Thursday, October 21, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Kaukulan

 Mga Uri ng Tula Ayon sa Kaukulan



1. Mabigat – mataas ang uri. Mabigat ang tema at diwa. Ito ay isang mataas na uring pampanitikan.

HULING PAALAM
(Salin sa Tagalog ni Jose Gaymaytan mula sa "Mi Ultimo Adios" ni Gat Jose Rizal)


Halimbawa ng tulang mabigat

Paalam na, sintang lupang tinubuan,

Bayang masagana sa init ng araw,

Edeng maligaya sa ami’y pumanaw

At perlas ng dagat sa dakong Silangan.


Inihahandog ko ng ganap na tuwa

Sa iyo yaring buhay na lanta na’t aba;

Naging dakila ma’y iaalay rin nga

Kung dahil sa iyong ikatitimawa.


Ang nanga sa digmaan dumog sa paglaban

Handog din sa iyo ang kanilang buhay,

Hirap ay di pansin at di gunamgunam

Ang pagkaparool o pagtagumpay.


Bibitaya’t madlang mabangis na sakit

O pakikibakang lubhang mapanganib,

Pawang titiisin kung ito ang nais 

Ng baya’t tahanang pinakaiibig.


Ako’y mamamatay ngayong minamalas 

Ang kulay ng langit na nanganganinag

Ibinababalang araw ay sisikat

Sa kabila niyang mapanglaw na ulap.


Kung dugo ang iyong kinakailangan

Sa ikadidilag ng iyong pagsilang,

Dugo ko’y ibubo’t sa isa man lamang

Nang gumigiti mong sinag ay kuminang.


Ang mga nasa ko, mulang magkaisip,

Magpahanggang ngayon maganap ang bait,

Ang ikaw’y makitnag hiyas na marikit

Ng dagat Silangan na nakaliligid.


Noo mo’y maningning at sa mga mata 

Mapait na luha bakas ma’y wala na,

Wala ka ng poot, wala ng balisa,

Walang kadungua’t munti mang pangamba,


Sa sandaling buhay maalab kong nais

Ang kagalingan mo’t ang paiwang sulit

Ng kaluluwa king gayak ng aalis:

Ginhawa’y kamtan mo! Anong pagkarikit!


Nang maaba’t ikaw’y mapataas lamang,

Mamatay at upang mabigyan kang buihay,

Malibing sa lupang puspos ng karika’t

Sa silong ng iyong langit ay mahimlay.


Kung sa ibang araw ikaw’y may mapansin

Nipot na bulaklak sa aba kong libing,

Sa gitna ng mga damong masisinsin,

Hagka’t ang halik mo’y itaos sa akin.


Sa samyo ng iyong pagsuyong matamis,

Mataos na taghoy ng may sintang sibsib,

Bayang tumaggap noo ko ng init,

Na natatabunan ng lupang malamig.


Bayan mong ako’y malasin ng buwan

Sa liwang niyang hilano’t malamlam;

Bayan ihatid sa aking liwayway

Ang banaang niyang dagling napaparam.


Bayaang humalik ang simoy ng hangin;

Bayaang sa huning masaya’y awitin

Ng darapong ibon sa kurus ng libing

Ang buhay payapang ikinaaaliw.


Bayaang ang araw na lubhang maningas

Pawiin ang ulan, gawing pawang ulap,

Maging panganuring sa langit umakyat,

At ang aking daing ay mapakilangkap.


Bayaang ang aking maagang pagpanw,

Itangis ng isnag lubos na nagmamahal;

Kung may umalala sa akin ng dasal,

Ako’y iyo sanang idalangin naman.


Idalangin mo rin ang di nagkapalad,

Na nangamatay na’t yaong nanganhirap 

sa daming pasakit, at ang lumalangap 

naming mga ina luhang masaklap.


Idalangin sampo ng bawa’t ulila 

at nangapipiit na tigib ng dusa; 

idalangin mo ring ikaw’y matubos na 

sa pagkaaping laong binata.


Kung nababalot na ang mga libingan 

Ng sapot na itim ng gabing mapanglaw, 

at wala ng tanod kundi pawing patay, 

huwang gambalain ang katahimikan.


