima

Wag lang haluan ng marumi

Limang bugtong ay hindi berde.

(ix)

Pwede ngang tama, pwedeng mali

Subukan nyo baka sakali

Napapangiti na yong iba

Sa sagot nilang kakaiba.


ANG KAIBIGANG TUNAY
ni Al Q. Perez
(Mula sa https://www.tagaloglang.com)

Kaibigang tunay ay laging matapat,

ang tulong ay laan sa lahat ng oras.


Siya ay mabait at saka marangal

sa lahat ng saglit ay maaasahan.


Sa pangangailangan, siya’y laging handa

nang ang kaibiga’y hindi mapahiya.


Siya’y nakalaan kahit na magtiis

upang mapagbigyan, katotong matalik.


Kaibigang lubos, kaibigang tapat

ay kayamanan din ang nakakatulad.



Thursday, October 14, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Pamamaraan

Mga Uri ng Tula Ayon sa Pamamaraan

Epifanio San Juan, Jr.

    A. Masagisag – gumagamit ang makata ang mga simbolo o pahiwatig sa pagpapakahulugan ng kanyang akda.

Halimbawa ng Tulang Masagisag

Ang Tahanang Daigdig
ni Ildefonso Santos


May isang tahanang malaki’t marikit,
Langit ang bubungan at lupa ang sahig.

Bawat silid nito’y may bundok na dinding,
Dagat at batisan ang siyang salamin.

Palamuti naman ang tanang bulaklak,
Tala at bituin ang hiyas na sangkap.

Maraming laruang nakapagtataka:
Isdang lumalangoy, ibong kumakanta…

May tanging laruang isang bolang apoy,
Aywan ba kung sino ang dito’y nagpukol.

At sino rin kaya ang tagapagsindi
Ng parol na buwang pananglaw kung gabi?

Ah, Siya ang ating mabait na Ama –
Kaybango ng hangin na Kanyang hininga!

At tayo? Oh, tayo ay magkakapatid
Sa bahay na itong ang ngala’y Daigdig!


    B. Imahistiko – ipinahahayag ng makata ang kanyang kaisipan at damdamin sa paggamit ng mga imahen at larawang-diwa.

Halimbawa ng Tulang Imahistiko


    C. Makatotohanan – tinutukoy ng makata ang kalagayan ng tunay na buhay sa daigdig o ng nakikita ng ating dalawang mata.

Halimbawa ng Tulang Makatotohanan

ANG MAGANDANG PAROL
ni Jose Corazon De Jesus

Isang papel itong ginawa ng lolo

may pula, may asul, may buntot sa dulo;

sa tuwing darating ang masayang Pasko

ang parol na ito’y makikita ninyo.

Sa aming bintana doon nakasabit

kung hipan ng hangi’y tatagi-tagilid,

at parang tao ring bago na ang bihis

at sinasalubong ang Paskong malamig.


Kung kami’y tutungo doon sa simbahan

ang parol ang aming siyang tagatanglaw,

at kung gabi namang malabo ang buwan

sa tapat ng parol doon ang laruan.


Kung aking hudyatin tanang kalaguyo,

mga kapwa bata ng pahat kong kuro,

ang aming hudyatan ay mapaghuhulo:

“Sa tapat ng lolo tayo maglalaro.”


Kaya nang mamatay ang lolo kong yaon,

sa bawat paghihip ng amihang simoy,

iyang nakasabit na naiwang parol

nariyan ang diwa noong aming ingkong.


Nasa kanyang kulay ang magandang nasa,

nasa kanyang ilaw ang dakilang diwa,

parang sinasabi ng isang matanda:

“Kung wala man ako’y tanglawan ang bata.”


    D. Makabaghan / Surealistiko – ang makata’y gumagamit ng mga pangitain at galaw ng isang isipang nahihibang at wala sa wastong kamalayan. 

Halimbawa ng Tulang Makabaghan/Surealistiko


Kung Ano Ang Isinisiwalat ng Salawikain
ni Epifanio San Juan, Jr.


Nadantayan ng kung anong patak ng dagta o katas ang lamang sinuyod

Nagitla sa bulong ng himlayan

Sa teorya ng pagsisisi anong bisa ng luha sa sinansalang udyok at himok

                            "sapagkat kami'y tao lamang"

Walang sala ang hangaring hinugot sa matris ng nagkatawang-lupa

Sumingit ang kirot sa pagitan ng dalawang guhit na nagsalikop

Nakiramay sa paghasik ng asin sa sariwang sugat

Dumaluhong magkalingkis di sapol ang praktika sa pagkamulat ng birhen

Salain man ang libog may pagsisisi pa rin

Matutuklasan sa gilid ng hukay ang bakas ng dagta sa himlayang sinuyod

                            Nakabulagta

Pakiramdaman ang wikang kay hapdi ng walang salang salarin

Sunday, October 10, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Layon

 Mga Uri ng Tula Ayon sa Layon

    A. Mapaglarawan – naglalarawan ng pagpapahalaga o pagkamuhi ng makata o may-akda sa isang kalagayan, pook o pangyayari.


Halimbawa ng Tulang Mapaglarawan

SA TABI NG DAGAT

ni Ildefonso Santos 

Marahang-marahang

manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,

maglulunoy katang

payapang-payapa sa tabi ng dagat;

di na kailangang

sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,

ang daliring garing

at sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Manunulay kata,

habang maaga pa, sa isang pilapil

na nalalatagan

ng damong may luha ng mga bituin;

patiyad na tayo

ay maghahabulang simbilis ng hangin,

nguni’t walang ingay,

hangganq sa sumapit sa tiping buhangin…

Pagdating sa tubig,

mapapaurong kang parang nanginigmi,

gaganyakin kata

sa nangaroroong mga lamang-lati:

doon ay may tahong,

talaba’t halaang kabigha-bighani,

hindi kaya natin

mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdadapit-hapon

kata’y magbabalik sa pinanggalingan,

sugatan ang paa

at sunog ang balat sa sikat ng araw…

Talagang ganoon:

Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,

lahat, pati puso

ay naaagnas ding marahang-marahan…

    B. Mapagpanuto – namamatnubay, nagtuturo o nagpapayo ng isang aral sa pamamagitan ng mga taludtod.

Halimbawa ng Tulang Mapagpanuto

Ang Guryon

ni Ildefonso Santos

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon

na yari sa patpat at papel de Hapon;

magandang laruang pula, puti, asul,

na may pangalan mong sa gitna naroon.


Ang hiling ko lamang, bago paliparin

ang guryon mong ito ay pakatimbangin;

ang solo’t paulo’y sukating magaling

nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.


Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas

at sa papawiri’y bayaang lumipad;

datapwa’t ang pisi’y tibayan mo, anak,

at baka lagutin ng hanging malakas.


Ibigin mo’t hindi, balang araw ikaw

ay mapapabuyong makipagdagitan;

makipaglaban ka, subali’t tandaan

na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.


At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,

matangay ng iba o kaya’y mapatid;

kung saka-sakaling di na mapabalik,

maawaing kamay nawa ang magkamit!


Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,

dagiti’t dumagit, saanman sumuot…

O, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,

bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!


    C. Mapang-aliw – nagbibigay – aliw o lumilibang sa mga mambabasa. Maaaring ito ay nagpapatawa, nanunudyo o isang masagisag na palaisipan.

Halimbawa ng Mapang-aliw

NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN

ni Lamberto E. Antonio


Napagawi ako sa mababang paaralan

Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,

At dating kubeta ng ilang kababaryo

Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.

Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal

Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng

Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners

Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.

Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;

May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t

Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na

“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng

“Alay nina Don at Doña Pilipito Palapatok.”

Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo

At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila

Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y

Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng

Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi

Sa salawal sa pagkuha ng test –

Kundi may DR. o ENGR., may ATTY

Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –

Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,

Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.

Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering

Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y

Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;

Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.

Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,

Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang

Nagpautang sa akin noon ng musmos na karanasan;

Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:

Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon

Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t

Maulila sa mga magulang). Gumawi ako

Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,

Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,

Kahit papa’no, ang aking pangalan.


    D. Mapang-uroy – nangungutya ito o namumuna ng mga kamalian o kasamaan ng isang bagay, ng kahangalan ng isang tao at mga pagkalulong sa isang hindi magandang bagay.

Halimbawa ng Mapang-uroy

TAO

ni V. G. Suarez


— Bakit ba ang tao’y nagkakandarapang

humabol sa takbo ng kanyang orasan?

Maitatayo ba sa iisang iglap

ang sariling Roma? Ang nag-uunahang

mga matang haling sa ambrosya’t katas

ng Eden, ay Adang sa sala’y pasasa.

Ano’t nagpipilit: puso’y nag-aalpas

gayong sa simula ng kanyang pagpitlag

ay nakagapos na at nakukuralan

ng batas ng Diyos, ng sangkalikasa’t

ng lipunan niyang di kayang malabag?


Ano bang paglaya, at nagkukumagkag

sumunod sa bills ng mga sandali?

Saan ba hahantong ang hakbang at tik-tik

kundi sa landasing mabako, maikli?

Sukát na ang dulo’t ang pinaka-abang

ay ang kamatayang tuwa’t nanginginig

magsawa sa apdo ng malansang tanan !


— Oo nga, bakit ba nais makadaong

sa kabilang buhay, gayong di pa tukoy

ng sagwan ng tao kung saan naroon?


(Ang mga halimbawang tula ay hinango sa https://www.tagaloglang.com)

Sunday, October 3, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Kayarian

 Mga Uri ng Tula Ayon sa Kayarian

Sinasabi ng mga aklat sa Filipino na may apat na uri ng tula ayon sa kayarian. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Matanda o makalumang tula – Binubuo ang tulang ito ng mga taludtod na may sukat, tugma, at malalaliim na kahulugan. Ito ang pamamaraang ginamit ng mga kilalang makatang Tagalog. Ito ay tinatawag din ng ilang manunulat bilang Tradisyonal na Tula.

2. Malayang taludturan o free verse – Nabibilang dito ang mga tulang walang sukat at walang tugma. Isa itong paghihimagsik sa “makipot” na bakod ng matandang panulaan. Ito ay isang tula na isinulat nang walang sinusunod na patakaran kung hindi ang ano mang naisin ng sumusulat.Ito ay ang anyo ng tula na ipinakilala ni Alejandro G. Abadilla. Ayon sa kanya, maaaring makalikha ng tula na walang sukat at walang tugma. Ngunit dapat manatili ang karikatan, ito ay ang paggamit ng matatalinhagang pahayag na ipinakilala niya Sa kanyang tulang “ Ako ang Daigdig”.

