Tuesday, September 28, 2021

Mga Uri ng Tula ayon sa Kaanyuan

 Ang mga sumusunod ay mga uri ng tula ayon sa kaanyuan:

Francisco Balagtas/Francisco Baltasar

A.        Tulang pasalaysay o buhay – Ito ay naglalahad ng isang kasaysayan o mga tagpo o pangyayari. Magkakaugnay ang mga pangyayaring mababasa sa mga taludtod nito.

        Nahahati ang mga tulang pasalaysay sa mga sumusunod:

        1. Epiko – Ito ay tulang salaysay tungkol sa kagitingan ng isang tao, mga tagumpay niya sa digmaan o pakikipagtunggali sa mga kaaway. Maraming tagpo ritong hindi kapani-paniwala sapagkat may taglay na kababalaghan o salamangka at milagrong napapaloob. Mauuri ang epiko bilang sinauna o pambayani, makabago o pampanitikan at pakutya.

        Nasa ibaba ang listahan ng halimbawa ng epiko sa Pilipinas:

        a. Biag ni Lam-ang (Epikong Ilokano)
        b. Hudhud (Epiko ng Ifugao)
        c. Ibalon (Epiko ng Bicol)
        d. Kudaman (Epiko ng Palawan)
        e. Manimimbin (Epiko ng Palawan)
        f. Ullalim (Epiko ng Kalinga)
        g. Hinilawod (Epiko ng Panay)
        h. Humadapnon (Epiko ng Panay)
        i. Labaw Donggon (Epiko ng Bisayas)
        j. Maragtas (Epiko ng Bisayas)
        k. Bantugan (Epiko ng Mindanao)
        l. Darangan (Epiko ng Maranao)
        m. Indarapatra at Sulayman (Epiko ng Maguindanao)
        n. Agyu (Epiko ng Mindanao)
        o. Bidasari (Epiko ng Mindanao)
        p. Olaging (Epiko ng Bukidnon)
        q. Sandayo (Epiko ng Zamboanga)
        r. Tudbulul (Epiko ng Mindanao)
        s. Tuwaang (Epiko ng Mindanao)
        t. Ulahingan (Epiko ng Mindanao)
        u. Ulod (Epiko ng Mindanao)

    Kung nais basahin ang mga epiko sa itaas, bisitahin ang webpurok na ito: 

        2. Awit (song) at korido – Ito ay mga tulang pamana sa atin ng mga Kastila. Ang mga paksa nito ay hinango sa pangyayari na tungkol sa pagkamaginoo (chivalry) o pakikipagsapalaran. Ang mga tauhan ay mga dugong bughaw gaya ng hari’t reyna, prinsipe’t prinsesa.

        Awit = May labing dalawa (12)na pantig sa bawat taludtod. Tulang pasalaysay na kung saan makatotohanan ang mga tauhan at maaring maganap sa tunay na buhay ang kanilang pakikipagsapalaran. Inaawit ang himig na mabagal o adante.

        Korido = May walong (8) pantig sa bawat taludtod. Tulang pasalaysay na may kasamang kababalaghan; ang mga tauhan ay nagsasagawa ng mga bagay na di maaring magawa sa tunay na buhay.

        Pagkakaiba Ng Awit Sa Korido:

Ang kaibahan ng awit at korido ay maaaring nasa sukat at anyo:

        1. Mabilis ang bigkas ng korido, may kabagalan naman ang awit.

        2. Ang korido ay may walong pantig at binibigkas sa kumpas ng martsa “allegro”, samantala ang awit ay may labindalawang pantig at inaawit na mabagal sa saliw ng gitara o bandurya “allegro”.

        3. Ang ikinaganda ng awit ay sa mga aral na ipinahihiwatig samantala sa korido ang ikinawiwili ng mga mambabasa ay ang kuwento o kasaysayang napapaloob dito.