Pagpitagan mo ang hiwagang lihim, 

at mapapakinggan ang tinig marahil, 

ng isang saltero: Ito nga’y ako ring 

inaawitanka ng aking paggiliw.


Kung ang libingan kong limot na ang madla 

ay wala nang kurus at bato mang tanda 

sa nangangabubukid ay ipaubayang 

bungkali’t isabog ang natipong lupa.


Ang mga abo ko’y bago pailanglang 

mauwi sa wala na pinaggalingan, 

ay makalt munag parang kapupunanng 

iyong alabok sa lupang tuntungan.


Sa gayo’y walaa ng anoman sa akin, 

na limutin mo ma’t aking lilibutin 

ang himpapawid mo kaparanga’t hangin 

at ako sa iyo’y magiging taginting.


Bango, tinig, higing, awit na masaya 

liwanag aat kulay na lugod ng mata’t 

uulit-ulitin sa tuwi-tuwina.


Ako’y yayao na sa bayang payapa, 

na walang alipi’t punoing mapang-aba, 

doo’y di nanatay ang paniniwala 

at ang naghahari Diyos na dakila.


Paalam anak, magulang, kapatid, 

bahagi ng puso’t unang nakaniig, 

ipagpasalamat ang aking pag-alis 

sa buhay na itong lagi ng ligalig.


Paalam na liyag, tanging kaulayaw, 

taga ibang lupang aking katuwaan, 

paaalam sa inyo, mga minamahal; 

mamatay ay ganap na katahimikan.


ANG POSPORO NG DIYOS
ni Jose Corazon De Jesus


Sa dilim ng gabi’y may gintong nalaglag,

may apoy, may ilaw, galing sa itaas;

at dito sa lupa noong pumalapag,

nahulog sa bibig ng isang bulaklak.

Ang sabi ng iba’y kalulwa ng patay,

luha ng bituin, anang iba naman.

Lalo na’t sa gabi ay iyong matanaw

tila nga bituing sa langit natanggal.


Bituin sa langit at rosas sa hardin,

parang nagtipanan at naghalikan din;

nang di na mangyaring sa umaga gawin,

ginanap sa gabi’y lalo pang napansin.


Katiting na ilaw ng lihim na liyag,

sinupo sa lupa’t tanglaw sa magdamag;

ito’y bulalakaw ang dating pamagat,

posporo ng Diyos sa nangaglalakad.


Kung para sa aking taong nakaluhod

at napaligaw na sa malayong pook,

noong kausapin ang dakilang Diyos

ay sa bulalakaw lamang nagkalugod.


Sampalitong munti ng posporong mahal

kiniskis ng Diyos upang ipananglaw;

nang ito’y mahulog sa gitna ng daan,

nakita ang landas ng pusong naligaw!


Ito’y bulalakaw, ang apoy ng lugod,

na nagkanlalaglag sa lupang malungkot.

May nakikisindi’t naligaw sa pook:

Aba, tinanglawan ng posporo ng D’yos.

2. Pampagkakataon o pang-okasyon - ito ay mga tulang pambigkasan na ginagamit sa koronasyon, luksang lamayan, mga kaarawan at mga pagdiriwang ng bayani at araw ng pangilin.

Halimbawa ng tulang pampagkakataon o pang-okasyon

MALIGAYANG KAARAWAN
ni John Gabriel Nermal
(Mula sa https://hellopoetry.com)

