Friday, March 5, 2021

Wastong Gamit: IMIK at KIBO

Ang IMIK ay tumutukoy sa pagsalita.  Sa wikang English, ito ay kahulugan ng “to break the silence, to talk, to answer, to reply.”

Halimbawa

1. Hindi agad nakaimik si Daniel nang tanungin ni Delia kung saan siya natulog kagabi.

2. Umimik ka naman upang hindi mapanis ang iyong laway.

3. “Hindi po ako ang kumuha ng pambura ni Leila,” imik ni Ronald.

4. Huwag kang iimik kung hindi ka tinatanong.

5. Imik nang imik si Janray habang nagsasalita ang guro kaya siya ay binigyan ng takdang-aralin.

Ang KIBO ay tumutukoy sa pagkilos. Sa wikang English ito ay kahulugan ng “move, motion, movement.”

Halimbawa:

1. Parang tuod kung matulog si Madonna. Wala siyang kakibu-kibo.

2. Ang bilin ng Nanay ay huwag kibuin ang ulam ng Tatay sa mesa.

3. Tila kumibo ang ugat sa aking ulo nang marinig ko ang ibinalita ni Marina.

4. Bahagyang kumibo ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

5. Mamahalin ang pigurin sa estante kaya huwag ninyong kibuin.





Wastong Gamit: Kung at Kapag

KAPAG ang ginagamit kung  TIYAK ang kalagayan ng isang pahayag. Ito ay katumbas ng WHEN sa English bilang pang-abay (adverb)  at pangatnig (conjunction).

 Halimbawa: 

1. Si Marilou ay umuuwi ng probinsya kapag araw ng Pista ng Sto. Rosario ng kanilang bayan.

2. Laging magsuot ng seat belt kapag ikaw ang nakatokang magmaneho ng kotse.

3. Kapag araw ng Linggo nagsisimba si Abigail.

4. Tawagan mo ako kapag ikaw ay dumating na sa inyong bahay.

5. Sa tuwina ay nakatatanggap ng regalo si Timtam galing sa kanyang ninong kapag siya ay nagdaraos ng kanyang kaarawan.

KUNG naman ang gamit kung DI-TIYAK ang kalagayan ng isang pahayag. Ito ay katumbas ng IF sa English bilang pangatnig (conjunction).

Halimbawa:

1. Hindi matutuloy ang ating excursion kung uulan bukas.

2. Si Gng. Ramos ay alinlangan kung sa Martes o Biyernes ang dating ng kanyang anak.

3. Kung ikaw ay magagawi sa palengke ay ibili mo ako ng isang kilong galunggong.

4. Kung itutuloy niya ang demanda o hindi ay hindi pa napagdedesisyonan ni Maricar.

5. Sumige ka kung sa palagay mo ay tumpak ang iyong gagawin.





Wednesday, March 3, 2021

PAYAK, TAMBALAN, AT HUGNAYANG PANGUNGUSAP

Payak, Tambalan, at Hugnayang Pangungusap at Mga Halimbawa Nito

Tulad ng simuno at panaguri, may tatlong uri ng pangungusap. Ito ay maaaring payak, tambalan, o hugnayan.

I. Payak na Pangungusap (Simple Sentence)        

            Ang payak na pangungusap ay binubuo lamang na isang sugnay na makapag-iisa. Ang sugnay na makapag-iisa (independent clause) ay grupo ng mga salitang nagtutulung-tulong at naglalaman ng simuno (subject) at panaguri (predicate). Maaari itong makatayong mag-isa o kaya’y maintindihan nang walang kakailanganing tulong.