        Mga Halimbawa ng Korido

        Ibong Adarna, Don Juan Tiñoso, Don Juan Teñoso, Mariang Kalabasa, Ang Haring Patay, Mariang Alimango, Bernardo Carpio ni Jose de la Cruz, Rodrigo de Villas ni Jose de la Cruz, Prinsipe Florennio ni Ananias Zorilla, Buhay na Pinagdaanan ni Donya Maria sa Ahas


        Mga Halimbawa ng Awit

        Florante at Laura ni Francisco Balagtas, Buhay ni Segismundo ni Eulogio Juan de Tandiona, Doce Pares na Kaharian ng Francia ni Jose de la Cruz, Salita at Buhay ni Mariang Alimango, Prinsipe Igmidio at Prinsesa Clariana

        3. Balad o Balada– Ito ay tulang pasalaysay na karaniwang inaawit habang may nagsasayaw. Mayroon itong anim hanggang walong pantig.  Naglalaman ito ng madamdaming pagsalaysay. Katang-tanging katangian ng mga sikat na tula at awit noon sa Pulong Briton ang balada simula noong huling bahaging Gitnang Panahon hanggang ika-19 na daantaon at labis na ginagamit sa buong Europa at lumaon ay ginamit din ng mga bansa sa Amerika, Australia at Hilagang Aprika.

        Ang isang halimbawa nito ay balitaw. Ang balitaw ay debateng awit at sayaw tungkol sa pagmamahalan ng isang lalaki at babae. Ito ay isang pamimitagang sayaw na laganap sa maraming lugar sa Pilipinas, lalong-lalo na sa Tagalog at Visayas. Ang Balitaw ay galing sa salitang “balita” at “raw”. Balita na nangangahulagang “news” sa Ingles at raw o “it is said”, kaya ito’y “bulung-bulungan ng mga tao”.

        Sa mga Visayan, ang mga mananayaw ay kumakanta, samantalang sa Tagaog ay hindi. Ang mga mananayaw ay hindi nagsasalita o walang boses na maririnig at sila’y gumagamit ng bulaklak na nagpapakita ng kanilang emosyon at damdamin. Ang babae ay nagbibigay ng bulaklak sa lalaki na nangangahulugan ng pagtanggap bilang kanyang mangingibig.

        Ang katutubong sayaw na ito ay napaka popular sa mga kabataan ng Rehiyong Tagalog.

B. Tulang pandamdamin o liriko – Nagpapahayag ang mga tulang ito ng damdaming pansarili ng kumatha o ng kaya ay ng ibang tao. Maaari rin iton likha ng mapangarapin imahinasyon ng makata batay sa isang karanasan. Karaniwan itong maikli at madaling maunawaan.

        Ang mga sumusunod ay ilan sa mga uri ng tulang pandamdamin/liriko.

        1. Awit o Awiting Bayan – Ito ay madamdamin at ang karaniwang paksa nito ay tungkol sa pag-ibig, kawalang-pag-asa o pamimighati, pangamba, kaligayahan, pag-asa at kalungkutan. Ito ay isang tula na may tig-aapat na taludtod bawat saknong. Ang bawat taludtod naman ay binubuo ng labindalawang (12) pantig. Iisa rin ang tugma ng bawat taludtod. Katumbas nito sa kasalukuyan ang awit o mga kantang mayroong liriko.

Halimbawa ng Awit:

Sitsiritsit

Sitsiritsit, alibangbang
Salaginto at salagubang
Ang babae sa lansangan
Kung gumiri'y parang tandang

Santo Niño sa Pandacan
Putoseko sa tindahan
Kung ayaw mong magpautang
Uubusin ka ng langgam

Mama, mama, namamangka
Pasakayin yaring bata.
Pagdating sa Maynila
Ipagpalit ng manika.

Ale, ale, namamayong
Pasukubin yaring sanggol.
Pagdating sa Malabon
Ipagpalit ng bagoong.

        2. Soneto – Ito ay tulang may 14 na taludtod. Naglalaman ito ng damdamin at kaisipan at may malinaw na kabatiran sa likas na pagkatao at naghahatid ng aral sa mambabasa sa kabuuan.

        Halimbawa ng Soneto:

Puso ng Pag-ibig
ni Don Lenard Pinto

May pinahirapang puso ng pag-ibig,
Dahil sa paghanap ng isa pang puso,
Ang pusong nakita’y katulad ng langit,
Magandang-maganda puso ng pagsuyo,
Ang dalawang puso’y masayang nabuhay,
At sa püso’y hindi na raw magtataksil,
Naniwala silang ang pagmamahalan….
Pag likas at wagas ay walang kahambing,
Bubuyog at kamya’y laging nag-uusap,
Laging nagsasalo sa dusa’t ligaya,
Sapagkat ang kamya’y langit ng pagliyang,
Ang bubuyog nama’y puso ng pag-irog,
Ang puso ng tao’y ligayang may dusa,
Di lahat ng puso’y laging maligaya.

