Tuesday, March 1, 2011

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANGHALIP (PRONOUN)

A. Ano ang panghalip?
Ang panghalip (o pronoun) ay bahagi ng pananalita na inihahali o ipinapalit sa pangngalan (noun) upang mabawasan ang paulit-ulit na pagbanggit sa pangngalan na hindi magandang pakinggan.

Halimbawa:
1. Si Maria (pangngalan)  ay pumunta sa palengke. Si Maria (pangngalan) ay bumili ng bangus. Bumili rin si Maria ng mga gulay.
Si Maria ay pumunta sa palengke. (Maaaring hindi na muna ihalili ang panghalip sa pangngalan sa unang pangungusap dahil hindi mauunawaan ang susunod na mga pangungusap.) Siya ay bumili ng bangus. Bumili rin siya ng mga gulay.
2. Ibigay mo ang mga aklat kay Rosa..
    Ibigay mo ang mga ito sa kanya.
3.Kay Mila ang mga rosas na nasa mesa.
   Sa kanya ang mga iyan.
4. Sina Jose at Pedro ay naliligo sa ilog.
    Sila ay naliligo sa ilog.
5. Ang pag-heheersisyo ay mabuti sa katawan ni Juan.
    Ito ay mabuti sa katawan niya.

B. Mga Uri ng Panghalip
Ang panghalip ay may limang uri. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Panghalip na Panao  (Personal Pronoun)– ay ipinapalit sa ngalan ng taong nagsasalita, sa taong kausap at sa taong pinag-uusapan. May kailanan ang panghalip na panao. Ito ay maaaring isahan, dalawahan at maramihan.

Taong Nagsasalita
Isahan: Ako, akin, ko 

   a. Ako ay pupunta sa Maynila.
   b. Akin ang laruang hawak mo.
   c. Ibigay ko ito sa aking ina.


Dalawahan: kita, kata
    a. Kita nang maligo sa ulan. (Maligo tayong dalawa sa ulan.)
Kata ay umawit.

    b. Kata nang manood ng sine.  (Manood tayong dalawa ng sine.)


Maramihan: Tayo, kami, natin, naming, atin, amin
    a. Tayo nang pumunta sa Antipolo.
    b. Kami ay kakain sa JoliMc.
    c. Bisitahin natin si Lola.
    d. Atin ang pulang kotse.
    e. Amin ang bahay na kulay bughaw.

Taong Kausap
Isahan: Ikaw, ka

    a. Ikaw ang iniibig ko.
    b. Pumunta ka sa opisina ng punong-guro.

Dalawahan: kita, kata

    a. Magkikita kita sa tapat ng monumento ni Gat. Jose Rizal.
    b. Maghuhulog kata ng pera sa bangko.

Maramihan: Kayo, inyo, ninyo
    a. Kayo ang kanyang mga magulang.

    b. Sa inyo ang asong nasagasaan.
    c. Nasusunog ang bahay ninyo!

Taong Pinag-uusapan
Isahan: Siya, niya, kanya

    a. Siya ang sumuntok sa akin.
    b. Binigyan niya ako ng kendi.
    c. Ibibigay ko ang damit na ito sa kanya.

Dalawahan: kita, kata

     a. Ayaw nila kata sa atin. (Ayaw nila sa ating dalawa.)
     b. Kita ay pinayagan nilang magpakasal sa huwes.


Maramihan: Sila, kanila, nila
   a. Nagbigay sila ng donasyon sa simbahan.
   b. Kanila ang ospital na iyon.
   c. Bibigyan nila tayo ng mga pasalubong.



2. Panghalip na Pamatlig  (Demonstrative Pronoun)– ay inihalili sa pangngalang nagtuturo ng lugar na kinalalagyan ng pangngalan. Iinihalili rin ito sa pangngalan na malapit o malayo sa nagsasalita, kinakausap o nag-uusap.