Halimbawa ng Tula na Malayang Taludturan:

Alejandro G. Abadilla

Ako Ang Daigdig
ni Alejandro G. Abadilla

I

ako
ang daigdig

ako
ang tula

ako
ang daigdig
ang tula

ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig

ako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig


II

ako
ang daigdig ng tula

ako
ang tula ng daigdig

ako
ang malayang ako
matapat sa sarili
sa aking daigdig
ng tula

ako
ang tula
sa daigdig

ako
ang daigdig
ng tula

ako


III

ako
ang damdaming
malaya

ako
ang larawang
buhay

ako
ang buhay
na walang hanggan

ako
ang damdamin
ang larawan
ang buhay

damdamin
larawan
buhay
tula
ako


IV

ako
ang daigdig
sa tula

ako
ang daigdig
ng tula

ako
ang daigdig

ako
ang tula

daigdig
tula

ako


LUPA
ni Manuel Principe Bautista


lupa, narito ang lupa!
ikaw ay dumakot sa nakalahad mong palad
na makapal ay iyong timbangin at madarama
mo ang buong sinukob. diyan nakatanim ang
ugat ng buhay; umusbong sa patak ng masinsing
ulan. batis ay dumaloy na tulad ng ahas
na pakiwang-kiwang sa paa ng bundok. ang
halik ng araw sa dapit-umaga: naiiwang
sanlang hiyas na makinang na nakasisilaw
sa maraming mata ang magandang tampok.
nag-iwan ng sugat ang maraming daan.
dunong ay nanaig, nabuksan ang dibdib,
gaputok mang daing ay di mo naringgan.
ang pasalubong pa’y malugod na bating —
“tuloy, kabihasnan!”

lupa, narito ang lupa!
ang buhay mong hiram ay diyan nagmulang
bigay-bawi lamang. sa mayamang dibdib:
diyan napahasik ang punla ng buhay na
kusang susupling sa pitak ng iyong hirap
at paggawa. katawang-lupa ka. narito
ang lupang karugtong ng iyong buhay at
pag-asa. dibdib. puso. bait. ang katauhan
mo’y lupa ang nagbigay. ang kasiyahan mo,
tamis ng pag-ibig at kadakilaan.
sapagka’t lupa ka, katawang-lupa ka —
ganito ring lupa. diyan ang wakas
mong galing —
sa simula!

3. Tula sa tuluyan – Ang tula ay tunay na tuluyan o prosa ngunit ang diwang nakapaloob ay masagisag. Maiikli at matayutay ang ginagamit na pananalita gaya rin ng isang tunay na tula. Maaari rin itong tawaging Tula na Walang Sukat na May Tugma.

4. Di-tugmaang tula – Nagtataglay ang tulang ito ng sukat subalit walang tugma. Hindi ito gaanong gamitin sa ating panulaan. Tinatawag din itong Tulang May Sukat na Walang Tugma.

Hindi lang sa apat na uri ayon sa kayarian ang tula. May tatlong natitira at kakaibang anyo pa ang tula na kinakailangan ninyong malaman. Ito ay ang DIONA, TANAGA at DALIT.

Sa makatuwid pito lahat ang anyo ng tula.Ang tatlong natitira ay espesyal dahil sa kung anong kadahilan na inyong malalaman sa ilang saglit lamang.Ang tatlong ito ay nabibilang sa katutubong uri ng mga tula.Isang katibayan na di pa sinisilang si Francisco Balagtas o kung sino mang sikat at bihasa sa larangan ng ganitong panitikan ay mayaman na tayong mga Pilipino sa pagkamalikhain lalo na sa pagbuo ng mga tula.

Mga Katutubong Anyo ng Tula

4. DIONA - Ang diona ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, tatlong taludtod kada saknong at may isahang tugmaan. 

Mga Halimbawa ng Diona:

Ang payong ko’y si inay
Kapote ko si itay
Sa maulan kong buhay

(ni Raymond Pambit)

Lolo, huwag malulungkot
Ngayong uugod-ugod 
Ako po’y inyong tungkod

(ni Gregorio Rodillo)

Aanhin yamang Saudi
O yen na Japayuki
Kung wala ka sa tabi

(ni Fernando Gonzales)

5. TANAGA - Ang tanaga ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong na may isahang tugmaan.

Narito ang mga halimbawa ng tanaga:

Ang katoto kapag tunay
hindi ngiti ang pang-alay
kundi isang katapatan
ng mataus na pagdamay.

(KAIBIGAN)
ni Emelita Perez Baes

Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko;
Nguni’t muling tumayo
Nagkabunga ng ginto

(PALAY)
ni Ildefonso Santos

Wala iyan sa pabalat
at sa puso nakatatak,
nadarama’t nalalasap
ang pag-ibig na matapat.

(PAG-IBIG)
ni Emelita Perez Baes

Kabibi, ano ka ba?
May perlas, maganda ka;
Kung idiit sa taynga,
Nagbubunitunghininga!

(KABIBI)
ni Ildefonso Santos
Alipatong lumapag
Sa lupa — nagkabitak,
Sa kahoy nalugayak,
Sa puso — naglagablab!

(TAG-INIT)
ni Ildefonso Santos

Pag ang sanggol ay ngumiti
nawawala ang pighati,
pag kalong mo’y sumisidhi
ang pangarap na punyagi.

(SANGGOL)
ni Emelita Perez Baes

6. DALIT - Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng walong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan.

Mga Halimbawa ng Dalit:

Isda akong gagasapsap,
Gagataliptip kalapad,
Kaya nakikipagpusag,
Ang kalaguyo'y apahap.

Ang sugat ay kung tinanggap,
Di daramdamin ang antak,
Ang aayaw, at di mayag
Galos lamang magnanaknak.