        3. Oda – Nagpapahayag ito ng isang papuri, ng isang panaghoy o iba pang masiglang damdamin. Wala itong tiyak na bilang ng pantig o tiyak na bilang ng taludtod sa isang saknong.

        Halimbawa ng Oda:

Bayan Ko 
ni José Corazón de Jesús

Ang bayan kong Pilipinas
Lupain ng ginto't bulaklak
Pag-ibig na sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda't dilag.

At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad
kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!

Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko't dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya.

        4. Elehiya – Nagpapahayag ito ng damdamin o guniguni tungkol sa kamatayan o kaya ay tula ng pananangis lalo na sa paggunita ng isang yumao.

        Halimbawa ng Elehiya:

AKO PALA ITONG ILILIBING NINYO!
ni Avon Adarna

 Ang nilalang na sumakabilang buhay
Saan paroroon at saan hihimlay? 
Ang kaluluwa bang maitim ang kulay
Sa dagat ng apoy ang hantong na tunay? 

At ang kaluluwa ng buting nilalang,
Pinto ba ng langit ang bukas na daan?
Sino ang hahatol, magbibigay puwang? 
AMA ba o ANAK ang dito'y hihirang?

Nagising akong puno ng pag-asa,
Dumilat ang tingin sa ganda ng umaga,
Napagwari ko ding kaygaan ng umpisa,
Igting ng paligid ang bumulaga

Ngunit ano itong nangyari sa amin?
Magulo ang tao, parang sa may piging, 
Aba at nabigla, nagkaduling-duling,
 Ako pala itong inyong ililibing!


        5. Pastoral – Isang uri ng tulang liriko o ang pinakamatagal na uri ng pagsusulat ng tula. Ang salitang pastoral ay mula sa salitang Latin na “pastor.” Ang tulang pastoral ay hindi lamang tungkol sa buhay ng isang pastol at pagpapastol. Sa tulang ito binibigyang pansin ang pansariling damdamin ng manunulat. Ito ay madalas na tumatalakay ng mga pang araw-araw na pamumuhay ng isang tao tulad ng pangingisda, pagsasaka at iba pa. Maaring tumalakay din ito ng mga emosyon tulad ng pag-ibig at kalungkutan.  Ito ay tulang pumapaksa at naglalarawan ng simpleng paraan ng pamumuhay, pag-ibig, at iba pa. Ang mga sopistikadong alagad ng sining ang sumusulat ng tulang pastoral na nagpapalagay at dinarama ang katauhan ng isang simpleng tao. Maaaring pagaralan ang tulang pastoral bilang:

a. isang alegorya na gumagamit ng simbolismo.

b. panitikang nagbibigay ng pagkakataon sa mga mambabasa na maranasan ang pagtakas sa magulong buhay at madama pansamantala ang malaya at walang kaguluhang buhay.

c. Paglagay ng komplikado sa simple 

        Mga Halimbawa ng Tulang Pastoral:

        i. Bayani ng Bukid ni Alejandrino Q. Perez- tungkol sa pamumuhay ng isang magsasaka

Bayani ng Bukid 
ni Alejandrino Q. Perez

 Ako’y magsasakang bayani ng bukid 
Sandata’y araro matapang sa init 
Hindi natatakot kahit na sa lamig 
Sa buong maghapon gumagawang pilit. 

Ang kaibigan ko ay si Kalakian 
Laging nakahanda maging araw-araw 
Sa pag-aararo at paglilinang 
Upang maihanda ang lupang mayaman. 

Ang haring araw di pa sumisikat 
Ako’y pupunta na sa napakalawak 
Na aking bukiring laging nasa hagap 
At tanging pag-asa ng taong masipag. 

Sa aking lupain doon nagmumula 
Lahat ng pagkain nitong ating bansa 
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha 
Sila’y umaasa sa pawis ko’t gawa. 