Halimbawa:

A. Malaki ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.

            Sugnay na makapag-iisa: Malaki ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.  (Sinasabi ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya)

            Simuno: COVID-19

            Panaguri: Malaki ang pinsala sa ekonomiya ng bansa

B. Dadalo ka ba ng reunion?

            Sugnay na nakapag-iisa: Dadalo ka ba sa reunion? (Tinatanong kung dadalo o hindi sa reunion)

            Simuno: ka

            Panaguri: Dadalo ba sa reunion

II. Tambalang Pangungusap (Compound Sentence)

Ang tambalang pangungusap ay may dalawa o higit pang sugnay na makapag-iisa. Pinagdurugtong ang mga ito ng mga pangatnig (conjunction)  tulad ng: at , ngunit , datapwat, pero, subalit, kaya, o, ni. Mauunawaan natin ang mga sugnay kahit sila ay paghiwalayin pa dahil buo na ang kanilang diwa o isa ng ganap na pangungusap.

Halimbawa:

A. Nagtungo sa kusina si Marta at siya ay naghugas ng mga pinagkainan.

  Mga Sugnay na Makapag-iisa:

                        1. Nagtungo s a kusina si Marta

                        2. siya ay naghugas ng mga pinagkainan

            Pangatnig na Ginamit: at

B. Gustong pumasok sa trabaho ni Emily, subali’t siya ay nilalagnat.

            Mga Sugnay na Makapag-iisa:

                        1. Gustong pumasok sa trabaho ni Emily

                        2. siya ay nilalagnat

            Pangatnig na Ginamit: subali’t        

III. Hugnayang Pangungusap (Complex Sentence)     

Ang hugnayang pangungusap ay may isang sugnay na makapag-iisa at isa o higit pang sugnay na di makapag-iisa. Ang sugnay na di makapag-iisa ay hindi maaaring tumayo nang mag-isa dahil hindi ito mauunawan o walang buong diwa. Kailangang may kakabit itong sugnay na makapag-iisa upang maintindihan. Ito ay kadalasang nagsisimula sa pangatnig na habang, upang, bago, kaysa, dahil, pagkatapos, kahit na, paano, kung, kaysa, na, hanggang, nang, kung saan,  kapag.

Halimbawa:

         A. Upang magtiwala ang mga mamamayan sa bisa ng bakuna laban sa COVID-19, kailangang manguna sa pagbabakuna ang mga lider ng bansa

            Sugnay na Makapag-iisa: kailangang manguna sa pagbabakuna ang mga lider ng bansa. (Mauunawaan kahit mag-isa dahil buo na ang diwa nito o ganap nang isang pangungusap.)

            Sugnay na Di Makapag-iisa: Upang magtiwala ang mga mamamayan sa bisa ng bakuna laban sa COVID-19 (Hindi lubos na mauunawaan kung tatayong mag-isa.

            B.  Pagkatapos ng junior high school, nag-aral sa TESDA si Nilo kaysa pumasok sa kolehiyo.

            Sugnay na Makapag-iisa: nag-aral sa TESDA si Nilo

            Sugnay na Di Makapag-iisa: (1) Pagkatapos ng junior high school; (2) kaysa pumasok sa kolehiyo.

Paano matutukoy kung ang isang pangungusap ay tambalan o hugnayan?

            Tandaan lamang na ang tambalang pangungusap ay may 2 buong diwa o dalawang pangungusap na kinabitan lamang ng isang pangatnig. Nauunawaan ang 2 sugnay kahit wala ang pangatnig. Ibig sabihin, ang bawa’t sugnay ay buo ang diwa at nauunawaan nang lubusan.  Sa hugnayang pangungusap, hindi kumpleto ang diwa o hindi lubos na mauunawan ang sugnay na nagsisimula sa pangatnig o iyong sugnay na di makapag-iisa.

Monday, March 1, 2021

WASTONG GAMIT ng TULDOK

Ang tuldok o period sa Ingles ay bantas na una nating natutunang gamitin noong tayo ay nag-aaral pa. Kumpara sa gilting (hypen), tutuldok (colon), at tuldok-kuwit (semi-colon), simple ang panuntunan sa paggamit ng tuldok.

A. Ang tuldok ay ginagamit sa hulihan ng isang pangungusap na pasalaysay (narrative sentence) o pangngusap na paturol (declarative sentence).

Halimbawa:

a. Si Nena ay nagtungo sa palengke upang bumili ng ihahanda sa kaarawan ng Nanay.

b. Ito ang bahay na ipinagawa ni Mang Ponso.

c. Huwag mo akong sasalingin dahil ayo ay pag-aari na ng iba.