Ito ay isang maligayang araw

Dahil ito'y ang iyong kaarawan,

Wag mo kalimutan ang iyong ilaw

ikaw ang aming gabay sa daanan,


HInding hindi ko makakalimutan

Ang araw na tayo'y may kaligayahan,

Memorya na ito'y aking ingatan

'Di mahalintulad ang kasiyahan


Dahil sayo ako'y may natutunan

Na wag **** tigilan ang kasiyahan,

Ito din ang iyong pagsisisihan

Parang araw na puno ng kariktan,


Itong araw na ikaw ay masaya

kahit isang lungkot, walang makita,

Dapat ang iyong araw ay di masira

Nakakasira sa iyong kay ganda,


Walang sinuman ay isang perpekto

Sa aking paningin ika'y kompleto,

Hindi mo kailangang magpabago

Dahil masaya na ako sa iyo,


Masaya kami kapag kasama ka

Na kalokohan **** nakakatuwa,

Mga tuwaan na nakakahawa

Na kinalalabasan ay himala,


Ikaw pa din ang bituin sa dilim

Nagbibigay sa taong may kulimlim,

Ang mga tawanan na walang tigil

Mga saya na madaling mapansin,


Itong panahon ay muling aahon

Walang rason para ika'y matakot,

Walang panahon para tumalikod

Dahil hindi ito ang iyong desisyon,


Sana natuwa ka sa 'king regalo

Binigay ko dito ang aking buo,

Hindi kayang ikumpara sa ginto

Dahil hindi ito isang trabaho,


Ito'y ginawa ko sa aking gusto

Na sana walang mangyaring magulo,

Itong tula ay para lang sa iyo

'Di ko magawa para sa iba 'to.


Dapat lahat ay palaging masaya

Para walang madulot na problema,

Ang panahon ay lalong gumaganda

Kapag lahat may magandang balita,


Ikaw ang may dulot ng kasiyahan

Na punong puno ng kaligayahan,

Hindi dapat itong pinagdudahan

Parang araw tayo'y nagkakitaan,


Walang saya kapag may kakulangan

Dahil lahat ay walang kahulugan,

Katulad ng masayang kaarawan

Walang silbe kapag ika'y nawalan.


BAYANING SUNDALO
ni @christyn
(Mula sa https://steemit.com)


Alay mo ang iyong buhay para sa bayan

Upang makamtan ang katahimikan

Maprotektahan ang sambayanan

Sa mga malulupit na dayuhan


Sariling pamilya ay iyong iniwan

Kahit umiiyak ang mag-ina sa iyong paglisan

Isinantabi ang sariling kaligayahan

Ibubuwis ang buhay hindi lang sa iilan


Ikaw ang aming bagong bayani

Serbisyo mo, sa puso mo'y namayani

Upang mapayapang Pilipinas ay maghari

Ligtas ako, sila, lahat kami


Gusto ko mang sabihin na 'yong lisananin

Upang pamilya mo ay iyong mapansin

Pwesto mo sa digmaan ay importante

Kaligtasan naming lahat, sa iyo nakabase


Panalangin ko sana ay dinggin

Na ikaw ay ligtas, kasamahan mo rin

Upang sa katapusan ng iyong laban

Mga sabik mong anak, iyong mahagkan


Salamat sa iyo,

Ito ang sambit ng aming puso

Salamat sa iyo,

Bayaning mga Sundalo.


3. Magaan – hindi gaanong mataas ang uri. Madaling isipin at karaniwan sa mga bugtungan at tulang pambata.

Halimbawa ng tulang magaan

BUGTONG-BUGTONG
ni --aQuArius(0i28xvii)

(Mula sa Samu't Saring Tula,/Poetry and others. https://www.facebook.com/915675178566185/

(i)

Tayo ngayon ay magbugtungan

Sagot nito'y palaisipan

Isipin wag kang magmadali

Ng sa sagot di magkamali.

(ii)

Ibibigay ang limang bugtong

Susubukin ang marurunong

Pwedeng isagot kahit ano

Depende sa naiisip nyo.

(iii)

1.May katawan at merong ulo

Pwedeng dilaan pag ginusto

Pisilin mo ng dahan-dahan

Kung gusto mo itong labasan.

(iv)

2.Tumatayo ay walang paa

Laki at sukat iba-iba

Merong buhok ay walang mukha

Walang mata ay lumuluha.

(v)

3.Tumitigas na parang bakal

Lumalambot kapag nagtagal

Mainit ay di kumukulo

Pwedeng sipsipin mo't isubo.

(vi)

4.Merong buhok kahit di tao

Maalat-alat lasa nito

Laman ay laging natatakpan

Namamasa kapag nabuksan.

(vii)

5.Ginagamit ito ng madla

Meron nito kahit na bakla

Nakukuha to sa lalaki

Pwedeng gamitin ng babae.

(viii)

Marahil ngayo'y alam nyo na

Sagot sa bugtong na lilima

Wag lang haluan ng marumi

Limang bugtong ay hindi berde.

(ix)

Pwede ngang tama, pwedeng mali

Subukan nyo baka sakali

Napapangiti na yong iba

Sa sagot nilang kakaiba.