Sa aking paggawa ang tangi kong hangad 
Ang aki’y dumami ng para sa lahat 
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak 
Umaasa akong puso’y nagagalak. 

At pagmasdan ninyo ang aking bakuran 
Inyong makikita ang mga halaman 
Dito nagmumula masarap na gulay 
Paunang pampalakas sa ating katawan. 

Sa aming paligid namamalas pa rin 
Ang alagang hayop katulad ng kambing 
Baboy, manok, pato’y alay ay pagkain 
Nagdudulot lakas sa sariling atin. 

Ako’y gumagawa sa bawat panahon 
Na sa aking puso ang taos na layon 
Na sa bawat tao, ako’y makatulong 
At nang maiwasan ang pagkakagutom. 

Ako’y magsasakang bayani ng bukid 
Sandata’y araro matapang sa init 
Hindi natatakot kahit na sa lamig 
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

        Tinig ng Ligaw na Gansa nagmula sa sinaunang Ehipto- tungkol sa pag-ibig

Ang Tinig ng Ligaw na Gansa

Salin sa Filipino ni Vilma C. Ambat


Ang tinig ng ligaw na gansa
nahuli sa pain, umiyak
Ako’y hawak ng iyong pag-ibig,
hindi ako makaalpas.

Lambat ko ay aking itatabi,
subalit kay ina’y anong masasabi?
Sa araw-araw ako’y umuuwi,
karga ang aking mga huli.

Di ko inilagay ang bitag,
 sapagkat sa pag-ibig mo’y nabihag.

        ii. Halika sa Bukirin ni Milagros Bagsit Macaraig

        iii. Sa Bukid ni Meric Mara

Sa Bukid
 ni Meric Mara

Kaulayaw ang luntiang paligid
Damang dama ang sariwang hangin
Aking pakiramdam ay nalupig
Sa ganda ng kalikasan ay napa-ibig

Kapaligira’y gipalpal ng kapayapaan
Kasama ng mga palay na nagsasayawan
Sa ilalalim na bughaw ng kalangitan
Kapaguran ay di na masilayan

Sa Bukid.

        6. Dalit – Ito ay awit na pumupuri sa Diyos o sa Mahal na Birhen. Nagtataglay ito ng kaunting pilosopiya sa buhay. Tumutukoy ito sa isang uri ng tulang damdamin na nagpapakita ng luwalhati, kaligayahan, o pagpapasalamat. Karaniwang para ito sa mga diyos o pinaniniwalaang panginoon upang magpakita ng pagsamba. Karaniwan din itong isang saknong lamang na may apat na taludtod at may sukat nawawaluhin.

Mga halimbawa ng Dalit:

a. Ang sugat ay kung tinanggap,
Di daramdamin ang antak,
Ang aayaw, at di mayag
Galos lamang magnanaknak.


b. Galíng nang magandang ginto,
Walang tumbagang kahalo,
Makaitlo mang ibubo
Di gumitang nang pagpalò.


c. Isda akong gagasapsap,
Gagataliptip kalapad,
Kaya nakikipagpusag,
Ang kalaguyo’y apahap.


d. Aba aya Kasampaga
Ng ponay na naulila
Kung umambo’y pagsiyap na,
Walang magkupkop na Ina.


e. Ang palar na nasakuna,
Ipinagtatanong ko nga,
Kung sino’ng kahalimbawa,
Nása kati nagiginâ.


f. Huwag kang maglingong likod:
Dito sa bayang marupok
Parang palaso, at tunod
Sa lupa rin mahuhulog.


g. Lunday kong aanod-anod
Pinihaw ng balaklaot,
Kayâ lámang napanolot,
Nang humihip yaring timog.


C. Tulang Dula/Pandulaan o Tulang Pantanghalan– Naglalarawan ito ng madudulang pangyayari na halos katulad ng nagaganap sa tunay na buhay at ang layunin nito ay upang itanghal.

Mga Uri ng Tulang Dula

1. Komedya – ang layunin nito ay gawing kawili-wili ang panonood sa pamamagitan ng mga ginagawa ng pangunahing tauhan. Ang wakas nito ay masaya. Ang kaguluhan sa bandang simula ay naaayos. Ang pagkakasundo-sundo ng mga tauhan ang nakapagpapasaya sa mga nanonood. 