B. Ang tuldok ay ginagamit sa hulihan ng mga salitang dinaglat.

Halimbawa:

a. Ginoo = G.

b. Kagalang-galang = Kgg.

c. Binibini = Bb.

Tandaan: Ang mga dinaglat na salita na naksulat sa malalaking titik ay hindi nilalagyan ng tuldok.

Halimbawa:

a. ATM

B. KKK

c. EDSA

C. Kapag ang isang kumpleto at nag-iisang pangungusap ay ganap na nakapaloob ng panaklong, ang tuldok ay pumapasok sa loob ng pagsasara ng panaklong (closing parenthesis).

Halimbawa:

a. Ilang beses ko na siyang tinawag. (Nanatili siyang walang imik.) Hindi ba niya ako naririnig o siya ay nagbibingi-bingihan lang?

b. Kinain ni Spot ang nahulog na sitsirya. (Hindi ako naging maagap upang siya ay sawayin.) Mabuti nga at hindi na ako magwawalis ng sahig.

D. Ngunit, kung ang panaklong ay nakapaloob ng isa pang pangungusap, ang tuldok ay dapat isulat sa labas.

Halimbawa:

a. Tahol nang tahol si Tagpi habang nagluluto ako ng ham (ang kanyang paborito).

b. Siya ang pinakamagandang kandidata (kuno) sa pagka-Binibining Palengke.

E. Kung ang huling salita sa pangungusap ay isang daglat na nagtatapos sa tuldok, huwag nang sundan ito ng isa pang tuldok.

Halimbawa:

a. Ito ang nabasa niyang nakasulat sa tarhetang ibinigay sa kanya ni Paulo - Paulo Santos, M.D.

b. Ang balikbayan box na kanyang natanggap ay naglalaman ng tsokolate, mga damit, de-lata, atbp.

F. Kung ang isang pangungusap na pasalaysay o paturol ay nakapaloob sa mga panipi (quotation marks), ang tuldok ay isinusulat bago ang huling panipi.

Halimbawa:

a. Sabi ni Mario, "Mayroon akong napanaginipan kagabi."

b. "Hindi ko nakita ang asuwang na sinasabi nila," panimula ni Rosa, "pero sana ay nakita ko nga para ako ay tuluyang maniwala."



Thursday, February 25, 2021

Tamang Baybay ng mga Salitang Hiram sa Filipino

Narito ang ilan sa mga salitang-hiram (foreign words) at ang kanilang baybay (spelling) sa Filipino (Pilipino).

(Some foreign words and their spelling in Filipino)

1. computer = kompyuter

2. information = impormasyon

3. infrastructure = imprastraktura

4. calle = kalye

5. education = edukasyon

6. qualification - kwalipikasyon

7. candy - kendi

8. teacher = titser

9. individual = indibidwal

10. occasion = okasyon

11. dictionary = diksyonaryo

12. mansion = mansyon

13. angel = anghel

14. Agenda = Adyenda

15. Biscuit = Biskuwit

16. Magazine = <agasin

17. Leader - Lider

18. Correct - Korek

19. Tricycle = Traysikel

20. Wise = Wais

21. Vaudeville = Bodabil

22. Ballpoint pen = Bolpen

23. Billiard = Bilyar

24. Graduate = Gradweyt

25. High school = Hayskul

26. Beef steak- Bistek

27. Jackpot = Dyakpat

28. Squatter = Iskuwater

29. Ketchup = Ketsap

30 Meeting = Miting

Wednesday, February 17, 2021

Iba't Ibang Teorya sa Pinagmulan ng Wika

 "IBA'T IBANG PINAGMULAN NG WIKA (TEORYA)"


(Image from http://www3.gettysburg.edu/~dperry/Class--Language/Phonemics%20&%20morphology/)

1. TEORYANG BOW -WOW:
Ginagaya nila ang tunog na nililikha ng mga hayop gaya ng tahol ng aso, tilaok ng manok at huni ng ibon. Ginagaya naman daw ng tao ang tunog ng kalikasan at paligid gaya ng ihip ng hangin, patak ng ulan at langitngit ng kawayan.

