Sunday, October 3, 2021

Mga Uri ng Tula Ayon sa Kayarian

 Mga Uri ng Tula Ayon sa Kayarian

Sinasabi ng mga aklat sa Filipino na may apat na uri ng tula ayon sa kayarian. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Matanda o makalumang tula – Binubuo ang tulang ito ng mga taludtod na may sukat, tugma, at malalaliim na kahulugan. Ito ang pamamaraang ginamit ng mga kilalang makatang Tagalog. Ito ay tinatawag din ng ilang manunulat bilang Tradisyonal na Tula.

2. Malayang taludturan o free verse – Nabibilang dito ang mga tulang walang sukat at walang tugma. Isa itong paghihimagsik sa “makipot” na bakod ng matandang panulaan. Ito ay isang tula na isinulat nang walang sinusunod na patakaran kung hindi ang ano mang naisin ng sumusulat.Ito ay ang anyo ng tula na ipinakilala ni Alejandro G. Abadilla. Ayon sa kanya, maaaring makalikha ng tula na walang sukat at walang tugma. Ngunit dapat manatili ang karikatan, ito ay ang paggamit ng matatalinhagang pahayag na ipinakilala niya Sa kanyang tulang “ Ako ang Daigdig”.

Halimbawa ng Tula na Malayang Taludturan:

Alejandro G. Abadilla

Ako Ang Daigdig
ni Alejandro G. Abadilla

I

ako
ang daigdig

ako
ang tula

ako
ang daigdig
ang tula

ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig

ako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig


II

ako
ang daigdig ng tula

ako
ang tula ng daigdig

ako
ang malayang ako
matapat sa sarili
sa aking daigdig
ng tula

ako
ang tula
sa daigdig

ako
ang daigdig
ng tula

ako


III

ako
ang damdaming
malaya

ako
ang larawang
buhay

ako
ang buhay
na walang hanggan

ako
ang damdamin
ang larawan
ang buhay

damdamin
larawan
buhay
tula
ako


IV

ako
ang daigdig
sa tula

ako
ang daigdig
ng tula

ako
ang daigdig

ako
ang tula

daigdig
tula

ako


LUPA
ni Manuel Principe Bautista


lupa, narito ang lupa!
ikaw ay dumakot sa nakalahad mong palad
na makapal ay iyong timbangin at madarama
mo ang buong sinukob. diyan nakatanim ang
ugat ng buhay; umusbong sa patak ng masinsing
ulan. batis ay dumaloy na tulad ng ahas
na pakiwang-kiwang sa paa ng bundok. ang
halik ng araw sa dapit-umaga: naiiwang
sanlang hiyas na makinang na nakasisilaw
sa maraming mata ang magandang tampok.
nag-iwan ng sugat ang maraming daan.
dunong ay nanaig, nabuksan ang dibdib,
gaputok mang daing ay di mo naringgan.
ang pasalubong pa’y malugod na bating —
“tuloy, kabihasnan!”

lupa, narito ang lupa!
ang buhay mong hiram ay diyan nagmulang
bigay-bawi lamang. sa mayamang dibdib:
diyan napahasik ang punla ng buhay na
kusang susupling sa pitak ng iyong hirap
at paggawa. katawang-lupa ka. narito
ang lupang karugtong ng iyong buhay at
pag-asa. dibdib. puso. bait. ang katauhan
mo’y lupa ang nagbigay. ang kasiyahan mo,
tamis ng pag-ibig at kadakilaan.
sapagka’t lupa ka, katawang-lupa ka —
ganito ring lupa. diyan ang wakas
mong galing —
sa simula!

3. Tula sa tuluyan – Ang tula ay tunay na tuluyan o prosa ngunit ang diwang nakapaloob ay masagisag. Maiikli at matayutay ang ginagamit na pananalita gaya rin ng isang tunay na tula. Maaari rin itong tawaging Tula na Walang Sukat na May Tugma.