ANG KAIBIGANG TUNAY
ni Al Q. Perez
(Mula sa https://www.tagaloglang.com)

Kaibigang tunay ay laging matapat,

ang tulong ay laan sa lahat ng oras.


Siya ay mabait at saka marangal

sa lahat ng saglit ay maaasahan.


Sa pangangailangan, siya’y laging handa

nang ang kaibiga’y hindi mapahiya.


Siya’y nakalaan kahit na magtiis

upang mapagbigyan, katotong matalik.


Kaibigang lubos, kaibigang tapat

ay kayamanan din ang nakakatulad.



Thursday, October 14, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Pamamaraan

Mga Uri ng Tula Ayon sa Pamamaraan

Epifanio San Juan, Jr.

    A. Masagisag – gumagamit ang makata ang mga simbolo o pahiwatig sa pagpapakahulugan ng kanyang akda.

Halimbawa ng Tulang Masagisag

Ang Tahanang Daigdig
ni Ildefonso Santos


May isang tahanang malaki’t marikit,
Langit ang bubungan at lupa ang sahig.

Bawat silid nito’y may bundok na dinding,
Dagat at batisan ang siyang salamin.

Palamuti naman ang tanang bulaklak,
Tala at bituin ang hiyas na sangkap.

Maraming laruang nakapagtataka:
Isdang lumalangoy, ibong kumakanta…

May tanging laruang isang bolang apoy,
Aywan ba kung sino ang dito’y nagpukol.

At sino rin kaya ang tagapagsindi
Ng parol na buwang pananglaw kung gabi?

Ah, Siya ang ating mabait na Ama –
Kaybango ng hangin na Kanyang hininga!

At tayo? Oh, tayo ay magkakapatid
Sa bahay na itong ang ngala’y Daigdig!


    B. Imahistiko – ipinahahayag ng makata ang kanyang kaisipan at damdamin sa paggamit ng mga imahen at larawang-diwa.

Halimbawa ng Tulang Imahistiko


    C. Makatotohanan – tinutukoy ng makata ang kalagayan ng tunay na buhay sa daigdig o ng nakikita ng ating dalawang mata.

Halimbawa ng Tulang Makatotohanan

ANG MAGANDANG PAROL
ni Jose Corazon De Jesus

Isang papel itong ginawa ng lolo

may pula, may asul, may buntot sa dulo;

sa tuwing darating ang masayang Pasko

ang parol na ito’y makikita ninyo.

Sa aming bintana doon nakasabit

kung hipan ng hangi’y tatagi-tagilid,

at parang tao ring bago na ang bihis

at sinasalubong ang Paskong malamig.


Kung kami’y tutungo doon sa simbahan

ang parol ang aming siyang tagatanglaw,

at kung gabi namang malabo ang buwan

sa tapat ng parol doon ang laruan.


Kung aking hudyatin tanang kalaguyo,

mga kapwa bata ng pahat kong kuro,

ang aming hudyatan ay mapaghuhulo:

“Sa tapat ng lolo tayo maglalaro.”


Kaya nang mamatay ang lolo kong yaon,

sa bawat paghihip ng amihang simoy,

iyang nakasabit na naiwang parol

nariyan ang diwa noong aming ingkong.


Nasa kanyang kulay ang magandang nasa,

nasa kanyang ilaw ang dakilang diwa,

parang sinasabi ng isang matanda:

“Kung wala man ako’y tanglawan ang bata.”


    D. Makabaghan / Surealistiko – ang makata’y gumagamit ng mga pangitain at galaw ng isang isipang nahihibang at wala sa wastong kamalayan. 

Halimbawa ng Tulang Makabaghan/Surealistiko


Kung Ano Ang Isinisiwalat ng Salawikain
ni Epifanio San Juan, Jr.