2. TEORYANG DING DONG:
Lahat ng bagay may sariling tunog na siyang kumakatawan sa bawat isa at ang tunog niyon ang siyang ginagad ng mga sinaunang tao na kalauna’y nagpabago-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan.
May sariling tunog na kumakatawan sa lahat ng bagay sa kapaligiran. Tinawag din ito ni Max Muller na simbolismo ng tunog. q Halimbawa: tsug- tsug ng tren, tik- tak ng orasan

3. TEORYANG POOH -POOH:
Nakalilikha ng tunog sanhi ng bugso ng damdamin. Gamit ang bibig, napabubulalas ang mga tunog ng pagdaing na dala ng takot, lungkot, galit, saya at paglalaan ng lakas.
Ang wika ng tao ay nag –ugat sa mga tunog na kanilang nilikha sa mga ritwal na kalauna’y nagpapabagu-bago at nilapatan ng iba’t ibang kahulugan.
Halimbawa: pagsayaw, pagsigaw at incantation o mga bulong na ginagawa tuwing makikidigma, pagtatanim at iba pa.

4.TEORYANG TA-RA-RA- BOOM DE AY:
Iminungkahi ng linggwistang si Jesperson na ang wika ay nagmula sa paglalaro, pagtawa, pagbulong sa sarili, panliligaw at iba pang mga bulalas- emosyunal.

5. TEORYANG SING-SONG:
Iminungkahi pa niya na taliwas sa iba pang teorya, ang mga unang salita ay sadyang mahahaba at musikal, at hindi maiikling bulalas na pinaniniwalaan ng marami.

6.TORE NG BABEL:
Teoryang nahalaw mula sa Banal na Kasulatan. Nagkaroon ng panahon kungsaan ang wika ay iisa lamang. Napag-isipang magtayo ng isang tore upang hindi na magkawatak-watak at nang mahigitan ang Panginoon.
Nang malaman ito ng Panginoon, bumababa Siya at sinira ng tore. Nang nawasak na ang tore, nagkawatak-watak na ang tao dahil iba-iba na ang wikang kanilang binibigkas kaya nagkanya-kanya na sila at kumalat sa mundo.

7. TEORYANG YOO HE YO:
Pinaniniwalaan ng linggwistang si A.S Diamond (2003) na ang tao ay natutong magsalita bunga diumano ng kanyang puwersang pisikal.

8. TEORYANG TA -TA:
Ayon sa teoryang ito, ang kumpas o galaw ng kamay ng tao na kanyang ginagawa sa bawat partikular na okasyon ay ginaya ng dila at naging sanhi ng pagkatuto ng taong lumikha ng tunog at kalauna’y nagsalita.
Tinatawag itong ta-tana sa wikang Pranses ay nangangahulugang paalam o goodbye sapagkat kapag ang isang tao nga namang nagpapaalam ay kumakampay ang kamay nang pababa at pataas katulad ng pagbaba at pagtaas na galaw ng dila kapag binibigkas ang salitang ta-ta.

9.TEORYANG MAMA:
Nagmula ang wika sa mga pinakamadadaling pantig ng pinakamahahalagang bagay.
Pansinin nga naman ang mga bata. Sa una’ y hindi niya masasabi ang salitang mother ngunit dahil ang unang pantig ng nasabing salita ang pinakamahalaga diumano, una niyang nasasabi ang mama bilang panumbas sa salitang mother.

10.TEORYANG HEY YOU:
Iminungkahi ng linggwistang si Revesz na bunga ng interpersonal na kontak ng tao sa kanyang kapwa tao ang wika.
Ayon kay Revesz, nagmula ang wika sa mga tunog na nagbabadya ng pagkakakilanlan (Ako!) at pagkakabilang (Tayo!). Napapabulalas din tayo bilang pagbabadya ng takot, galit o sakit (Saklolo!). Tinatawag din itong teoryang kontak.

