Tuesday, March 31, 2009

WASTONG GAMIT: SUBUKIN at SUBUKAN

Subukin, Subukan

Sa aking pagsasaliksik sa iba't ibat webpurok (website) sa internet, nagkandahilu-hilo ako kung ano talaga ang wastong gamit ng mga salitang "subukin at subukan". Magkakabaliktad ang paliwanag ng bawa't isa kaya hindi ko masuri kung ano talaga ang tamang gamit ng mga ito. Sa pagsasalita natin, nababaligtad din natin ang paggamit ng mga ito subali't nauunawaan pa rin tayo ng ating kausap. Sa aking palagay, ito ay sapat na. Nguni't kung ang isusulat mo ay isang pormal na sanaysay at tesis, nararapat lamang na gamitin ang wastong gamit ng mga salitang ito.
Sa aking pagsusuri at palagay, ito ang wastong gamit ng subukin at subukan.

Subukin ang ginagamit kung ang ating nais ipahayag ay ang paggawa ng isang bagay (to DO something).

Mga halimbawa:

1) Subukin natin ang sumayaw ng cha-cha.



2) Susubukin kong mag-aral lumangoy ngayong bakasyon.



3) Subukin mong gumawa ng magandang bagay sa iyong kapuwa.

Subukin  din ang ginagamit kung ang nais nating ipagpalagay ay ang pagtikim, pagkilatis at pagsubok ng isang bagay (to TASTE, ASSESS, EXAMINE or TRY something).






Mga halimbawa:

1) Ating subukin kung masarap nga ang mantikilyang ito.
2) Subukin mo kung matibay nga ang binili kong sinulid.
3) Tayo nang subukin kung matamis ang mga lanzones na dala ng Tatay.

Ang salitang subukan naman ay ginagamit kung ang nais ipagkahulugan ay ang paniniktik (spying) sa isang tao.


Mga halimbawa:

1) Subukan mo kung ano ang ginagawa ng iyong kuya sa kanyang kuwarto.

2) Susundan ko si Mister bukas. Susubukan ko kung siya nga ay may kulasisi.

3) Tayo nang subukan ang ginagawa ng mga mag-aaral sa palaruan.

Inaanyayahan ang mga pantas sa wikang Filipino na magbigay ng kanilang komento at pahayag sa usaping ito.

Monday, March 30, 2009

WASTONG GAMIT: PAHIRIN, PAHIRAN

Isa pang nakagugulo sa isip ng mga mag-aaral ay ang wastong gamit ng mga salitang pahirin at pahiran.


Pahirin ang ginagamit kung ang nais gawin ay alisin o tanggalin ang isang bagay mula sa isang bagay.






Mga halimbawa:

1) Pahirin mo ang sipon sa ilong ng iyong kapatid.
2) Aking papahirin ang luha sa iyong mga mata, giliw.
3) Huwag mo nang pahirin ang natirang langis sa makina.
4) Huwag mong kalimutang pahirin ang iyong muta sa umaga.



Pahiran ang ginagamit kung ang ibig ipagkahulugan ay lagyan ng isang bagay ang isang bagay.




Mga halimbawa:
1) Pahiran mo ng mantikilya ang aking tinapay.
2) Aking papahiran ng pampakintab ang aking mesa.
3) Tayo nang pahiran ng floor wax ang sahig.
4) Pinahiran niya ng dumi ang aking kuwaderno.

Pagsasanay

Piliin ang tamang sagot sa loob ng panaklong;

Huwag ka nang umiyak (Pahirin, Pahiran) mo ang iyong luha dahil darating na ang Tatay. Sasabihan ko si Utoy na (pahirin, pahiran) ng floorwax ang sahig upang ito ay kumintab at matuwa ang Nanay kapag nakita. Bibili naman ako ng mantikilya sa tindahan at (papahirin, papahiran) ko ang pinalutong kong mga tirang pandesal. (Papahiran, Papahirin) ko rin ang mga natuyong mantika sa kawali.


