Ang tuldok o period sa Ingles ay bantas na una nating natutunang gamitin noong tayo ay nag-aaral pa. Kumpara sa gilting (hypen), tutuldok (colon), at tuldok-kuwit (semi-colon), simple ang panuntunan sa paggamit ng tuldok.
A. Ang tuldok ay ginagamit sa hulihan ng isang pangungusap na pasalaysay (narrative sentence) o pangngusap na paturol (declarative sentence).
Halimbawa:
a. Si Nena ay nagtungo sa palengke upang bumili ng ihahanda sa kaarawan ng Nanay.
b. Ito ang bahay na ipinagawa ni Mang Ponso.
c. Huwag mo akong sasalingin dahil ayo ay pag-aari na ng iba.
B. Ang tuldok ay ginagamit sa hulihan ng mga salitang dinaglat.
Halimbawa:
a. Ginoo = G.
b. Kagalang-galang = Kgg.
c. Binibini = Bb.
Tandaan: Ang mga dinaglat na salita na naksulat sa malalaking titik ay hindi nilalagyan ng tuldok.
Halimbawa:
a. ATM
B. KKK
c. EDSA
C. Kapag ang isang kumpleto at nag-iisang pangungusap ay ganap na nakapaloob ng panaklong, ang tuldok ay pumapasok sa loob ng pagsasara ng panaklong (closing parenthesis).
Halimbawa:
a. Ilang beses ko na siyang tinawag. (Nanatili siyang walang imik.) Hindi ba niya ako naririnig o siya ay nagbibingi-bingihan lang?
b. Kinain ni Spot ang nahulog na sitsirya. (Hindi ako naging maagap upang siya ay sawayin.) Mabuti nga at hindi na ako magwawalis ng sahig.
D. Ngunit, kung ang panaklong ay nakapaloob ng isa pang pangungusap, ang tuldok ay dapat isulat sa labas.
Halimbawa:
a. Tahol nang tahol si Tagpi habang nagluluto ako ng ham (ang kanyang paborito).
b. Siya ang pinakamagandang kandidata (kuno) sa pagka-Binibining Palengke.
E. Kung ang huling salita sa pangungusap ay isang daglat na nagtatapos sa tuldok, huwag nang sundan ito ng isa pang tuldok.
Halimbawa:
a. Ito ang nabasa niyang nakasulat sa tarhetang ibinigay sa kanya ni Paulo - Paulo Santos, M.D.
b. Ang balikbayan box na kanyang natanggap ay naglalaman ng tsokolate, mga damit, de-lata, atbp.
F. Kung ang isang pangungusap na pasalaysay o paturol ay nakapaloob sa mga panipi (quotation marks), ang tuldok ay isinusulat bago ang huling panipi.
Halimbawa:
a. Sabi ni Mario, "Mayroon akong napanaginipan kagabi."
b. "Hindi ko nakita ang asuwang na sinasabi nila," panimula ni Rosa, "pero sana ay nakita ko nga para ako ay tuluyang maniwala."