Isang halimbawa ng komedya na isinulat ni Juan Crisostomo Soto (o Crissot), na tinaguriang “Ama ng Panitikang Kapampangan” ay ang komedyang Kiki-Riki, isang komedyang nakasulat sa Kapampangan at may isang yugto.

2. Melodrama – ginagamit ang tulang ito sa mga dulang musikal. Isang halimbawa nito ang Sarimanok na isinulat ni Steven Prince “Patrick” C. Fernandez.

3. Trahedya – nauuwi ang dulang ito sa malagim o malungkot na wakas ng pangunahing tauhan.  Ang mga  halimbawa ng trahedya ay Ang Trahedya sa Balay ni Kadil na isinulat ni Don Pagusara; Hiblang Abo at Sigwa ni Rene O. Villanueva; Madawag na Lupa ni Pedro L. Ricarte; at Moses, Moses ni Rogelio R. Sikat.

4. Parsa – ang parsa (farce sa wikang Ingles) ay nakapagpapasiya sa mga nanonood dahil sa mga dugtong-dugtong na mga pangyayaring nakatatawa. Ito ay gumagamit ng eksahiradong pantomina, pagbobo (clowning), mga nakatatawa, nakatutuwa, komikong pagsasalita na karaniwang isinasagawa sa mabilisan at di-akmang layunin at di-pagkakaunawaan.

Isang halimbawa ng parsa sa Filipino ay ang La India Elegante Y El Negrito Amante ni Francisco "Balagtas" Baltazar.

5. Saynete – ang dulang ito ay tungkol sa mga lugar o kaugalian ng isang lahi o katutubo, hinggil sa kanyang pamumuhay, pangingibig, at pakikipagkapwa. Tulad ng parsa, ito ay may layunin ding magpatawa.

Isang halimbawa ng saynete sa Filipino ay ang La India Elegante Y El Negrito Amante ni Francisco "Balagtas" Baltazar.

Narito ang istorya ng saynete, na ibinatay ni Baltazar sa tunay na mga pangyayari sa kanyang pamamahay... 

        Nagwawalis si Uban, isang kaminero, sa plasa ng komedyante bagama't wala daw namang napapanood doon"kundi mga giri at salta/kunday, at tadyak ng paa/pampalubid ng bituka." Darating si Tomeng, ang itang kasamahan ni Uban, na nakasuot Kastila. Nililigawan ni Tomeng si Menangge, isang Tagalang "mababa ang lipad", ngunit ayaw siyang pansinin nito dahil sa itsura niyang Ita. Kaya naman parang sampayang nagbihis si Tomeng ng damit Intsik, damit mestisong Tagalog, damit Morong Balangingi, ngunit di pa rin siya sinagot. Sa damit niyang kastilang yaon, tiyak na niyang siya'y mapapansin. Darating naman si Menangge, ngunit minata pa rin nito si Tomeng na sa ganang kanya'y "taga-bundok" na hindi nababagay sa tulad niyang "taga-bayan". 

        Nagtalo ang dalawa hinggil sa pagsinta. Pinulaan ni Tomeng ang pagsinta ng mga tagabayan na pinaghalu-halong "sumpa, daya at biro", at sinabing higit na mabuti ang pag-ibig niyang taga-bundok, na tumitingin "hindi sa balat kundi sa laman." Sa wakas, tinanggap na rin ni Menangge ang pag-ibig na alay ng Ita.

D. Tulang sagutan / patnigan – Ito ay mga tulang pampagtatalo at pangangatwiran. Ang mga halimbawa nito ay duplo, karagatan, balagtasan at batutian.

    1. Duplo  -Noong panahon ng Espanyol, popular na pagtatanghal ng dúplo kung may lamayan at tinatampukan ng mga makatang nagpapaligsahan bílang tagapagsakdal o bílang tagapagtanggol sa isang dula ng paglilitis.

        Ang dúplo ay paligsahan sa pagtula. Ito’y pagtatalo sa pagmamatuwid. Ang palitan ng matuwid o sagutan ay likha sa agaran (impromptu). Sa ibang salita, ang pagtatalo ay walang paghahanda. Ito ang pinagmulan ng tinatawag nating balagtasan sa ngayon.