Galíng nang magandang ginto,
Walang tumbagang kahalo,
Makaitlo mang ibubo
Di gumitang nang pagpalò.

Aba aya Kasampaga
Ng ponay na naulila
Kung umambo’y pagsiyap na,
Walang magkupkop na Ina.

Ang palar na nasakuna,
Ipinagtatanong ko nga,
Kung sino’ng kahalimbawa,
Nása kati nagiginâ.

Huwag kang maglingong likod:
Dito sa bayang marupok
Parang palaso, at tunod
Sa lupa rin mahuhulog.

Lunday kong aanod-anod
Pinihaw ng balaklaot,
Kayâ lámang napanolot,
Nang humihip yaring timog.




Tuesday, September 28, 2021

Mga Uri ng Tula ayon sa Kaanyuan

 Ang mga sumusunod ay mga uri ng tula ayon sa kaanyuan:

Francisco Balagtas/Francisco Baltasar

A.        Tulang pasalaysay o buhay – Ito ay naglalahad ng isang kasaysayan o mga tagpo o pangyayari. Magkakaugnay ang mga pangyayaring mababasa sa mga taludtod nito.

        Nahahati ang mga tulang pasalaysay sa mga sumusunod:

        1. Epiko – Ito ay tulang salaysay tungkol sa kagitingan ng isang tao, mga tagumpay niya sa digmaan o pakikipagtunggali sa mga kaaway. Maraming tagpo ritong hindi kapani-paniwala sapagkat may taglay na kababalaghan o salamangka at milagrong napapaloob. Mauuri ang epiko bilang sinauna o pambayani, makabago o pampanitikan at pakutya.

        Nasa ibaba ang listahan ng halimbawa ng epiko sa Pilipinas:

        a. Biag ni Lam-ang (Epikong Ilokano)
        b. Hudhud (Epiko ng Ifugao)
        c. Ibalon (Epiko ng Bicol)
        d. Kudaman (Epiko ng Palawan)
        e. Manimimbin (Epiko ng Palawan)
        f. Ullalim (Epiko ng Kalinga)
        g. Hinilawod (Epiko ng Panay)
        h. Humadapnon (Epiko ng Panay)
        i. Labaw Donggon (Epiko ng Bisayas)
        j. Maragtas (Epiko ng Bisayas)
        k. Bantugan (Epiko ng Mindanao)
        l. Darangan (Epiko ng Maranao)
        m. Indarapatra at Sulayman (Epiko ng Maguindanao)
        n. Agyu (Epiko ng Mindanao)
        o. Bidasari (Epiko ng Mindanao)
        p. Olaging (Epiko ng Bukidnon)
        q. Sandayo (Epiko ng Zamboanga)
        r. Tudbulul (Epiko ng Mindanao)
        s. Tuwaang (Epiko ng Mindanao)
        t. Ulahingan (Epiko ng Mindanao)
        u. Ulod (Epiko ng Mindanao)

    Kung nais basahin ang mga epiko sa itaas, bisitahin ang webpurok na ito: 

        2. Awit (song) at korido – Ito ay mga tulang pamana sa atin ng mga Kastila. Ang mga paksa nito ay hinango sa pangyayari na tungkol sa pagkamaginoo (chivalry) o pakikipagsapalaran. Ang mga tauhan ay mga dugong bughaw gaya ng hari’t reyna, prinsipe’t prinsesa.

        Awit = May labing dalawa (12)na pantig sa bawat taludtod. Tulang pasalaysay na kung saan makatotohanan ang mga tauhan at maaring maganap sa tunay na buhay ang kanilang pakikipagsapalaran. Inaawit ang himig na mabagal o adante.

        Korido = May walong (8) pantig sa bawat taludtod. Tulang pasalaysay na may kasamang kababalaghan; ang mga tauhan ay nagsasagawa ng mga bagay na di maaring magawa sa tunay na buhay.

        Pagkakaiba Ng Awit Sa Korido:

Ang kaibahan ng awit at korido ay maaaring nasa sukat at anyo:

        1. Mabilis ang bigkas ng korido, may kabagalan naman ang awit.

        2. Ang korido ay may walong pantig at binibigkas sa kumpas ng martsa “allegro”, samantala ang awit ay may labindalawang pantig at inaawit na mabagal sa saliw ng gitara o bandurya “allegro”.

        3. Ang ikinaganda ng awit ay sa mga aral na ipinahihiwatig samantala sa korido ang ikinawiwili ng mga mambabasa ay ang kuwento o kasaysayang napapaloob dito.

        Mga Halimbawa ng Korido

        Ibong Adarna, Don Juan Tiñoso, Don Juan Teñoso, Mariang Kalabasa, Ang Haring Patay, Mariang Alimango, Bernardo Carpio ni Jose de la Cruz, Rodrigo de Villas ni Jose de la Cruz, Prinsipe Florennio ni Ananias Zorilla, Buhay na Pinagdaanan ni Donya Maria sa Ahas


        Mga Halimbawa ng Awit

        Florante at Laura ni Francisco Balagtas, Buhay ni Segismundo ni Eulogio Juan de Tandiona, Doce Pares na Kaharian ng Francia ni Jose de la Cruz, Salita at Buhay ni Mariang Alimango, Prinsipe Igmidio at Prinsesa Clariana

        3. Balad o Balada– Ito ay tulang pasalaysay na karaniwang inaawit habang may nagsasayaw. Mayroon itong anim hanggang walong pantig.  Naglalaman ito ng madamdaming pagsalaysay. Katang-tanging katangian ng mga sikat na tula at awit noon sa Pulong Briton ang balada simula noong huling bahaging Gitnang Panahon hanggang ika-19 na daantaon at labis na ginagamit sa buong Europa at lumaon ay ginamit din ng mga bansa sa Amerika, Australia at Hilagang Aprika.

