Sunday, November 7, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Bisa

 Ang tula ay may dalawang uri ayon sa bisa. Ito ay ang mga sumusunod:

Amado V. Hernandez
(Image from https://www.listal.com)


1. Madamdamin (Emotional) – tinutukoy ng isang madamdaming tula ang marangal na damdaming nakabalatay sa pagitan ng mga taludtod at naglalarawan sa paningin ng kaluluwa ng isang masining na kariktan. Inilalarawan ng makata ang isang masining na kagandahan. 

Halimbawa ng tulang madamdamin

Isang Dipang Langit
ni Amado V. Hernandez

Ako’y ipiniit ng linsil na puno

hangad palibhasang diwa ko’y piitin,

katawang marupok, aniya’y pagsuko,

damdami’y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:

bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;

lubos na tiwalag sa buong daigdig

at inaring kahit buhay man ay patay.


Sa munting dungawan, tanging abot-malas

ay sandipang langit na puno ng luha,

maramot na birang ng pusong may sugat,

watawat ng aking pagkapariwara.


Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,

sa pintong may susi’t walang makalapit;

sigaw ng bilanggo sa katabing moog,

anaki’y atungal ng hayop sa yungib.


Ang maghapo’y tila isang tanikala

na kala-kaladkad ng paang madugo

ang buong magdamag ay kulambong luksa

ng kabaong waring lungga ng bilanggo.


Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,

kawil ng kadena ang kumakalanding;

sa maputlang araw saglit ibibilad,

sanlibong aninong iniluwa ng dilim.


Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang

sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;

kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,

sa bitayang moog, may naghihingalo.


At ito ang tanging daigdig ko ngayon –

bilangguang mandi’y libingan ng buhay;

sampu, dalawampu, at lahat ng taon

ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.


Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap

at batis pa rin itong aking puso:

piita’y bahagi ng pakikilamas,

mapiit ay tanda ng di pagsuko.


Ang tao’t Bathala ay di natutulog

at di habang araw ang api ay api,

tanang paniniil ay may pagtutuos,

habang may Bastilya’y may bayang gaganti.


At bukas, diyan din, aking matatanaw

sa sandipang langit na wala nang luha,

sisikat ang gintong araw ng tagumpay…

layang sasalubong ako sa paglaya!


BAYAN KO
ni Jose Corazn De Jesus


Ang bayan kong Pilipinas

Lupain ng ginto’t bulaklak

Pag-ibig na sa kanyang palad

Nag-alay ng ganda’t dilag.

At sa kanyang yumi at ganda

Dayuhan ay nahalina

Bayan ko, binihag ka

Nasadlak sa dusa.


Ibon mang may layang lumipad

kulungin mo at umiiyak

Bayan pa kayang sakdal dilag

Ang di magnasang makaalpas!


Pilipinas kong minumutya

Pugad ng luha ko’t dalita

Aking adhika,

Makita kang sakdal laya.


2. Mabulaybulay (Reflective)  – nag-aangkin din ng mga bahaging madamdamin subali’t ang damdaming ito’y matimpi at pigil sapagka’t umaalinsunod sa pagbulay-bulay o repleksyon ng isang bukas na isipan.

Halimbawa ng tulang mabulaybulay


Dugo at Laya
ni Nemesio E. Caravana

Tanging lalaki kang nagmahal sa bayan

Na ang sinandata’y panitik na tangan…

Nang ikaw’y barilin ng mga kaaway

Dugo mo ang siyang sa laya’y umilaw!


Sa dalawang mahal na laman ng isip,

Na Irog at Bayang kapwa mo inibig…

Bayan ang piniling mabigyan ng langit

Kahit ang puso mo ay sakdal ng hapis.


Namatay ka upang mabigyan ng laya

Ang sinilangan mo na lahi at lupa…

Sa tulog na isip ng liping mahina

Dugo mo ang siyang nagbigay ng diwa.


Nabubo sa lupa ang mahal mong dugo –

Ang galit ng bayan naman ay kumulo…

Kaya’t nang mabutas ang mahal mong bungo,

Ay laya ng lahi naman ang nabuo!


Takipsilim
ni  Black Sheep

Sa iyong paglisay puso’y tumangis

Dahil ‘yong mukha’y laging ninanais

Na masilip sa tuwing damdami’y malungkot

At pag isip ay puno ng galit at poot


Di makintal sa isip na ika’y lumisan na

Ang ‘yong alaala di mabura sinta

Mga ngiti mong nag sisilbing kiliti

Ngayon lahat nag ito’y napalitan ng hikbi


Sa tuwing sasapit ang gabi ito’y sadyang kay dilim

Pag sapit ng araw walang hanggang kulimlim

Wala na ang liwanag sa buhay ko hirang

Pangarap naglaho ikubli na lamang


Ako’y naninimdim na lahat bibitbitin

Ang payo mo Ina aking kikimkimin

Takipsilim ang iyong pagkawala sa aking buhay

Ngunit ang yong alaala’y bukang liwayway