11.TEORYANG COO COO:
Ang wika ay nagmula sa mga tunog na nalilikha ng mga sanggol.
Ang mga tunog daw na ito ang ginaya ng mga matatanda bilang pagpapangalan sa mga bagay- bagay sa paligid, taliwas sa paniniwala ng marami na ang mga bata ang nanggagaya ng tunog ng mga matatanda.

12. TEORYANG BABBLE LUCKY:
Ang wika raw ay nagmula sa mga walang kahulugang bulalas ng tao. Sa pagbubulalas ng tao, sinuwerte lamang daw siya nang ang mga hindi sinasadya at walang kabuluhang tunog na kanyang nalikha ay naiugnay sa mga bagay-bagay sa paligid na kalaunan ay naging pangalan ng mga iyon.

13. TEORYANG HOCUS POCUS:
Ayon kay Boeree (2003), maaaring ang pinanggalingan ng wika ay tulad ng pinanggalingan ng mga mahikal o relihiyosong aspeto ng pamumuhay ng ating mga ninuno.
Maaari raw kasing noo’y tinatawag ng mga unang tao ang mga hayop sa pamamagitan ng mga mahikal na tunog na kalaunan ay naging pangalan ng bawat hayop.

14.TEORYANG EUREKA:
Sadyang inimbento/nilikha ang wika ayon sa teoryang ito ayon kay (Boeree, 2003). Maaari raw na ang ating mga ninuno ay may ideya ng pagtatakda ng mga arbitraryong tunog upang ipakahulugan sa mga tiyak na bagay.
Nang ang mga ideyang iyon ay nalikha, mabilis na iyong kumalat sa iba pang tao at naging kalakaran sa pagpapangalan ng mga bagay- bagay.

Wednesday, February 10, 2021

Ang Salawikain, Mga Halimbawa, at Kahulugan Nito

Ano ang Salawikain? 

Ang salawikain o proverb sa Ingles ay matalinhagang pahayag na karaniwan ay may sukat at tugma. Ito ay kadalasang ipinahahayag ng mga matatanda upang mangaral, magpayo, at ituwid ang mga kabataang naliligaw ng landas o sumasalungat sa kagandahang-asal bilang Pilipino.

(Image from https://www.quietrev.com/6-science-backed-ways-being-kind-is-good-for-your-health/)

Anu-ano ang mga halimbawa ng mga salawikain?

1. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Mercy is in God, work is in man.

        Ang pagpapala at awa ay manggagaling sa Diyos subali't kailangan mo pa ring kumilos dahil hindi lahat ng kumakatok ay pinapapasok, at hindi lahat ng humihingi ay binibigyan. Gawin mo rin ang iyong tungkulin bilang tao upang makamit mo ang iyong inaasam. Huwag laging iasa sa Diyos ang iyong ikabubuhay. Hindi sapat ang panalangin lang at pangangarap. 

2. Daig ng maagap ang masipag. Promptness overcomes diligence or hardworking.

        May pagkakataon na nadadaig ng isang maagap na tao ang isang masipag na nilalang sapagka't kahit sobrang sipag ang isang tao kung laging huli naman sa trabaho ay mauungusan siya ng isang maagap. Makakahuli ng mas maraming isda ang isang taong maagang pumalaot kaysa isang mangingisdang sobra ang sipag sa panghuhuli ng isda. Dahil dito, kailangang maging maagap o madiskarte ang isang masipag na tao sa mga oportunidad. Huwag palampasin ang pagkakataon. 

3. Kung ano ang itinanim, siyang aanihin. You reap what you sow.

        Ang nais ipakahulugan ng salawikaing ito ay kung ano ang ipinakikitang asal sa ating kapuwa ay kadalasang iyon din ang ibabalik nilang pagtrato sa atin. Gayunman, may pagkakataong kabaligtaran ang nangyayari. May lumalabas na traydor o ahas na kaibigan subali't hindi batayan ito upang iwasan natin ang laging maging mabuti sa kapwa.