Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga tuntunin ukol sa pagsulat ng ulo ng balita o headline:
1. Gumamit ng kuwit sa halip na pangatnig (conjunction) at pantukoy (article/determiner).
Halimbawa:
MALI: Santos at Dela Cruz ang tinanghal na kampeon
TAMA: Santos, Dela Cruz, tinanghal na kampeon
2. Ang salita sa dulo ng linya ay hindi dapat putulin.
Halimbawa:
MALI: Medical mission, gagana-
pin sa DMIMES
TAMA: Medical mission, gaganapin
sa DMIMES
3. Ang pang-abay na pananggi (negation adverb ) ay hindi dapat gamitin.
Halimbawa:
MALI: Seminar sa Pananalapi, hindi natuloy
TAMA: Seminar sa Pananalapi, ipinagpaliban
4. Daglatin lamang ang mga salitang kilala at nakaugaliang daglatin.
Halimbawa:
MALI: University of the Philippines Maroons, kampeon sa University Athletic Association of the Philippines
TAMA: UP Maroons, kampeon sa UAAP
5. Huwag gumamit ng paulit-ulit na salita.
Halimbawa:
MALI: Impeachment ni VP Duterte, tatalakayin sa Kongreso
at tatalakayin din sa Senado
TAMA: Impeachment ni VP Duterte, tatalakayin sa Kongreso, Senado
6. Maaaring gumamit ng pang-uring pamilang kung mahalaga.
Halimbawa:
MALI: Maraming mag-aaral, naaksidente sa sasakyan
TAMA: 25 mag-aaral, naaksidente sa sasakyan
7. Gumamit lamang ng pangalan kung kilala o tanyag.
Halimbawa:
MALI: Dela Cruz, nabaril
TAMA: Isang mambabatas, nabaril
8. Gumamit ng pandiwang lantad.
Halimbawa:
MALI: BBM, maaaring dumalo sa APEC
TAMA: BBM, dadalo sa APEC
9. Iwasang maglagay ng pantukoy, pang-angkop at pang-ukol sa dulo ng linya.
Halimbawa:
MALI: Barangay Payapa, nagwagi sa
taunang timpalak ng
street dancing
TAMA: Baranagay Payapa, nagwagi
sa taunang timpalak
ng street dancing
10. Iwasang gumamit ng salita na may dalawang kahulugan.
Halimbawa:
MALI: Dahil sa bato, magkapatid, nag-amok
TAMA: Dahil sa droga, magkapatid, nag-amok