Mga Uri ng Tula Ayon sa Layon
A. Mapaglarawan – naglalarawan ng pagpapahalaga o pagkamuhi ng makata o may-akda sa isang kalagayan, pook o pangyayari.
Halimbawa ng Tulang Mapaglarawan
SA TABI NG DAGAT
ni Ildefonso Santos
Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni’t walang ingay,
hangganq sa sumapit sa tiping buhangin…
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nanginigmi,
gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan…
B. Mapagpanuto
– namamatnubay, nagtuturo o nagpapayo ng isang aral sa pamamagitan ng mga
taludtod.
Halimbawa ng Tulang Mapagpanuto
Ang Guryon
ni Ildefonso Santos
Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo’t paulo’y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.
Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas
at sa papawiri’y bayaang lumipad;
datapwa’t ang pisi’y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin mo’t hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali’t tandaan
na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.
At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya’y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti’t dumagit, saanman sumuot…
O, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!
C. Mapang-aliw
– nagbibigay – aliw o lumilibang sa mga mambabasa. Maaaring ito ay nagpapatawa,
nanunudyo o isang masagisag na palaisipan.
Halimbawa ng Mapang-aliw
NAPAGAWI AKO SA MABABANG PAARALAN
ni Lamberto E. Antonio
Napagawi ako sa mababang paaralan
Na dating karnabal ng kambing, baboy at kalabaw,
At dating kubeta ng ilang kababaryo
Pag bakasyon grande o Sabado’t Linggo.
Di na ito ang ilang tiwangwang na kuwartong may tapal
Na sawali’t atip na kugong butas-butas, na ang klaseng
Nagdidiskas ng Pepe en Pilar at gudmaners
Ay tanaw na tanaw ng mga sabungerong naglalakad.
Ngayon, may arko nang bakal at alambre ang geyt;
May bakod na pader, magarang plagpol, entablado’t
Basketbolkort na kainauukitan ng nagdudumilat na
“Donated by Gov. Mokong delos Oros” at ng
“Alay nina Don at Doña Pilipito Palapatok.”
Sa sementadong saydwok, sa pasimano’t haligi ng munting pasilyo
At ibabang panig ng kongkretong dingding, kundi nakapila
Ay nagsisiksikan ang mga pangalang karamiha’y
Patrong taga-ibang bayan: ilan dito’y mga nakaklaseng
Kabisote, mapangopya, tugain, nakalasprend o naiihi
Sa salawal sa pagkuha ng test –
Kundi may DR. o ENGR., may ATTY
Bawat pinto, may karatula ng ngalan ng guro –
Narito pa rin si Mrs. Monay na mahilig manghinuli,
Si Mr. Pangan na laging ngumangata ng babolgam.
Sa likod ng gusali, ang marikotitos na letering
Ng pagdiskarte sa babae’y nabasa ko sa haligi ng wari’y
Narseri; sa mga puno ng papayang bunga’y tambulukan;
Sa tambak na retasong mga tabling may bakas ng anay.
Komo nabakante ako sa pandadayuhan bilang karpintero,
Naawitan akong gumawi sa mababang paaralang
Nagpautang sa akin noon ng musmos na karanasan;
Kasama ang aking martilyo, lagari’t radela’y nagpaunlak ako:
Wika nga’y ito lang ang kaya kong paraan ng paglingon
Sa pinanggalingan (na di ko napuspos nang mahinto ako’t
Maulila sa mga magulang). Gumawi ako
Rito para atipan at palitadahan ang mga komportrum,
Dahil nakabingit na naman ang pasukan –at para maiyukit ko,
Kahit papa’no, ang aking pangalan.
D. Mapang-uroy – nangungutya ito o namumuna ng mga kamalian o kasamaan ng isang bagay, ng kahangalan ng isang tao at mga pagkalulong sa isang hindi magandang bagay.
Halimbawa ng Mapang-uroy
TAO
ni V. G. Suarez
— Bakit ba ang tao’y nagkakandarapang
humabol sa takbo ng kanyang orasan?
Maitatayo ba sa iisang iglap
ang sariling Roma? Ang nag-uunahang
mga matang haling sa ambrosya’t katas
ng Eden, ay Adang sa sala’y pasasa.
Ano’t nagpipilit: puso’y nag-aalpas
gayong sa simula ng kanyang pagpitlag
ay nakagapos na at nakukuralan
ng batas ng Diyos, ng sangkalikasa’t
ng lipunan niyang di kayang malabag?
Ano bang paglaya, at nagkukumagkag
sumunod sa bills ng mga sandali?
Saan ba hahantong ang hakbang at tik-tik
kundi sa landasing mabako, maikli?
Sukát na ang dulo’t ang pinaka-abang
ay ang kamatayang tuwa’t nanginginig
magsawa sa apdo ng malansang tanan !
— Oo nga, bakit ba nais makadaong
sa kabilang buhay, gayong di pa tukoy
ng sagwan ng tao kung saan naroon?
(Ang mga halimbawang tula ay hinango sa https://www.tagaloglang.com)