        Ang isang halimbawa nito ay balitaw. Ang balitaw ay debateng awit at sayaw tungkol sa pagmamahalan ng isang lalaki at babae. Ito ay isang pamimitagang sayaw na laganap sa maraming lugar sa Pilipinas, lalong-lalo na sa Tagalog at Visayas. Ang Balitaw ay galing sa salitang “balita” at “raw”. Balita na nangangahulagang “news” sa Ingles at raw o “it is said”, kaya ito’y “bulung-bulungan ng mga tao”.

        Sa mga Visayan, ang mga mananayaw ay kumakanta, samantalang sa Tagaog ay hindi. Ang mga mananayaw ay hindi nagsasalita o walang boses na maririnig at sila’y gumagamit ng bulaklak na nagpapakita ng kanilang emosyon at damdamin. Ang babae ay nagbibigay ng bulaklak sa lalaki na nangangahulugan ng pagtanggap bilang kanyang mangingibig.

        Ang katutubong sayaw na ito ay napaka popular sa mga kabataan ng Rehiyong Tagalog.

B. Tulang pandamdamin o liriko – Nagpapahayag ang mga tulang ito ng damdaming pansarili ng kumatha o ng kaya ay ng ibang tao. Maaari rin iton likha ng mapangarapin imahinasyon ng makata batay sa isang karanasan. Karaniwan itong maikli at madaling maunawaan.

        Ang mga sumusunod ay ilan sa mga uri ng tulang pandamdamin/liriko.

        1. Awit o Awiting Bayan – Ito ay madamdamin at ang karaniwang paksa nito ay tungkol sa pag-ibig, kawalang-pag-asa o pamimighati, pangamba, kaligayahan, pag-asa at kalungkutan. Ito ay isang tula na may tig-aapat na taludtod bawat saknong. Ang bawat taludtod naman ay binubuo ng labindalawang (12) pantig. Iisa rin ang tugma ng bawat taludtod. Katumbas nito sa kasalukuyan ang awit o mga kantang mayroong liriko.

Halimbawa ng Awit:

Sitsiritsit

Sitsiritsit, alibangbang
Salaginto at salagubang
Ang babae sa lansangan
Kung gumiri'y parang tandang

Santo Niño sa Pandacan
Putoseko sa tindahan
Kung ayaw mong magpautang
Uubusin ka ng langgam

Mama, mama, namamangka
Pasakayin yaring bata.
Pagdating sa Maynila
Ipagpalit ng manika.

Ale, ale, namamayong
Pasukubin yaring sanggol.
Pagdating sa Malabon
Ipagpalit ng bagoong.

        2. Soneto – Ito ay tulang may 14 na taludtod. Naglalaman ito ng damdamin at kaisipan at may malinaw na kabatiran sa likas na pagkatao at naghahatid ng aral sa mambabasa sa kabuuan.

        Halimbawa ng Soneto:

Puso ng Pag-ibig
ni Don Lenard Pinto

May pinahirapang puso ng pag-ibig,
Dahil sa paghanap ng isa pang puso,
Ang pusong nakita’y katulad ng langit,
Magandang-maganda puso ng pagsuyo,
Ang dalawang puso’y masayang nabuhay,
At sa püso’y hindi na raw magtataksil,
Naniwala silang ang pagmamahalan….
Pag likas at wagas ay walang kahambing,
Bubuyog at kamya’y laging nag-uusap,
Laging nagsasalo sa dusa’t ligaya,
Sapagkat ang kamya’y langit ng pagliyang,
Ang bubuyog nama’y puso ng pag-irog,
Ang puso ng tao’y ligayang may dusa,
Di lahat ng puso’y laging maligaya.

        3. Oda – Nagpapahayag ito ng isang papuri, ng isang panaghoy o iba pang masiglang damdamin. Wala itong tiyak na bilang ng pantig o tiyak na bilang ng taludtod sa isang saknong.

        Halimbawa ng Oda:

Bayan Ko 
ni José Corazón de Jesús

Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto't bulaklak
Pag-ibig na sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!

Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko't dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya.

        4. Elehiya – Nagpapahayag ito ng damdamin o guniguni tungkol sa kamatayan o kaya ay tula ng pananangis lalo na sa paggunita ng isang yumao.

        Halimbawa ng Elehiya:

AKO PALA ITONG ILILIBING NINYO!
ni Avon Adarna

 Ang nilalang na sumakabilang buhay
Saan paroroon at saan hihimlay? 
Ang kaluluwa bang maitim ang kulay
Sa dagat ng apoy ang hantong na tunay? 

At ang kaluluwa ng buting nilalang,
Pinto ba ng langit ang bukas na daan?
Sino ang hahatol, magbibigay puwang? 
AMA ba o ANAK ang dito'y hihirang?

Nagising akong puno ng pag-asa,
Dumilat ang tingin sa ganda ng umaga,
Napagwari ko ding kaygaan ng umpisa,
Igting ng paligid ang bumulaga

Ngunit ano itong nangyari sa amin?
Magulo ang tao, parang sa may piging, 
Aba at nabigla, nagkaduling-duling,
 Ako pala itong inyong ililibing!


