Wednesday, September 30, 2020

MGA TUNTUNIN SA PAGSULAT NG SANAYSAY

 Bahagi na ng isang mag-aaral ang sumulat ng isang sanaysay o essay. Hindi masasabing isang mag-aaral ang isang nilalang kung hindi siya nakasulat ng isa mang sanaysay, maikli man ito o mahaba. Upang makasulat ng isang magandang sulatin o sanaysay, dapat tandaan at sundin ang mga tuntunin nito.


MGA TUNTUNIN SA PAGSULAT NG SANAYSAY 

I. Panimula/Introduksyon - Ito ang pinakamahalagang bahagi ng isang sanaysay sapagkat ito ang unang tinitingnan at binabasa ng mga mambabasa. Nararapat na ito ay nakapupukaw ng atensyon upang ipagpatuloy ng mambabasa ang pagbasa sa akda.

Mga Paraan ng pagsulat ng Panimula

1. Pasaklaw na Pahayag – Inuuna ang pinakamahalagang impormasyon hanggang sa mga maliliit na detalye.

          Halimbawa:

          Tatlong katao ang nasawi at pito pa ang malubhang nasugatan sa isang banggaan ng trak at kotse sa panulukan ng Kalye Ibarra at Crispin sa Lungsod ng Navotas kahapon, ika-18 ng Oktubre, 1988.

2. Tanong na Retorikal – isang tanong na tinatanong ang nagbabasa para hanapin ang sagot sa sanaysay at para isipin niya.

          Halimbawa:

          Ano ang kaligayahan?

3. Paglalarawan – pagbibigay linaw at deskripsyon sa paksa

          Halimbawa:

          Makapal ang pulbo sa kanyang mukha, namumula sa galit ang lipstik sa kanyang makapal na labi, at malalantik ang mga pekeng pilik na nakakabit sa kanyang pilikmata.

4. Sipi – isang kopya galing sa ibang mga literaturang gawa gaya ng libro, artikulo at iba pang sanaysay.

          Halimbawa:

          Ayon kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan!”.

5. Makatawag Pansing Pangungusap – isang pangungusap na makakakuha ng atensyon ng nagbabasa.

          Halimbawa:

          Malapit na ang katapusan ng mundo.

6. Kasabihan – isang kasabihan na makakapagbigay ng maikling ekplenasyon ng iyong sanaysay.

          Halimbawa:

          “Daig ng maagap ang masipag,” ito ang pinatunayan ni Rommel.

7. Salaysay – isang ekplenasyon ng iyong sanaysay.

          Halimbawa:

          Kuro-kuro lamang at opinyon ng may-akda ang mga pahayag sa ibaba.

II. Katawan - dito nakalagay ang lahat ng mga ideya at pahayag. Sa bahaging ito ng sanaysay ay makikita ang pagtalakay sa mahahalagang puntosukol sa tema at nilalaman ng sanaysay. Dapat ipaliwanag nang mabuti ang bawat puntos upang maunawaan ito nang maigi ng mambabasa.

Mga Paraan ng pagsulat ng katawan

1. Pakronolohikal – nakaayos ayon sa panahon ng pangyayari.

Halimbawa:

Nasa elementarya pa lamang si Dindo ay kinakitaan na ng talino sa pag-aaral.

Hindi na ikinagulat ng kanyang mga kamag-aral at guro ng tanghaliang “Valedictorian” si Dindo nang magtapos sa high school.

Laging nasa Dean’s List ang pangalan ni Dindo habang nag-aaral ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas.

Nanguna si Dindo sa mga kumuha ng bar ng taong iyon.

 

2. Paanggulo – Pinapakita ang bawat anggulo o”side” ng paksa.

          Halimbawa:

          “Kanin hindi buhangin!” ang sigaw ng Makabayan Bloc ng House of Representatives sa rehabilitasyon ng Manila Bay na isinasagawa ng DENR.

          Sinabi naman ni Roy A. Cimatu, kalihim ng DENR, ang nakapondo na ang paglalagay ng dolomite o puting buhangin sa dalampasigan ng Manila Bay noon pang isang taon.

          Ayon naman kay Leonor Briones, kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, mas mainam kung ginamit sa pag-aaral ang nasabing pondo ngayong pandemya.

3. Paghahambing – Pagkukumpara ng dalawang problema, anggulo atbp. ng isang paksa.

          Halimbawa:

          Mainam ang bahay kubong gawa sa pawid at kawayan dahil nagbibigay ito ng natural na lamig at hangin sa mainit na panahon. Gayunman, sa panahong malakas ang ulan at hangin, ang bahay na bato at yero ay hindi agad naigugupo ng masungit na panahon.

4. Papayak o Pasalimuot – nakaayos sa paraang simple hanggang komplikado at 'vice versa”.

III. Wakas/Konklusyon- dito nakalagay ang iyong pangwakas na salita o ang buod sa sanaysay. Sa bahaging ito nahahamon ang pag-iisip ng mambabasa na maisakatuparan ang mga tinalakay ng sanaysay

Mga Paraan ng pagsulat ng Wakas

1. Tuwirang Pagsabi – mensahe ng sanaysay.

          Halimbawa:

          Hindi mapapasubali na “Daig ng maagap ang masipag.”

2. Panlahat na Pahayag – pinakaimportanteng detalye ng sanaysay.

          Halimbawa:

          Hindi mahalaga kung iba’t iba man ang ating pananaw sa isang paksa. Ang importante ay marunong tayong rumespeto sa opinyon ng iba.

3. Pagtatanong – winawakas ang sanaysay sa pamamagitan ng isang retorikal na tanong.

          Halimbawa:

          Ikaw, ano ang magagawa mo sa iyong Inang Bayan?

4. Pagbubuod – ang summary o buod ng iyong sanaysay.

          Halimbawa:

          Hindi lamang puso ang dapat pairalin sa pag-ibig; katuwang din nito ang isip.

(Hangoi at Sinipi mula sa http://www.academia.edu/31342239/MGA_TUNTUNIN_SA_PAGSULAT_NG_SANAYSAY