4. Di-tugmaang tula – Nagtataglay ang tulang ito ng sukat subalit walang tugma. Hindi ito gaanong gamitin sa ating panulaan. Tinatawag din itong Tulang May Sukat na Walang Tugma.

Hindi lang sa apat na uri ayon sa kayarian ang tula. May tatlong natitira at kakaibang anyo pa ang tula na kinakailangan ninyong malaman. Ito ay ang DIONA, TANAGA at DALIT.

Sa makatuwid pito lahat ang anyo ng tula.Ang tatlong natitira ay espesyal dahil sa kung anong kadahilan na inyong malalaman sa ilang saglit lamang.Ang tatlong ito ay nabibilang sa katutubong uri ng mga tula.Isang katibayan na di pa sinisilang si Francisco Balagtas o kung sino mang sikat at bihasa sa larangan ng ganitong panitikan ay mayaman na tayong mga Pilipino sa pagkamalikhain lalo na sa pagbuo ng mga tula.

Mga Katutubong Anyo ng Tula

4. DIONA - Ang diona ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, tatlong taludtod kada saknong at may isahang tugmaan. 

Mga Halimbawa ng Diona:

Ang payong ko’y si inay
Kapote ko si itay
Sa maulan kong buhay

(ni Raymond Pambit)

Lolo, huwag malulungkot
Ngayong uugod-ugod 
Ako po’y inyong tungkod

(ni Gregorio Rodillo)

Aanhin yamang Saudi
O yen na Japayuki
Kung wala ka sa tabi

(ni Fernando Gonzales)

5. TANAGA - Ang tanaga ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng pitong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong na may isahang tugmaan.

Narito ang mga halimbawa ng tanaga:

Ang katoto kapag tunay
hindi ngiti ang pang-alay
kundi isang katapatan
ng mataus na pagdamay.

(KAIBIGAN)
ni Emelita Perez Baes

Palay siyang matino,
Nang humangi’y yumuko;
Nguni’t muling tumayo
Nagkabunga ng ginto

(PALAY)
ni Ildefonso Santos

Wala iyan sa pabalat
at sa puso nakatatak,
nadarama’t nalalasap
ang pag-ibig na matapat.

(PAG-IBIG)
ni Emelita Perez Baes

Kabibi, ano ka ba?
May perlas, maganda ka;
Kung idiit sa taynga,
Nagbubunitunghininga!

(KABIBI)
ni Ildefonso Santos
Alipatong lumapag
Sa lupa — nagkabitak,
Sa kahoy nalugayak,
Sa puso — naglagablab!

(TAG-INIT)
ni Ildefonso Santos

Pag ang sanggol ay ngumiti
nawawala ang pighati,
pag kalong mo’y sumisidhi
ang pangarap na punyagi.

(SANGGOL)
ni Emelita Perez Baes

6. DALIT - Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng walong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan.

Mga Halimbawa ng Dalit:

Isda akong gagasapsap,
Gagataliptip kalapad,
Kaya nakikipagpusag,
Ang kalaguyo'y apahap.

Ang sugat ay kung tinanggap,
Di daramdamin ang antak,
Ang aayaw, at di mayag
Galos lamang magnanaknak.

Galíng nang magandang ginto,
Walang tumbagang kahalo,
Makaitlo mang ibubo
Di gumitang nang pagpalò.

Aba aya Kasampaga
Ng ponay na naulila
Kung umambo’y pagsiyap na,
Walang magkupkop na Ina.

Ang palar na nasakuna,
Ipinagtatanong ko nga,
Kung sino’ng kahalimbawa,
Nása kati nagiginâ.

Huwag kang maglingong likod:
Dito sa bayang marupok
Parang palaso, at tunod
Sa lupa rin mahuhulog.

Lunday kong aanod-anod
Pinihaw ng balaklaot,
Kayâ lámang napanolot,
Nang humihip yaring timog.