Thursday, June 29, 2017

Wastong Gamit ng Gitling (-)

Sa pagsulat ng isang sanaysay, kuwento, talata, o pangungusap, ang paggamit ng wastong bantas ay mahalaga upang maging malinaw ang nais ipahiwatig ng may-akda. Isa sa mga ito ay ang gitling (-) o hyphen sa wikang Ingles.

Wastong Gamit ng Gitling

A. Kadalasang ginagamit ang gitling (-) kapag inuulit ang buong salitang-ugat (root word) o dalawang pantig (syllable)  ng salitang-ugat.

Mga Halimbawa:

1. Gabi-gabi na lamang siyang umaalis ng bahay.
3. Napakaganda ng isinuot niyang berdeng-berdeng terno.
4. Sino-sino (hindi sinu-sino) sa inyo ang kinumpilan na?
5. Nagbukas si Maria ng isang Ihaw-Ihaw.

Ilan pang halimbawa:

araw-araw          gabi-gabi         
ano-ano (hindi anu-ano)     sira-sira   
iba-iba

Gayunman, kung ang salita ay mahigit sa dalawang pantig, ang unang dalawang pantig lamang ang inuulit.

Halimbawa:

1. palito ==> pali-palito
2. suntukin ==> suntok-suntukin
3. bariles ==> bari-bariles
4. sundutin ==> sundot-sundutin
5. samalin ==> sampal-sampalin

Subali't kung may unlapi (prefix), isinasama ito sa unang bahaging inuulit.

Halimbawa:

1. pabalik ==> pabalik-balik
2. masinto ==> masinto-sinto
3. maamo ==> maamo-amo

TANDAAN:

Ang gitling ay hindi ginagamit sa salita na may mga pantig na inuulit nguni't walang kahulugan kapag hindi inulit.

Halimbawa:

1. paruparo ==> dahil walng "paro"
2. alaala ==> dahil walang "ala"
3. gamugamo ==> dahil walang "gamo"

Dapat gitlingan ang sari-sari at samot-samot dahil may salitang "sari" at "samot".  Dapat ding may gitling ang salitang "samot-sari". Maling anyo ang "samo't-sari".

Ang salitang "iba't-iba" ay mali dahil hindi ito salitang inuulit kundi kontraksiyon lamang ng "iba at iba". 


B. Ginagamit ang gitling sa pagitan ng isang unlapi (prefix) na nagtatapos sa katinig (consonant) at ang salitang nilalapian ay nagsisimula naman sa patinig (vowel). Ang paggamit ng gitling dito ay mahalaga upang maging malinaw ang ibig ipahiwatig at hindi magkaroon ng iba pang kahulugan ang salita.

1. Ayaw ni Mario ng may kasama kaya mag-isa siyang nagtungo sa gubat.
2. Madalas siyang umuwi ng probinsiya lalo na at tag-ani.
3. Ang pag-ayaw ni Petra sa kanilang kasal ay kasalanan ni Pedro.
4. Nakapitas ng dalawang manggang-hinog si Jose. Tig-isa silang magkapatid.
5. Pag-aararo ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

C. Ang gitling ay ginagamit rin kapag ang isang salita ay hindi na maaring isulat pa ng buo dahil sa kakulangan ng espasyo. Ito ay nangyayari sa pagsusulat, pagmamakinilya o paggamit ng kompyuter sa isang linya sa isang papel. Dapat lamang tandaan na ang pagigitling ay ayon sa tamang pagpapantig ng salita.

Mga Halimbawa

1. Nalulungkot si Amelia dahil ang kanyang matalik na kaibigang si Aniceta ay aalis na pa-
     tungong Amerika sa isang linngo.
2. Masayang nakikipagkuwentuhan si Mang Kanor sa mga kumpare nang biglang duma-
      ting si Aling Dabiana at siya ay hambalusin. 

D. Ang gitling ay ginagamit din kapag pinagsama ang apelyido na isang ginang at ang kanyang naging asawa.

Mga Halimbawa

1. Gng. Debbie dela Cruz-Villavicencio
2. Jocelyn Marquez-Araneta

E. Ginagamit ang gitling sa pagitan ng nawalang kataga o salita ng dalawang salitang pinagsama.

Mga Halimbawa

1. binatang taganayon = binatang-nayon


2. pamatay ng kulisap =  pamatay-kulisap
3. bahay na inuman = bahay-inuman
4. karatig na bayan =  karatig-bayan
5. pugad ng baboy = pugad-baboy

F. Ginigitlingan ang isang salita kung may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, tatak, simbolo, sagisag, brand atbp.