        5. Pastoral – Isang uri ng tulang liriko o ang pinakamatagal na uri ng pagsusulat ng tula. Ang salitang pastoral ay mula sa salitang Latin na “pastor.” Ang tulang pastoral ay hindi lamang tungkol sa buhay ng isang pastol at pagpapastol. Sa tulang ito binibigyang pansin ang pansariling damdamin ng manunulat. Ito ay madalas na tumatalakay ng mga pang araw-araw na pamumuhay ng isang tao tulad ng pangingisda, pagsasaka at iba pa. Maaring tumalakay din ito ng mga emosyon tulad ng pag-ibig at kalungkutan.  Ito ay tulang pumapaksa at naglalarawan ng simpleng paraan ng pamumuhay, pag-ibig, at iba pa. Ang mga sopistikadong alagad ng sining ang sumusulat ng tulang pastoral na nagpapalagay at dinarama ang katauhan ng isang simpleng tao. Maaaring pagaralan ang tulang pastoral bilang:

a. isang alegorya na gumagamit ng simbolismo.

b. panitikang nagbibigay ng pagkakataon sa mga mambabasa na maranasan ang pagtakas sa magulong buhay at madama pansamantala ang malaya at walang kaguluhang buhay.

c. Paglagay ng komplikado sa simple 

        Mga Halimbawa ng Tulang Pastoral:

        i. Bayani ng Bukid ni Alejandrino Q. Perez- tungkol sa pamumuhay ng isang magsasaka

Bayani ng Bukid 
ni Alejandrino Q. Perez

 Ako’y magsasakang bayani ng bukid 
Sandata’y araro matapang sa init 
Hindi natatakot kahit na sa lamig 
Sa buong maghapon gumagawang pilit. 

Ang kaibigan ko ay si Kalakian 
Laging nakahanda maging araw-araw 
Sa pag-aararo at paglilinang 
Upang maihanda ang lupang mayaman. 

Ang haring araw di pa sumisikat 
Ako’y pupunta na sa napakalawak 
Na aking bukiring laging nasa hagap 
At tanging pag-asa ng taong masipag. 

Sa aking lupain doon nagmumula 
Lahat ng pagkain nitong ating bansa 
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha 
Sila’y umaasa sa pawis ko’t gawa. 

Sa aking paggawa ang tangi kong hangad 
Ang aki’y dumami ng para sa lahat 
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak 
Umaasa akong puso’y nagagalak. 

At pagmasdan ninyo ang aking bakuran 
Inyong makikita ang mga halaman 
Dito nagmumula masarap na gulay 
Paunang pampalakas sa ating katawan. 

Sa aming paligid namamalas pa rin 
Ang alagang hayop katulad ng kambing 
Baboy, manok, pato’y alay ay pagkain 
Nagdudulot lakas sa sariling atin. 

Ako’y gumagawa sa bawat panahon 
Na sa aking puso ang taos na layon 
Na sa bawat tao, ako’y makatulong 
At nang maiwasan ang pagkakagutom. 

Ako’y magsasakang bayani ng bukid 
Sandata’y araro matapang sa init 
Hindi natatakot kahit na sa lamig 
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

        Tinig ng Ligaw na Gansa nagmula sa sinaunang Ehipto- tungkol sa pag-ibig

Ang Tinig ng Ligaw na Gansa

Salin sa Filipino ni Vilma C. Ambat


Ang tinig ng ligaw na gansa
nahuli sa pain, umiyak
Ako’y hawak ng iyong pag-ibig,
hindi ako makaalpas.

Lambat ko ay aking itatabi,
subalit kay ina’y anong masasabi?
Sa araw-araw ako’y umuuwi,
karga ang aking mga huli.

Di ko inilagay ang bitag,
 sapagkat sa pag-ibig mo’y nabihag.

        ii. Halika sa Bukirin ni Milagros Bagsit Macaraig

        iii. Sa Bukid ni Meric Mara

Sa Bukid
 ni Meric Mara

Kaulayaw ang luntiang paligid
Damang dama ang sariwang hangin
Aking pakiramdam ay nalupig
Sa ganda ng kalikasan ay napa-ibig

Kapaligira’y gipalpal ng kapayapaan
Kasama ng mga palay na nagsasayawan
Sa ilalalim na bughaw ng kalangitan
Kapaguran ay di na masilayan

Sa Bukid.

        6. Dalit – Ito ay awit na pumupuri sa Diyos o sa Mahal na Birhen. Nagtataglay ito ng kaunting pilosopiya sa buhay. Tumutukoy ito sa isang uri ng tulang damdamin na nagpapakita ng luwalhati, kaligayahan, o pagpapasalamat. Karaniwang para ito sa mga diyos o pinaniniwalaang panginoon upang magpakita ng pagsamba. Karaniwan din itong isang saknong lamang na may apat na taludtod at may sukat nawawaluhin.

Mga halimbawa ng Dalit:

a. Ang sugat ay kung tinanggap,
Di daramdamin ang antak,
Ang aayaw, at di mayag
Galos lamang magnanaknak.


b. Galíng nang magandang ginto,
Walang tumbagang kahalo,
Makaitlo mang ibubo
Di gumitang nang pagpalò.


c. Isda akong gagasapsap,
Gagataliptip kalapad,
Kaya nakikipagpusag,
Ang kalaguyo’y apahap.


d. Aba aya Kasampaga
Ng ponay na naulila
Kung umambo’y pagsiyap na,
Walang magkupkop na Ina.


e. Ang palar na nasakuna,
Ipinagtatanong ko nga,
Kung sino’ng kahalimbawa,
Nása kati nagiginâ.


f. Huwag kang maglingong likod:
Dito sa bayang marupok
Parang palaso, at tunod
Sa lupa rin mahuhulog.


g. Lunday kong aanod-anod
Pinihaw ng balaklaot,
Kayâ lámang napanolot,
Nang humihip yaring timog.