Saturday, March 28, 2009

WASTONG GAMIT: WALISIN at WALISAN



Wastong Gamit

Ang walis ay isang gamit-pambahay na ipinanlilinis sa pamamagitan ng pag-alis ng mga alikabok, dumi at kalat sa loob at labas ng bahay. Walis- tambo ang ginagamit sa loob ng bahay para sa mga dumi, alikabok at kalat na maliliit.
Walis-tinting naman kung gagamitin sa labas ng bahay o bakuran kung ipang-aalis ng mga natuyong dahon o may kalakihang kalat.
Sa pagsasalita at pagsusulat, lagi nang namamali ang mga mag-aaral tamang paggamit ng mga salitang walisin at walisan. Ito ang punto ng araling ito.

Gamitin ang salitang walisin kung ang ibig tukuyin ay ang pag-aalis ng partikular na dumi o kalat.

Halimbawa:

1. Walisin mo ang mga tuyong dahon sa bakuran.
2. Aking wawalisin ang mga alikabok sa aking kuwarto.
3. Tayo nang walisin ang mga dumi sa sahig.

Gamitin ang salitang walisan kung ang tinutukoy ay isang partikular na lugar na marumi.

Halimbawa:

1. Napakarumi ng iyong silid. Pwede bang walisan mo naman 'yan?
2. Aking wawalisan ang silid-aklatan dahil may bibisita bukas.
3. Walisan mo ang ating bakuran. Tambak ito ng mga tuyong dahon.

Pagsasanay

Piliin ang tamang salita.

Darating ang mga Inay bukas. Kailangang (walisin, walisan) ko ang kanyang kuwartong gagamitin. (Wawalisan, Wawalisin) ko ang mga duming naroon. (Wawalisin, Wawalisan) ko rin ang bakuran. Aking (wawalisin, wawalisan) ang mga papel at tuyong dahon upang maging malinis ito sa kanyang paningin.

Friday, March 27, 2009

ANG ABAKADA

Ang ABAKADA

Ang abakadang Pilipino ay binubuo ng dalawampung (20) titik. Ito ay ang mga sumusunod:

Malaking Titik (Capital Letter)
A B K D E G H I L M N NG O P R S T U W Y

Maliit na Titik (Small Letter)
a b k d e g h i l m n ng o p r s t u w y

Ang mga patinig (vowel) ay lima:
a e i o u
Samantalang ang mga katinig(consonant) ay 15 :
b k d g h l m n ng p r s t w y


(Salin mula sa http://www.tagaloglang.com/)

Kasaysayan ng Abakadang Pilipino

Bago dumating ang mga Kastila sa Pilipinas noong ika 16 na siglo, and mga katutubong Flipino ay gumagamit na ng panulat na tinatawag na baybayin o alibata. Ang mga Kastila ang nagdala ng mga Kanluraning titik sa Pilipinas.

Noong1930s, ang kilalang iskolar na si Lope K. Santos ang bumuo ng isang abakada na kinabibilangan ng mga tunog mula sa wikang Tagalog. Ito ay binubuo ng 20 titik na kinapapalooban ng 5 patinig at 15 katinig.

Noong 1976, ang Kagawaran ng Pagtuturo, Kutura at Isports ( Department of Education, Culture and Sports (DECS)) ng Pilipinas ay nagpalabas ng rebisadong Alpabetong Filipino na may dagdag na mga titik na:
c, ch, f, j, ll, ñ, q, rr, v, x, and z.

Ito ay tinatawag na Pinagyamang Alpabeto (Enriched Alphabet).

Ang Alpabetong Filipino na binubuo ng 28 titik ( 20 titik mula sa lumang abakada at 8 mula sa titik kastila) na ginagamit sa pagtuturo sa ngayon ay sinimulan noong 1987 sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Corazon Aquino. Ito ay tintawag na Makabagong Alpabetong Filipino (Modern Filipino Alphabet). Ang mga titik na ito ay ang mga sumusunod:

a b c d e f g h i j k l m n n o p q r s t u v w x y z

Upang malaman kung paano basahin ang mga titik na nasa itaas, i-klik ang https://filipinotutorial.blogspot.com/2021/03/mga-tuntunin-ng-ortograpiyang-pambansa-1.html