Kung pakikinggan. tila pareho lamang ang nais ipahiwatig ng salitang "habang" at "samantalang." Ang mga ito ay nagpapahayag ng oras o panahon. Gayunman, ang dalawang salita ay may wastong gamit sa Balarilang Pilipino. Ang habang ay katumas ng "while" sa Ingles.
A. HABANG
Ang habang ay isang kalagayang nagpapahiwatig ng walang tiyak na katapusan o hangganan o masyado itong "mahaba".
Mga Halimbawa:
1. Hindi nawawalan ng pag-asa si Nanay Damiana habang nabubuhay.
2. Patuloy lang sa simpleng mamumuhay si Urbana habang hinihintay ang kanyang prince charming.
3. Habang patuloy ka sa pagkukunsinte, hindi matututo ang iyong anak.
4. Pansamantalang mamaluktot habang maiksi pa ang kumot.
5. Mag-ipon habang bata pa.
B. SAMANTALANG
Ang samantalang ay isang kalagayan na nagpapahiwatig ng maikling panahon, may taning o "pansamantala" lamang. Ang kasingkahulugan nito sa wikang Ingles ay "meanwhile".
Mga Halimbawa:
1. Samantalang hindi pa dumarating ang Tatay galing sa bukid, magluluto muna ako ng hapunan.
2. Namasukan munang tindera si Aleli samantalang hinihintay ang resulta ng kanyang board exam.
3. Sumilong muna tayo samantalang malakas pa rin ang buhos ng ulan.
4. Nagprito ng itlog si John Paul samantalang hinihintay na mainin ang sinaing.
5. Nagsusulat sa pisara ang guro, samantalang nagbabasa ng aklat ang mga mag-aaral.
Gamit din ang samantalang upang ipakilala ang pagtatambis ng dalawang kalagayan. Ang pagtatambis (antithesis) ay pambanggit ng mga bagay na makakasalungat upang mapabisa ang pangingibabaw ng isang natatanging kaisipan.
Mga Halimbawa:
1. Bakit ko sasagutin si Mario samantalang si Ligaya pa rin ang laman ng kanyang isip?
2. Mahirap tayong magkaisa samantalang kanya-kanyang ideya pa rin ang nais nating sundin.
3. Ipinapayo ni Monica na magbati kami ni Rosa samantalang siya man ay galit sa dalaga.