Malapit sa Nagsasalita
-ito/ ire   ( Ito ay masarap na prutas. Ire ay ibinigay sa akin ng aking butihing ina.)
-heto ( Heto na ang pasalubong ko sa inyo.)
-dito  ( Dito ka maghiwa ng mga gulay.)

Malapit sa Kausap
-iyan   ( Iyan ang libro ko.)
-hayan/ ayan  (Hayan/Ayan na sa likod mo ang asong ulol!)
-diyan (Diyan mo ilapag ang mga bayong.)

Malayo sa Nag-uusap
-iyon  (Iyon ang bahay nila Paulo.)
-hayun/ ayun  (Hayun/Ayun ang magnanakaw!)
-doon (Doon tayo kumain.)

3. Panghalip na Panaklaw (Indefinite Pronoun)- ay mga panghalip na sumasaklaw sa kaisahan at dami o kalahatan ng kinatawang pangngalan.

Nagsasaad ng Kaisahan
a. Isa  (Isa tayo sa pinagpala ng Diyos.)
b. Isapa  (Isapa ang pagpuputol ng kahoy sa gubat.)
c. Iba   (Iba ang bahay sa tahanan.)
d. bawat isa (Bawa't isa ay mayroon tungkulin sa bayan.)

Nagsasaad ng dami o kalahatan
a. Lahat (Lipunin ang lahat ng peste!)
b. Tanan  (Magandang halimbawa ang ipinakita niya sa tanan.)
c. Pulos (Pulos kalokohan ang pinagsasabi niya.)
d. Balana  ( Iniisip nila na walang ginawa si Pangulong Marcos para sa kabutihan ng balana.)
e. Pawang  (Ang iginanti niya ay pawang kabutihan.)
f. Madla  (Mananagot siya sa madla dahil sa kanyang kabuktutan.)

4. Panghalip na Patulad  – ay inihalili sa itinutulad na bagay.

Ganito/Ganire - Malapit sa nagsasalita
    Ganito/Ganire ang paggawa niyan.
    Ganito/Ganire kung umarte si Nora Aunor.
Ganito ang tamang pagngiti.

Ganyan - Malapit sa kausap

    Ganyan nga kung umiyak si Momay.

Ganoon -  Malayo sa nag-uusap
     Ganoon ang tamang pagtatapas ng niyog

5. Panghalip na Pananong  -  inihahalili sa pangngalan kung nagtatanong.

  a. pangtao (sino, kanino)
        Sino ang umutot?
        Sino ang kumuha ng bolpen ko?
        Kanino ang kalamay na ito?
        Kanino kaya ang mapupunta ang gantimpala?

  b.bagay, hayop, lugar (ano, alin)

        Ano ang laman ng kahon?
        Alin dito ang sa iyo?
        
  c. bagay, hayop, lugar, tao (ilan)
        Ilan sa inyo ang sasali sa paligsahan?
        Ilang halaman ang ating dadalhin?




C. Kaukulan ng Panghalip 

1. Kaukulang palagyo-  kung ang panghalip ay ginagamit bilang simuno(subject) ng pangungusap. 

Halimbawa:
1. Siya ay tutungo sa kapitolyo upang ilatag sa gobernador ang ating mga kahilingan. 
2. Tayo ay magtitipid upang mabili natin ang gusto nating mga laruan.
3. Sila ay mga kinatawang nangungurakot sa kaban ng bayan.

2. Kaukulang Paari  - Ito ay nagsasaad ng pang-aangkin nag isang bagay sa loob ng pangungusap. 

Halimbawa:
1. Ang bahay nila ay malapit sa paaralang iyong papasukan.

2. Ang aking lolo ay isang sastre.

3. Kaukulang Palayon  -  ginagamit na layon ng pang-ukol (preposition) o pandiwa (verb). 
Halimbawa:

1. Ang batas na ito ay makasasama para sa madla. 
2. Ang kamalig ay sinunog nila. 

 Ang kamalig ay sinunog nila.