Nadantayan ng kung anong patak ng dagta o katas ang lamang sinuyod

Nagitla sa bulong ng himlayan

Sa teorya ng pagsisisi anong bisa ng luha sa sinansalang udyok at himok

                            "sapagkat kami'y tao lamang"

Walang sala ang hangaring hinugot sa matris ng nagkatawang-lupa

Sumingit ang kirot sa pagitan ng dalawang guhit na nagsalikop

Nakiramay sa paghasik ng asin sa sariwang sugat

Dumaluhong magkalingkis di sapol ang praktika sa pagkamulat ng birhen

Salain man ang libog may pagsisisi pa rin

Matutuklasan sa gilid ng hukay ang bakas ng dagta sa himlayang sinuyod

                            Nakabulagta

Pakiramdaman ang wikang kay hapdi ng walang salang salarin

Sunday, October 10, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Layon

 Mga Uri ng Tula Ayon sa Layon

    A. Mapaglarawan – naglalarawan ng pagpapahalaga o pagkamuhi ng makata o may-akda sa isang kalagayan, pook o pangyayari.


Halimbawa ng Tulang Mapaglarawan

SA TABI NG DAGAT

ni Ildefonso Santos 

Marahang-marahang

manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,

maglulunoy katang

payapang-payapa sa tabi ng dagat;

di na kailangang

sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,

ang daliring garing

at sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Manunulay kata,

habang maaga pa, sa isang pilapil

na nalalatagan

ng damong may luha ng mga bituin;

patiyad na tayo

ay maghahabulang simbilis ng hangin,

nguni’t walang ingay,

hangganq sa sumapit sa tiping buhangin…

Pagdating sa tubig,

mapapaurong kang parang nanginigmi,

gaganyakin kata

sa nangaroroong mga lamang-lati:

doon ay may tahong,

talaba’t halaang kabigha-bighani,

hindi kaya natin

mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdadapit-hapon

kata’y magbabalik sa pinanggalingan,

sugatan ang paa

at sunog ang balat sa sikat ng araw…

Talagang ganoon:

Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,

lahat, pati puso

ay naaagnas ding marahang-marahan…

    B. Mapagpanuto – namamatnubay, nagtuturo o nagpapayo ng isang aral sa pamamagitan ng mga taludtod.

Halimbawa ng Tulang Mapagpanuto

Ang Guryon

ni Ildefonso Santos

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon

na yari sa patpat at papel de Hapon;

magandang laruang pula, puti, asul,

na may pangalan mong sa gitna naroon.


Ang hiling ko lamang, bago paliparin

ang guryon mong ito ay pakatimbangin;

ang solo’t paulo’y sukating magaling

nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.


Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas

at sa papawiri’y bayaang lumipad;

datapwa’t ang pisi’y tibayan mo, anak,

at baka lagutin ng hanging malakas.


Ibigin mo’t hindi, balang araw ikaw

ay mapapabuyong makipagdagitan;

makipaglaban ka, subali’t tandaan

na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.


At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,

matangay ng iba o kaya’y mapatid;

kung saka-sakaling di na mapabalik,

maawaing kamay nawa ang magkamit!


Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,

dagiti’t dumagit, saanman sumuot…

O, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,

bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!


    C. Mapang-aliw – nagbibigay – aliw o lumilibang sa mga mambabasa. Maaaring ito ay nagpapatawa, nanunudyo o isang masagisag na palaisipan.

Halimbawa ng Mapang-aliw

NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN

ni Lamberto E. Antonio


Napagawi ako sa mababang paaralan

Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,

At dating kubeta ng ilang kababaryo

Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.

Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal

Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng

Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners

Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.

Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;

May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t

Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na

“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng

“Alay nina Don at Doña Pilipito Palapatok.”

Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo

At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila

Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y

Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng

Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi

Sa salawal sa pagkuha ng test –

Kundi may DR. o ENGR., may ATTY

Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –

Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,

Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.

Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering

Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y

Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;

Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.

Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,

Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang

Nagpautang sa akin noon ng musmos na karanasan;

Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:

Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon

Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t

Maulila sa mga magulang). Gumawi ako

Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,

Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,

Kahit papa’no, ang aking pangalan.


    D. Mapang-uroy – nangungutya ito o namumuna ng mga kamalian o kasamaan ng isang bagay, ng kahangalan ng isang tao at mga pagkalulong sa isang hindi magandang bagay.

Halimbawa ng Mapang-uroy

TAO

ni V. G. Suarez


— Bakit ba ang tao’y nagkakandarapang

humabol sa takbo ng kanyang orasan?

Maitatayo ba sa iisang iglap

ang sariling Roma? Ang nag-uunahang

mga matang haling sa ambrosya’t katas

ng Eden, ay Adang sa sala’y pasasa.