C. Tulang Dula/Pandulaan o Tulang Pantanghalan– Naglalarawan ito ng madudulang pangyayari na halos katulad ng nagaganap sa tunay na buhay at ang layunin nito ay upang itanghal.

Mga Uri ng Tulang Dula

1. Komedya – ang layunin nito ay gawing kawili-wili ang panonood sa pamamagitan ng mga ginagawa ng pangunahing tauhan. Ang wakas nito ay masaya. Ang kaguluhan sa bandang simula ay naaayos. Ang pagkakasundo-sundo ng mga tauhan ang nakapagpapasaya sa mga nanonood. 

Isang halimbawa ng komedya na isinulat ni Juan Crisostomo Soto (o Crissot), na tinaguriang “Ama ng Panitikang Kapampangan” ay ang komedyang Kiki-Riki, isang komedyang nakasulat sa Kapampangan at may isang yugto.

2. Melodrama – ginagamit ang tulang ito sa mga dulang musikal. Isang halimbawa nito ang Sarimanok na isinulat ni Steven Prince “Patrick” C. Fernandez.

3. Trahedya – nauuwi ang dulang ito sa malagim o malungkot na wakas ng pangunahing tauhan.  Ang mga  halimbawa ng trahedya ay Ang Trahedya sa Balay ni Kadil na isinulat ni Don Pagusara; Hiblang Abo at Sigwa ni Rene O. Villanueva; Madawag na Lupa ni Pedro L. Ricarte; at Moses, Moses ni Rogelio R. Sikat.

4. Parsa – ang parsa (farce sa wikang Ingles) ay nakapagpapasiya sa mga nanonood dahil sa mga dugtong-dugtong na mga pangyayaring nakatatawa. Ito ay gumagamit ng eksahiradong pantomina, pagbobo (clowning), mga nakatatawa, nakatutuwa, komikong pagsasalita na karaniwang isinasagawa sa mabilisan at di-akmang layunin at di-pagkakaunawaan.

Isang halimbawa ng parsa sa Filipino ay ang La India Elegante Y El Negrito Amante ni Francisco "Balagtas" Baltazar.

5. Saynete – ang dulang ito ay tungkol sa mga lugar o kaugalian ng isang lahi o katutubo, hinggil sa kanyang pamumuhay, pangingibig, at pakikipagkapwa. Tulad ng parsa, ito ay may layunin ding magpatawa.

Isang halimbawa ng saynete sa Filipino ay ang La India Elegante Y El Negrito Amante ni Francisco "Balagtas" Baltazar.

Narito ang istorya ng saynete, na ibinatay ni Baltazar sa tunay na mga pangyayari sa kanyang pamamahay... 

        Nagwawalis si Uban, isang kaminero, sa plasa ng komedyante bagama't wala daw namang napapanood doon"kundi mga giri at salta/kunday, at tadyak ng paa/pampalubid ng bituka." Darating si Tomeng, ang itang kasamahan ni Uban, na nakasuot Kastila. Nililigawan ni Tomeng si Menangge, isang Tagalang "mababa ang lipad", ngunit ayaw siyang pansinin nito dahil sa itsura niyang Ita. Kaya naman parang sampayang nagbihis si Tomeng ng damit Intsik, damit mestisong Tagalog, damit Morong Balangingi, ngunit di pa rin siya sinagot. Sa damit niyang kastilang yaon, tiyak na niyang siya'y mapapansin. Darating naman si Menangge, ngunit minata pa rin nito si Tomeng na sa ganang kanya'y "taga-bundok" na hindi nababagay sa tulad niyang "taga-bayan". 

        Nagtalo ang dalawa hinggil sa pagsinta. Pinulaan ni Tomeng ang pagsinta ng mga tagabayan na pinaghalu-halong "sumpa, daya at biro", at sinabing higit na mabuti ang pag-ibig niyang taga-bundok, na tumitingin "hindi sa balat kundi sa laman." Sa wakas, tinanggap na rin ni Menangge ang pag-ibig na alay ng Ita.

D. Tulang sagutan / patnigan – Ito ay mga tulang pampagtatalo at pangangatwiran. Ang mga halimbawa nito ay duplo, karagatan, balagtasan at batutian.

    1. Duplo  -Noong panahon ng Espanyol, popular na pagtatanghal ng dúplo kung may lamayan at tinatampukan ng mga makatang nagpapaligsahan bílang tagapagsakdal o bílang tagapagtanggol sa isang dula ng paglilitis.

        Ang dúplo ay paligsahan sa pagtula. Ito’y pagtatalo sa pagmamatuwid. Ang palitan ng matuwid o sagutan ay likha sa agaran (impromptu). Sa ibang salita, ang pagtatalo ay walang paghahanda. Ito ang pinagmulan ng tinatawag nating balagtasan sa ngayon.

        Layunin ng duplo ang magbigay na aliw sa naulila at makiramay, magbigay parangal sa kaluluwa ng yumao, at sa panig ng mga kalahok magpamalas ng talas ng isip at husay sa pagbigkas ng tula. 