Mga Halimbawa

1. Si Adela ay maka-Sharon Cuneta.
3. Uhaw na uhaw sina Cecilio kaya sila ay nag-Pepsi.
4. Hindi na matatawaran ang kanyang pagiging maka-Filipino.
5. Kung nais makatipid sa paglalaba, tayo ay mag-Surf.

Dapat lamang tandaang nalilipat sa pagitan ng inulit na pantig ng tanging ngalan at ng buong tanging ngalan ang gitling kapag ang salita ay nagiging pandiwa sa hinaharap (future tense of the verb).

Mga Halimbawa

1. Mag-Jollibee = Magjo-Jollibee
2. Mag-Coke = Magco-Coke
3. Mag-Yaris = Magya-Yaris

G. Kapag ginamit ang panlaping (affix) ika ay ginamit, ito ay kadalasang ginigitlingan kung ang inunlapian ay isang numero o tambilang (digit).

Mga Halimbawa

1. ika-9 ng gabi
2. ika-23 ng Oktubre
3. ika-10 pahina
4. ika-50 anibersaryo
5. ika-4 na linggo

H. Ginagamit ang gitling kapag ang isang praksyon (fraction) ay isinulat nang patitik.

Mga Halimbawa

1.     2/3 =  dalawang-katlo
2.     6 1/4 = anim at isang-kapat
3.     3/8 =  tatlong-kawalo

I. Ang gitling ay ginagamit din kapalit ng salitang "hanggang"   o  "o kaya ay" sa isang panukat ng rekado, haba ng oras o panahon.

Mga Halimbawa

1.     3 hanggang 5 kutsarita  =  3-5 kutsarita
2.     4 o kaya ay 6 butil = 4-6 butil
3.     2 hanggang 5 oras = 2-5 oras
4.     25 o kaya ay 30 minutos = 25-30 minutos
5.     2 hanggang 3 buwan = 2-3 buwan

J. Ginagamit din ang gitling sa onomatopeikong pagsulat sa mga iisahing pantig na tunog.

Mga Halimbawa:

1. tik-tak
2. ding-dong
3. tsk-tsk
4. plip-plap
5. ra-ta-tat
6. tsug-tsug
7. eng-eng

K. Gamit din ang gitling sa salitang may unlaping "de" mula sa Espanyol na may kahulugang "sa pamamagitan ng" o "ginawa o ginagamit sa paraang".

Mga Halimbawa:

1. de-bote
2. de-lata
3. de-mano
4. de-kahon
5. de-kolor








Monday, June 19, 2017

WASTONG GAMIT: INUMAN at INUMIN

Pagkaminsan ay nakalilito rin ang wastong gamit ng inuman at inumin. Upang makita ang pagkakaiba, nararapat na suriin kung anong bahagi ng pananalita ang dalawang salita.

Ang inuman ay isang pangngalan (noun) samantalang maaaring pandiwa (verb) o pangngalan ang inumin. Dahil dito, ang inuman ay tumutukoy sa isang bagay o pangyayari samantalang maaring nagpapahayag naman ng kilos o pagkilos ang inumin o pwede rin namang tumutukoy sa isang bagay.

Mga Halimbawa



1. Nauuhaw si Pedro. Bigyan mo siya ng inumin. (tubig, softdrinks, etc.)
2. Inumin (Drink) mo ang tabletang ito nang bumuti ang iyong pakiramdam.
3. Kaarawan ni Luis ngayon. Tiyak na may inuman (drinking spree) at inumin (liquor, alak, beer, serbesa,atbp).

4. Kumuha ka ng inuman (cup, glass, tasa, baso) para pagsalinan nitong malamig na softdrink.
5. Lagyan mo ng inumin ang inuman.

ANO ANG TAYUTAY?

Ang tayutay o "figure of speech" sa wikang Ingles ay ang pag-iwas sa paggamit ng ordinaryong o pangkaraniwang salita upang maging kaakit-akit, malikhain at mabisa ang pagpapahayag ng damdamin ng isang manunulat o nagsasalita.

MGA URI NG TAYUTAY ((Kinds of Figure of Speech)

Maraming uri ang tayutay. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Pagtutulad o Simili (Simile) - Isang uri ng paghahambing o pagkukumpara ng dalawang magkaibang bagay na ginagamitan ng mga salitang KATULAD, TULAD, GAYA NG, TILA, PARANG, atbp.

Mga Halimbawa
a. Ang mga mata mo ay tila perlas ng silangan.
b. Ang pag-awit mo ay tulad ng himig ng mga anghel sa langit.

c. Parang bote ng  koka-kola ang hugis ng iyong katawan.