Ano’t nagpipilit: puso’y nag-aalpas

gayong sa simula ng kanyang pagpitlag

ay nakagapos na at nakukuralan

ng batas ng Diyos, ng sangkalikasa’t

ng lipunan niyang di kayang malabag?


Ano bang paglaya, at nagkukumagkag

sumunod sa bills ng mga sandali?

Saan ba hahantong ang hakbang at tik-tik

kundi sa landasing mabako, maikli?

Sukát na ang dulo’t ang pinaka-abang

ay ang kamatayang tuwa’t nanginginig

magsawa sa apdo ng malansang tanan !


— Oo nga, bakit ba nais makadaong

sa kabilang buhay, gayong di pa tukoy

ng sagwan ng tao kung saan naroon?


(Ang mga halimbawang tula ay hinango sa https://www.tagaloglang.com)

Sunday, October 3, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Kayarian

 Mga Uri ng Tula Ayon sa Kayarian

Sinasabi ng mga aklat sa Filipino na may apat na uri ng tula ayon sa kayarian. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Matanda o makalumang tula – Binubuo ang tulang ito ng mga taludtod na may sukat, tugma, at malalaliim na kahulugan. Ito ang pamamaraang ginamit ng mga kilalang makatang Tagalog. Ito ay tinatawag din ng ilang manunulat bilang Tradisyonal na Tula.

2. Malayang taludturan o free verse – Nabibilang dito ang mga tulang walang sukat at walang tugma. Isa itong paghihimagsik sa “makipot” na bakod ng matandang panulaan. Ito ay isang tula na isinulat nang walang sinusunod na patakaran kung hindi ang ano mang naisin ng sumusulat.Ito ay ang anyo ng tula na ipinakilala ni Alejandro G. Abadilla. Ayon sa kanya, maaaring makalikha ng tula na walang sukat at walang tugma. Ngunit dapat manatili ang karikatan, ito ay ang paggamit ng matatalinhagang pahayag na ipinakilala niya Sa kanyang tulang “ Ako ang Daigdig”.

Halimbawa ng Tula na Malayang Taludturan:

Alejandro G. Abadilla

Ako Ang Daigdig
ni Alejandro G. Abadilla

I

ako
ang daigdig

ako
ang tula

ako
ang daigdig
ang tula

ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig

ako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig


II

ako
ang daigdig ng tula

ako
ang tula ng daigdig

ako
ang malayang ako
matapat sa sarili
sa aking daigdig
ng tula

ako
ang tula
sa daigdig

ako
ang daigdig
ng tula

ako


III

ako
ang damdaming
malaya

ako
ang larawang
buhay

ako
ang buhay
na walang hanggan

ako
ang damdamin
ang larawan
ang buhay

damdamin
larawan
buhay
tula
ako


IV

ako
ang daigdig
sa tula

ako
ang daigdig
ng tula

ako
ang daigdig

ako
ang tula

daigdig
tula

ako


LUPA
ni Manuel Principe Bautista


lupa, narito ang lupa!
ikaw ay dumakot sa nakalahad mong palad
na makapal ay iyong timbangin at madarama
mo ang buong sinukob. diyan nakatanim ang
ugat ng buhay; umusbong sa patak ng masinsing
ulan. batis ay dumaloy na tulad ng ahas
na pakiwang-kiwang sa paa ng bundok. ang
halik ng araw sa dapit-umaga: naiiwang
sanlang hiyas na makinang na nakasisilaw
sa maraming mata ang magandang tampok.
nag-iwan ng sugat ang maraming daan.
dunong ay nanaig, nabuksan ang dibdib,
gaputok mang daing ay di mo naringgan.
ang pasalubong pa’y malugod na bating —
“tuloy, kabihasnan!”

lupa, narito ang lupa!
ang buhay mong hiram ay diyan nagmulang
bigay-bawi lamang. sa mayamang dibdib:
diyan napahasik ang punla ng buhay na
kusang susupling sa pitak ng iyong hirap
at paggawa. katawang-lupa ka. narito
ang lupang karugtong ng iyong buhay at
pag-asa. dibdib. puso. bait. ang katauhan
mo’y lupa ang nagbigay. ang kasiyahan mo,
tamis ng pag-ibig at kadakilaan.
sapagka’t lupa ka, katawang-lupa ka —
ganito ring lupa. diyan ang wakas
mong galing —
sa simula!