        Hinahati sa dalawang pangkat ang mga kalahok, malimit alinsunod sa kasarian, isang hanay ang mga babae at tinatawag na belyáka at isa pang hanay ang mga lalaki at tinatawag na belyáko. Nása gitna at may trono ang Harì, at katabi ang Ministro o Piskál. Sa paglalaro, karaniwang nag-uumpisa ito sa pagbabando ng isang problema. Maaaring nawawala ang singsing ng Hari o ninakaw ang kulasisi ng Hari at pagbibintangan ang isa sa mga kalahok. Itatanggi siyempre ito ng napagbintangan at ipapása sa ibang kalahok. Magpapatuloy ang bintangan hanggang may mahúli o magpahúli.

        Lilitisin ang nahúli at ito ang magiging tampok ng paglalaro. Malimit na belyaka ang napaparusahan. Malimit ding isa sa mga belyako ang tatayong abogado niya o Depensór (tagapagtanggol). Inaasahan ding ang pinakamahusay na mga makata sa naroon ang gaganap Depensor at Piskal dahil maglulundo sa kanilang debate ang lahat. Tumatagal ang laro batay sa husay ng dalawa sa paglalatag ng mga katwiran—mula sa karunungangbayan, popular na panitikan, pasyon, at mga salawikain—at paggamit ng siste upang maaliw ang madla.

        Isang pampahabà ang kunwa’y pagdating ng isang Embahadór mulang ibang bayan. Bibigkas siyempre ito ng mga pagyayabang hinggil sa sarili at pinagmulan, bago maanyayahang umupô sa hanay ng mga belyako. Maaari ding dalawa pa o mahigit ang dumalaw na Embahador at magtalumpati din. Samantala, maaari namang ang belyakang nasasakdal ay magpamalas din ng galíng sa pagbigkas at sumingit sa pagtatalo ng Depensor at Piskal. Gayundin ang maaaring gawin ng Hari at ng iba pang nais tumula, na umiisip ng paraan at dahilan upang makasingit.

        Dahil isang matanda nang palabas, nakaipon ang duplo ng sariling tradisyonal na wika at tungkulin. Kailangang alam ng isang kalahok ang ibig sabihin ng tribulacion, numeracion, relacion, casero, putok na po, upang hindi mapahiya sa harapan.

    2. Karagatan  - Ito ay itinuturing na matandang anyo ng panitikan. Tinatawag itong tulang padula sapagkat ang mga ito ay nasusulat ng padula at ginagampanan ito ng mgaatauhan. Ito rin ay tinatawag na dulang pantahanan sapagkat karaniwang idinaraos sa loob ng bahay o bakuran ng namatay. Nagiging parangal din ito sa namatay

        Katangian ng Karagatan: 

            a. Ito ay isang larong may paligsahan sa tula 
            b. Ang kuwentong ito ay batay sa alamat ng singsing ng isang dalaga na nahulog sa gitna ng dagat.
            c. Pakakasalan ng dalaga ang binatang makakakuha ng singsing 
            d. Sa larong ito, hindi kinakailangang sumisid sa dagat ang binatang nais magkapalad sa dalagang nawalan ng singsing.
            e. Ginaganap ang laro sa bakuran ng isang bahay 
            f. May dalawang papag sa magkabila ng isang mesang may sarisaring pagkaing-nayon. 
            g. Magkaharap ang pangkat ng binata at dalaga
            h. Karaniwang isang lalaki ang magsisimula ng larong ito 
            i. Maaaring magpalabunutan para mapili ang binatang unang bibigyan ng dalaga ng talinhaga
            j. Maaari pa rin ang pagpili sa binata ay batay sa matatapatan ng tabong may tandang puti 
            k. Bibigkas muna ng panimulang bahagi ang binata bago tuluyang sagutin ang talinhaga

            Halimbawa ng Talinhaga:

            1. PASSWORD KA BA? 
                    HINDI KASI KITA MAKALIMUTAN EH                     
            2. ESPANYOL KA BA? 
                    SINAKOP MO KASI PUSO KO 
            3. EDSA KA BA? 
                    DI KASI AKO MAKAMOVE ON

3. Balagtasan - Ang Balagtasan ay hango sa pangalan ni Francisco "Balagtas" Baltasar. Sinasabing unang nagsimula ang Balagtasan noong Abril 6, 1924 na ginawa ng mga pangkat ng mga manunula upang alalahanin ang kapanganakan ni Balagtas.Ito ay isang uri ng tulaang Pilipino na nasa anyong pagtatalo o debate. Tula pa rin ang ginagamit na paraan ng pagsasaad ng damdamin at mga argumento sa ginagawang pagtatalo.

4. Batutian - Ang batutian (Ingles: satirical joust) ay isang uri ng tulang patnigan na hinango sa balagtasan. Ipinangalan ito sa kinikilalang " Unang Hari ng Balagtasan", si Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute). Ginagawa ito sa mga lamayan upang libangin ang mga tao. Naglalaman ito ng katatawanan ngunit may kasama ring katotohanan.

Kabilang sa mga katangian ng Batutian na lumabas sa magasin noon ang pagtalakay ng siste, ang pagtalakay sa kasalukuyang isyung pampulitika o pangkultura, ang pagpapa-antig ng damdamin ng mambabasa, at ang pagpapalitan ng katwirang maaaring taglayin ng magkatunggaling sektor sa pamayanan ng tulaan. Ito ay madalas ginagamit sa mga eskwelahan lalo na sa asignaturang Pilipino. BATEhin ang tawag sa mga gumagawa o nagsasagawa ng batutian. Ito ay nadiskubre o nabuo sa panahon ng mga Amerikano matapos ang balagtasan.