Saturday, October 23, 2010

KAGANAPAN NG PANDIWA

KAGANAPAN NG PANDIWA - bahagi ng panaguri (predicate) na nagpapahayag ng ganap na kahulugan sa pandiwa. Kung ang pokus ng pandiwa ay ang relasyon nito sa paksa, ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon naman ng panaguri sa pandiwa.

A. Kaganapang Tagaganap- bahagi ng panaguri na gumaganap sa kilos na isinasaad ng pandiwa.
Makikilala ito gamit ang mga pananda na ni at ng.
Halimbawa:
1. Ikinalungkot ng mga Filipino ang pagkatalo ni Manny Pacquaio sa katunggaling si Antonio Margarito. (Ikinalungkot nino?)
2. Kinakain ni Liza ang tsamporadong gawa ni Nanay Huling. (Kinakain nino?)

B. Kaganapang Layon - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng bagay na tinutukoy o ipinahahayag ng pandiwa. Ginagamit din dito ang panandang ng.
Halimbawa:
1. Si Pedro ay bibili ng bagong laptop sa SM Megamall. (Bibili ng ano?)
2. Nagpamudmod sila ng salapi. (Nagpamudmod sila ng ano?)

C. Kaganapang Tagatanggap - bahagi ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang makikinabang sa kilos na isinasaad ng pandiwa. Ang mga panandang para sa at para kay ay kalimitang ginagamit dito.
Halimbawa:
1. Nagbigay ng donasyon ang Pamilya Santos para sa mga sinalanta ng bagyong Juan. (Para kanino ang donasyong ibinigay?)
2. Nagbuwis siya ng buhay para kay Lolo Jose.

D. Kaganapang Ganapan - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na pinaggaganapan ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Nanood ng palatuntunan sa silid-aklatan ang mga mag-aaral. ( Saan nanood ang mga mag-aaral?)
2. Pupunta kami sa Manila Zoo.

E. Kaganapang Kagamitan - bahagi ng panaguri na nagsasaad kung anong bagay o kagamitan ang ginagamit upang maisagawa ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Iginuhit niya ang larawan ni Mona Lisa sa pamamagitan ng krayola.
2. Pinatay niya ang ahas gamit ang karit.

F. Kaganapang Direksyunal - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng direksyong isinasaad ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Namasyal sila sa Luneta buong maghapon.
2. Nagsunog siya ng kilay sa silid-akalatan.

G. Kaganapang Sanhi - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Nagwagi siya sa eleksyon dahil sa kabutihan ng kanyang puso.
2. Nagtagumpay siya sa buhay dahil sa kanyang kasipagan.