3. Tula sa tuluyan – Ang tula ay tunay na tuluyan o prosa ngunit ang diwang nakapaloob ay masagisag. Maiikli at matayutay ang ginagamit na pananalita gaya rin ng isang tunay na tula. Maaari rin itong tawaging Tula na Walang Sukat na May Tugma.

4. Di-tugmaang tula – Nagtataglay ang tulang ito ng sukat subalit walang tugma. Hindi ito gaanong gamitin sa ating panulaan. Tinatawag din itong Tulang May Sukat na Walang Tugma.

Hindi lang sa apat na uri ayon sa kayarian ang tula. May tatlong natitira at kakaibang anyo pa ang tula na kinakailangan ninyong malaman. Ito ay ang DIONA, TANAGA at DALIT.

Sa makatuwid pito lahat ang anyo ng tula.Ang tatlong natitira ay espesyal dahil sa kung anong kadahilan na inyong malalaman sa ilang saglit lamang.Ang tatlong ito ay nabibilang sa katutubong uri ng mga tula.Isang katibayan na di pa sinisilang si Francisco Balagtas o kung sino mang sikat at bihasa sa larangan ng ganitong panitikan ay mayaman na tayong mga Pilipino sa pagkamalikhain lalo na sa pagbuo ng mga tula.

Mga Katutubong Anyo ng Tula

4. DIONA - Ang diona ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, tatlong taludtod kada saknong at may isahang tugmaan. 

Mga Halimbawa ng Diona:

Ang payong ko’y si inay
Kapote ko si itay
Sa maulan kong buhay

(ni Raymond Pambit)

Lolo, huwag malulungkot
Ngayong uugod-ugod 
Ako po’y inyong tungkod

(ni Gregorio Rodillo)

Aanhin yamang Saudi
O yen na Japayuki
Kung wala ka sa tabi

(ni Fernando Gonzales)

5. TANAGA - Ang tanaga ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong na may isahang tugmaan.

Narito ang mga halimbawa ng tanaga:

Ang katoto kapag tunay
hindi ngiti ang pang-alay
kundi isang katapatan
ng mataus na pagdamay.

(KAIBIGAN)
ni Emelita Perez Baes

Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko;
Nguni’t muling tumayo
Nagkabunga ng ginto

(PALAY)
ni Ildefonso Santos

Wala iyan sa pabalat
at sa puso nakatatak,
nadarama’t nalalasap
ang pag-ibig na matapat.

(PAG-IBIG)
ni Emelita Perez Baes

Kabibi, ano ka ba?
May perlas, maganda ka;
Kung idiit sa taynga,
Nagbubunitunghininga!

(KABIBI)
ni Ildefonso Santos
Alipatong lumapag
Sa lupa — nagkabitak,
Sa kahoy nalugayak,
Sa puso — naglagablab!

(TAG-INIT)
ni Ildefonso Santos

Pag ang sanggol ay ngumiti
nawawala ang pighati,
pag kalong mo’y sumisidhi
ang pangarap na punyagi.

(SANGGOL)
ni Emelita Perez Baes

6. DALIT - Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng walong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan.

Mga Halimbawa ng Dalit:

Isda akong gagasapsap,
Gagataliptip kalapad,
Kaya nakikipagpusag,
Ang kalaguyo'y apahap.

Ang sugat ay kung tinanggap,
Di daramdamin ang antak,
Ang aayaw, at di mayag
Galos lamang magnanaknak.

Galíng nang magandang ginto,
Walang tumbagang kahalo,
Makaitlo mang ibubo
Di gumitang nang pagpalò.

Aba aya Kasampaga
Ng ponay na naulila
Kung umambo’y pagsiyap na,
Walang magkupkop na Ina.

Ang palar na nasakuna,
Ipinagtatanong ko nga,
Kung sino’ng kahalimbawa,
Nása kati nagiginâ.

Huwag kang maglingong likod:
Dito sa bayang marupok
Parang palaso, at tunod
Sa lupa rin mahuhulog.

Lunday kong aanod-anod
Pinihaw ng balaklaot,
Kayâ lámang napanolot,
Nang humihip yaring timog.