2. Pagwawangis (Metaphor) - paghahambing ng dalawang bagay na hindi ginagamitan ng mga salitang katulad, tulad, gaya ng, tila, parang, atbp.

Mga Halimbawa
a. Ang kanyang ina ang bituing tanglaw sa kanyang buhay.
b. Namumulang makopa ang pisngi ng sanggol.

c. Malasutla ang iyong kutis.

3. Pagmamalabis (Hyberbole) - sadyang pinalalabisan o kinukulangan ang isang kalagayan, pangyayari o bagay.

Mga Halimbawa
a. Bumaha sa buong paligid nang siya ay umiyak.
b. Mala-impyerno ang init ng panahon.
c. Nakakatunaw ang kanyang pagtingin.

d. Buto't balat na lamang nang siya ay matagpuan.

4. Pagbibigay ng Katauhan o Pagsasatao (Personification) - pagbibigay katangian ng tao sa isang bagay na walang buhay.

Mga Halimbawa
a. Humihiyaw ang mga kawayan sa lakas ng hangin.

b. Nag-aawitan ang mga palaka sa gitna ng ulan.
c. Ang mga palay ay sumasayaw sa ihip ng hangin.

5. Pag-uyam (Irony) - paggamit ng mga salitang kapuri-puri subali't kabaliktaran naman ang nais ipagkahulugan.

Mga Halimbawa

a. Kay-ayos ng iyong buhok. Magandang pang-isis ng kawali.
b. Napakaganda ng boses ni Maria. Hinihiwang yero ang kapara.
c. Kaykinis ng mukha ni Pedro. Konting uka pa at buwan na ang kawangis.

6. Pagtawag (Apostrophe) - madamdamin na pagtawag sa isang nilalang o bagay na tutuo o imahinasyon lamang na kalimitan ay nagsisimula sa O, o Oh at madalas na ginagamit sa prosa o tula at drama.

Mga Halimbawa
a. O, Bathalang Mahal! Nawa'y siya ay Iyong kupkupin.
b. O, bituing marikit! Tanglawan mo ang gabing pusikit.
c. O, tukso! Layuan mo ako.

7. Pag-uulit (Alliteration) - pag-uulit ng isang salita o parirala sa loob ng isang pangungusap, taludtod o talata.

Mga Halimbawa
a. Masama ang gumamit ng droga. Masama dahil nakakasira ng isip. Masama dahil pamilya ay nasisira.
b. Pag-ibig ang nagbigay pag-asa; pag-ibig ang bumuhay; pag-ibig pa rin ang pumatay.
c. Paborito niya ang mangga; manggang-hinog, manggang-hilaw, at kahit na anong uri ng mangga.

8. Pagtatanong (Rhetorical Question) - pagpapayag sa pamamagitan ng pagtatanong na hindi naghihintay ng kasagutan. Ang tanong ay maaaring may kasagutan o wala. Maaaring ang tanong ay alam na ang sagot subali't inilagay upang bigyang diin ang isang pahayag, damdamin o pangyayari.

Mga Halimbawa
a. Bakit nagkaganito ang bayang ito?
b. Hagupit ng kalikasan o kasakiman ng tao?
c. Ikaw ba ang sinasabing magliligtas sa lahat ng tao?

9. Pagpapalit-saklaw (Synecdoche) - pagbanggit ng isang bahagi upang tukuyin ang kabuuan o pagpapahayag ng kabuuan upang tukuyin ang isang bahagi.

Mga Halimbawa
a. Binili mo na yata ang buong palengke?
b. Malapit na ako. Kita ko na ang aming palupo.
c. Ayoko nang makita ang pagmumukha mo rito.

10. Paghihimig (Onomatopoeia) - paggamit ng mga salitang kasingtunog ng kahulugan.

Mga Halimbawa
a. Naglalagablab ang init ng panahon.

b.  Tiktilaok!
c. Umarangkada na ang bagong biling sportscar ni Mario.

11. Pagtatambis (Oxymoron) - paglalagay o pagsasama ng dalawang bagay o salita na magkasalungat ang kahulugan.

Mga Halimbawa
a. Masaya siyang umiiyak nang manalo sa timpalak.
b. Ikaw na ang matalinong-bobo!
c. Matamis na maasim ang manibalang na mangga.
d. Nakabibingi ang katahimikan.
e. Minsan, kailangan mong mawala para makita.

12. Kabaliktaran (Antithesis) - pagsasama ng dalawang ideya, damdamin, salita, parirala at pangungusap na kabaliktaran ang kahulugan.

