Thursday, June 29, 2017

Wastong Gamit ng Gitling (-)

Sa pagsulat ng isang sanaysay, kuwento, talata, o pangungusap, ang paggamit ng wastong bantas ay mahalaga upang maging malinaw ang nais ipahiwatig ng may-akda. Isa sa mga ito ay ang gitling (-) o hyphen sa wikang Ingles.

Wastong Gamit ng Gitling

A. Kadalasang ginagamit ang gitling (-) kapag inuulit ang buong salitang-ugat (root word) o dalawang pantig (syllable)  ng salitang-ugat.

Mga Halimbawa:

1. Gabi-gabi na lamang siyang umaalis ng bahay.
3. Napakaganda ng isinuot niyang berdeng-berdeng terno.
4. Sino-sino (hindi sinu-sino) sa inyo ang kinumpilan na?
5. Nagbukas si Maria ng isang Ihaw-Ihaw.

Ilan pang halimbawa:

araw-araw          gabi-gabi         
ano-ano (hindi anu-ano)     sira-sira   
iba-iba

Gayunman, kung ang salita ay mahigit sa dalawang pantig, ang unang dalawang pantig lamang ang inuulit.

Halimbawa:

1. palito ==> pali-palito
2. suntukin ==> suntok-suntukin
3. bariles ==> bari-bariles
4. sundutin ==> sundot-sundutin
5. samalin ==> sampal-sampalin

Subali't kung may unlapi (prefix), isinasama ito sa unang bahaging inuulit.

Halimbawa:

1. pabalik ==> pabalik-balik
2. masinto ==> masinto-sinto
3. maamo ==> maamo-amo

TANDAAN:

Ang gitling ay hindi ginagamit sa salita na may mga pantig na inuulit nguni't walang kahulugan kapag hindi inulit.

Halimbawa:

1. paruparo ==> dahil walng "paro"
2. alaala ==> dahil walang "ala"
3. gamugamo ==> dahil walang "gamo"

Dapat gitlingan ang sari-sari at samot-samot dahil may salitang "sari" at "samot".  Dapat ding may gitling ang salitang "samot-sari". Maling anyo ang "samo't-sari".

Ang salitang "iba't-iba" ay mali dahil hindi ito salitang inuulit kundi kontraksiyon lamang ng "iba at iba". 


B. Ginagamit ang gitling sa pagitan ng isang unlapi (prefix) na nagtatapos sa katinig (consonant) at ang salitang nilalapian ay nagsisimula naman sa patinig (vowel). Ang paggamit ng gitling dito ay mahalaga upang maging malinaw ang ibig ipahiwatig at hindi magkaroon ng iba pang kahulugan ang salita.

1. Ayaw ni Mario ng may kasama kaya mag-isa siyang nagtungo sa gubat.
2. Madalas siyang umuwi ng probinsiya lalo na at tag-ani.
3. Ang pag-ayaw ni Petra sa kanilang kasal ay kasalanan ni Pedro.
4. Nakapitas ng dalawang manggang-hinog si Jose. Tig-isa silang magkapatid.
5. Pag-aararo ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

C. Ang gitling ay ginagamit rin kapag ang isang salita ay hindi na maaring isulat pa ng buo dahil sa kakulangan ng espasyo. Ito ay nangyayari sa pagsusulat, pagmamakinilya o paggamit ng kompyuter sa isang linya sa isang papel. Dapat lamang tandaan na ang pagigitling ay ayon sa tamang pagpapantig ng salita.

Mga Halimbawa

1. Nalulungkot si Amelia dahil ang kanyang matalik na kaibigang si Aniceta ay aalis na pa-
     tungong Amerika sa isang linngo.
2. Masayang nakikipagkuwentuhan si Mang Kanor sa mga kumpare nang biglang duma-
      ting si Aling Dabiana at siya ay hambalusin. 

D. Ang gitling ay ginagamit din kapag pinagsama ang apelyido na isang ginang at ang kanyang naging asawa.

Mga Halimbawa

1. Gng. Debbie dela Cruz-Villavicencio
2. Jocelyn Marquez-Araneta

E. Ginagamit ang gitling sa pagitan ng nawalang kataga o salita ng dalawang salitang pinagsama.

Mga Halimbawa

1. binatang taganayon = binatang-nayon


2. pamatay ng kulisap =  pamatay-kulisap
3. bahay na inuman = bahay-inuman
4. karatig na bayan =  karatig-bayan
5. pugad ng baboy = pugad-baboy

F. Ginigitlingan ang isang salita kung may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, tatak, simbolo, sagisag, brand atbp.

Mga Halimbawa

1. Si Adela ay maka-Sharon Cuneta.
3. Uhaw na uhaw sina Cecilio kaya sila ay nag-Pepsi.
4. Hindi na matatawaran ang kanyang pagiging maka-Filipino.
5. Kung nais makatipid sa paglalaba, tayo ay mag-Surf.

Dapat lamang tandaang nalilipat sa pagitan ng inulit na pantig ng tanging ngalan at ng buong tanging ngalan ang gitling kapag ang salita ay nagiging pandiwa sa hinaharap (future tense of the verb).

Mga Halimbawa

1. Mag-Jollibee = Magjo-Jollibee
2. Mag-Coke = Magco-Coke
3. Mag-Yaris = Magya-Yaris

G. Kapag ginamit ang panlaping (affix) ika ay ginamit, ito ay kadalasang ginigitlingan kung ang inunlapian ay isang numero o tambilang (digit).

Mga Halimbawa

1. ika-9 ng gabi
2. ika-23 ng Oktubre
3. ika-10 pahina
4. ika-50 anibersaryo
5. ika-4 na linggo

H. Ginagamit ang gitling kapag ang isang praksyon (fraction) ay isinulat nang patitik.

Mga Halimbawa

1.     2/3 =  dalawang-katlo
2.     6 1/4 = anim at isang-kapat
3.     3/8 =  tatlong-kawalo

I. Ang gitling ay ginagamit din kapalit ng salitang "hanggang"   o  "o kaya ay" sa isang panukat ng rekado, haba ng oras o panahon.

Mga Halimbawa

1.     3 hanggang 5 kutsarita  =  3-5 kutsarita
2.     4 o kaya ay 6 butil = 4-6 butil
3.     2 hanggang 5 oras = 2-5 oras
4.     25 o kaya ay 30 minutos = 25-30 minutos
5.     2 hanggang 3 buwan = 2-3 buwan

J. Ginagamit din ang gitling sa onomatopeikong pagsulat sa mga iisahing pantig na tunog.

Mga Halimbawa:

1. tik-tak
2. ding-dong
3. tsk-tsk
4. plip-plap
5. ra-ta-tat
6. tsug-tsug
7. eng-eng

K. Gamit din ang gitling sa salitang may unlaping "de" mula sa Espanyol na may kahulugang "sa pamamagitan ng" o "ginawa o ginagamit sa paraang".

Mga Halimbawa:

1. de-bote
2. de-lata
3. de-mano
4. de-kahon
5. de-kolor