Ano ang Salawikain?
Ang salawikain o proverb sa Ingles ay matalinhagang pahayag na karaniwan ay may sukat at tugma. Ito ay kadalasang ipinahahayag ng mga matatanda upang mangaral, magpayo, at ituwid ang mga kabataang naliligaw ng landas o sumasalungat sa kagandahang-asal bilang Pilipino.
Anu-ano ang mga halimbawa ng mga salawikain?
1. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Mercy is in God, work is in man.
Ang pagpapala at awa ay manggagaling sa Diyos subali't kailangan mo pa ring kumilos dahil hindi lahat ng kumakatok ay pinapapasok, at hindi lahat ng humihingi ay binibigyan. Gawin mo rin ang iyong tungkulin bilang tao upang makamit mo ang iyong inaasam. Huwag laging iasa sa Diyos ang iyong ikabubuhay. Hindi sapat ang panalangin lang at pangangarap.
2. Daig ng maagap ang masipag. Promptness overcomes diligence or hardworking.
May pagkakataon na nadadaig ng isang maagap na tao ang isang masipag na nilalang sapagka't kahit sobrang sipag ang isang tao kung laging huli naman sa trabaho ay mauungusan siya ng isang maagap. Makakahuli ng mas maraming isda ang isang taong maagang pumalaot kaysa isang mangingisdang sobra ang sipag sa panghuhuli ng isda. Dahil dito, kailangang maging maagap o madiskarte ang isang masipag na tao sa mga oportunidad. Huwag palampasin ang pagkakataon.
3. Kung ano ang itinanim, siyang aanihin. You reap what you sow.
Ang nais ipakahulugan ng salawikaing ito ay kung ano ang ipinakikitang asal sa ating kapuwa ay kadalasang iyon din ang ibabalik nilang pagtrato sa atin. Gayunman, may pagkakataong kabaligtaran ang nangyayari. May lumalabas na traydor o ahas na kaibigan subali't hindi batayan ito upang iwasan natin ang laging maging mabuti sa kapwa.
No comments:
Post a Comment