Mga Halimbawa
a. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
b. Isang hakbang ng nilalang, malayong lundag sa sangkatauhan.
c. Umiiyak man ang langit, nagbubunyi naman sa lupa.
d. Marami ang matutuwa sa iyong paglisan.

13. Pagtanggi (Litotes) - pagpapahayag ng pagsalungat o hindi tuwirang pangsang-ayon subali't ito ay pakunwari  o paimbabaw lamang, o paglalagay ng dalawang negatibong pananaw para ipamalas ang positibong ideya.

Mga Halimbawa
a. Hindi maliit na halaga ang isang milyong piso.
b. Ayokong isipin mo na tutol ako sa pag-aasawa mo. Nais ko lamang na magtapos ka muna ng pag-aaral.

c. Hindi naman masikip sa iyo ang iyong bagong damit.


Thursday, June 8, 2017

GABINETE ni Pangulong Rodrigo Duterte

(ABISO: Kumikilala at humihingi ng paumanhin at pahintulot sa nagmamay-ari ng mga larawan sa ibaba. Mag-email lamang sa poncianosantos1959@gmail.com kung nais ipatanggal ang anumang larawan. Ipagbigay-alam sa may-akda kung may pagkakamali man sa pangalan o larawang nakapaskel. Salamat po.)

Narito ang listahan ng Gabinete ng Pilipinas  sa wikang Englisgh at Filipino pati na rin ang kanilang daglat o acronym, sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte :

2016

SALVADOR MEDIALDEA, 2016 - Present
Executive Secretary (ES)
Kalihim Tagapagpaganap

ERNESTO ABELLA, 2016 - Oct 26, 2017
Office of the Presidential Spokesman (OPS)
Tanggapan ng Tagapagsalita ng Pangulo

HARRY ROQUE - Oct 27, 2017 - Present
Office of the Presidential Spokesman (OPS)
Tanggapan ng Tagapagsalita ng Pangulo
(Image from Roque's Official FB Page)
RAFAEL MARIANO 2016 - Nov 30, 2017
Department of Agrarian Reform  (DAR)
     Kagawaran ng Repormang Pansakahan 

JOHN CASTRICIONES Dec 1, 2017 - Present
Department of Agrarian Reform  (DAR)
     Kagawaran ng Repormang Pansakahan 

EMMANUEL  PIñOL 2016 - 4  Aug 2019
Department of Agriculture (DA)
Kagawaran ng Pagsasaka
WILLIAM DAR - Aug 5, 2019 - Present
Department of Agriculture (DA)
Kagawaran ng Pagsasaka

BENJAMIN DIOKNO
Department of Budget and Management (DBM)
Kagawaran ng Pagbabadyet at Pamamahala 


LEONOR BRIONES
Department of Education (DepEd)
Kagawaran ng Edukasyon


ALFONSO CUSI
Department of Energy (DOE)
Kagawaran ng Enerhiya

ROY CIMATU
Department of Environment and Natural Resources (DENR)
Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman


CARLOS DOMINGUEZ III
Department of Finance (DOF)
Kagawaran ng Pananalapi


ALAN PETER CAYETANO
Department of Foreign Affairs (DAF)
Kagawaran ng Ugnayang Panlabas


PAULYN JEAN RUSSEL-UBIAL
Department of Health (DOH)
Kagawaran ng Kalusugan


CATALINO CUY (OIC)
Department of Interior and Local Government (DILG)
Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal


VITALIANO AGUIRRE II
Department of Justice (DOJ)
Kagawaran ng Katarungan


SILVESTRE BELLO III
Department of Labor and Employment (DOLE)
Kagawaran ng Paggawa at Empleyo


DELFIN LORENZANA
Department of National Defense (DND)
Kagawaran ng Tanggulang Pambansa


MARK VILLAR
Department of Public Works and Highways (DPWH)
Kagawaran ng Pampublikong Paggawa at Mga Lansangan


FORTUNATO DELA PEÑA
Department of Science and Technology (DOST)
Kagawaran ng Agham at Teknolohiya



JUDY TAGUIWALO
Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad


WANDA CORAZON TEO
Department of Tourism (DOT)
Kagawaran ng Turismo


RAMON LOPEZ
Department of Trade and Industry (DTI)
Kagawaran ng Kalakalan at Industriya


RODOLFO SALALIMA
Department of Information and Communications Technology(DICT)
Kagawaran ng Teknolohiyang Pang-Impormasyon at Komuniasyon

ARTHUR TUGADE
Department of Transportation (DOTr)
Kagawaran ng Transportasyon