Payak, Tambalan, at Hugnayang Pangungusap at Mga Halimbawa Nito
Tulad ng simuno at panaguri, may tatlong uri ng pangungusap. Ito ay maaaring payak, tambalan, o hugnayan.
I. Payak na Pangungusap (Simple Sentence)
Ang payak na pangungusap ay binubuo lamang na isang sugnay na makapag-iisa. Ang sugnay na makapag-iisa (independent clause) ay grupo ng mga salitang nagtutulung-tulong at naglalaman ng simuno (subject) at panaguri (predicate). Maaari itong makatayong mag-isa o kaya’y maintindihan nang walang kakailanganing tulong.
Halimbawa:
A. Malaki ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.
Sugnay na makapag-iisa: Malaki ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa. (Sinasabi ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya)
Simuno: COVID-19
Panaguri: Malaki ang pinsala sa ekonomiya ng bansa
B. Dadalo ka ba ng reunion?
Sugnay na nakapag-iisa: Dadalo ka ba sa
reunion? (Tinatanong kung dadalo o hindi sa reunion)
Simuno: ka
Panaguri: Dadalo ba sa reunion
II. Tambalang Pangungusap (Compound Sentence)
Ang tambalang pangungusap ay may dalawa o higit pang sugnay na makapag-iisa. Pinagdurugtong ang mga ito ng mga pangatnig (conjunction) tulad ng: at , ngunit , datapwat, pero, subalit, kaya, o, ni. Mauunawaan natin ang mga sugnay kahit sila ay paghiwalayin pa dahil buo na ang kanilang diwa o isa ng ganap na pangungusap.
Halimbawa:
A. Nagtungo sa kusina si Marta at siya ay naghugas ng mga pinagkainan.
Mga Sugnay na Makapag-iisa:
1.
Nagtungo s a kusina si Marta
2. siya ay naghugas ng mga pinagkainan
Pangatnig na Ginamit: at
B. Gustong pumasok sa trabaho ni Emily, subali’t siya ay nilalagnat.
Mga Sugnay na Makapag-iisa:
1. Gustong
pumasok sa trabaho ni Emily
2. siya ay nilalagnat
Pangatnig na Ginamit: subali’t
III. Hugnayang Pangungusap (Complex Sentence)
Ang hugnayang pangungusap ay may isang sugnay na makapag-iisa at isa o higit pang sugnay na di makapag-iisa. Ang sugnay na di makapag-iisa ay hindi maaaring tumayo nang mag-isa dahil hindi ito mauunawan o walang buong diwa. Kailangang may kakabit itong sugnay na makapag-iisa upang maintindihan. Ito ay kadalasang nagsisimula sa pangatnig na habang, upang, bago, kaysa, dahil, pagkatapos, kahit na, paano, kung, kaysa, na, hanggang, nang, kung saan, kapag.
Halimbawa:
A. Upang magtiwala ang mga mamamayan sa bisa ng bakuna laban sa COVID-19, kailangang manguna sa pagbabakuna ang mga lider ng bansa
Sugnay na Makapag-iisa: kailangang manguna sa pagbabakuna ang mga lider ng bansa. (Mauunawaan kahit mag-isa dahil buo na ang diwa nito o ganap nang isang pangungusap.)
Sugnay na Di Makapag-iisa: Upang magtiwala ang mga mamamayan sa bisa ng bakuna laban sa COVID-19 (Hindi lubos na mauunawaan kung tatayong mag-isa.
B. Pagkatapos ng junior high school, nag-aral sa TESDA si Nilo kaysa pumasok sa kolehiyo.
Sugnay na Makapag-iisa: nag-aral sa TESDA si Nilo
Sugnay na Di Makapag-iisa: (1) Pagkatapos ng junior high school; (2) kaysa pumasok sa kolehiyo.
Paano matutukoy kung ang isang pangungusap ay tambalan o hugnayan?
Tandaan lamang na ang tambalang pangungusap ay may 2 buong diwa o dalawang pangungusap na kinabitan lamang ng isang pangatnig. Nauunawaan ang 2 sugnay kahit wala ang pangatnig. Ibig sabihin, ang bawa’t sugnay ay buo ang diwa at nauunawaan nang lubusan. Sa hugnayang pangungusap, hindi kumpleto ang diwa o hindi lubos na mauunawan ang sugnay na nagsisimula sa pangatnig o iyong sugnay na di makapag-iisa.