        Layunin ng duplo ang magbigay na aliw sa naulila at makiramay, magbigay parangal sa kaluluwa ng yumao, at sa panig ng mga kalahok magpamalas ng talas ng isip at husay sa pagbigkas ng tula. 

        Hinahati sa dalawang pangkat ang mga kalahok, malimit alinsunod sa kasarian, isang hanay ang mga babae at tinatawag na belyáka at isa pang hanay ang mga lalaki at tinatawag na belyáko. Nása gitna at may trono ang Harì, at katabi ang Ministro o Piskál. Sa paglalaro, karaniwang nag-uumpisa ito sa pagbabando ng isang problema. Maaaring nawawala ang singsing ng Hari o ninakaw ang kulasisi ng Hari at pagbibintangan ang isa sa mga kalahok. Itatanggi siyempre ito ng napagbintangan at ipapása sa ibang kalahok. Magpapatuloy ang bintangan hanggang may mahúli o magpahúli.

        Lilitisin ang nahúli at ito ang magiging tampok ng paglalaro. Malimit na belyaka ang napaparusahan. Malimit ding isa sa mga belyako ang tatayong abogado niya o Depensór (tagapagtanggol). Inaasahan ding ang pinakamahusay na mga makata sa naroon ang gaganap Depensor at Piskal dahil maglulundo sa kanilang debate ang lahat. Tumatagal ang laro batay sa husay ng dalawa sa paglalatag ng mga katwiran—mula sa karunungangbayan, popular na panitikan, pasyon, at mga salawikain—at paggamit ng siste upang maaliw ang madla.

        Isang pampahabà ang kunwa’y pagdating ng isang Embahadór mulang ibang bayan. Bibigkas siyempre ito ng mga pagyayabang hinggil sa sarili at pinagmulan, bago maanyayahang umupô sa hanay ng mga belyako. Maaari ding dalawa pa o mahigit ang dumalaw na Embahador at magtalumpati din. Samantala, maaari namang ang belyakang nasasakdal ay magpamalas din ng galíng sa pagbigkas at sumingit sa pagtatalo ng Depensor at Piskal. Gayundin ang maaaring gawin ng Hari at ng iba pang nais tumula, na umiisip ng paraan at dahilan upang makasingit.

        Dahil isang matanda nang palabas, nakaipon ang duplo ng sariling tradisyonal na wika at tungkulin. Kailangang alam ng isang kalahok ang ibig sabihin ng tribulacion, numeracion, relacion, casero, putok na po, upang hindi mapahiya sa harapan.

    2. Karagatan  - Ito ay itinuturing na matandang anyo ng panitikan. Tinatawag itong tulang padula sapagkat ang mga ito ay nasusulat ng padula at ginagampanan ito ng mgaatauhan. Ito rin ay tinatawag na dulang pantahanan sapagkat karaniwang idinaraos sa loob ng bahay o bakuran ng namatay. Nagiging parangal din ito sa namatay

        Katangian ng Karagatan: 

            a. Ito ay isang larong may paligsahan sa tula 
            b. Ang kuwentong ito ay batay sa alamat ng singsing ng isang dalaga na nahulog sa gitna ng dagat.
            c. Pakakasalan ng dalaga ang binatang makakakuha ng singsing 
            d. Sa larong ito, hindi kinakailangang sumisid sa dagat ang binatang nais magkapalad sa dalagang nawalan ng singsing.
            e. Ginaganap ang laro sa bakuran ng isang bahay 
            f. May dalawang papag sa magkabila ng isang mesang may sarisaring pagkaing-nayon. 
            g. Magkaharap ang pangkat ng binata at dalaga
            h. Karaniwang isang lalaki ang magsisimula ng larong ito 
            i. Maaaring magpalabunutan para mapili ang binatang unang bibigyan ng dalaga ng talinhaga
            j. Maaari pa rin ang pagpili sa binata ay batay sa matatapatan ng tabong may tandang puti 
            k. Bibigkas muna ng panimulang bahagi ang binata bago tuluyang sagutin ang talinhaga

            Halimbawa ng Talinhaga:

            1. PASSWORD KA BA? 
                    HINDI KASI KITA MAKALIMUTAN EH                     
            2. ESPANYOL KA BA? 
                    SINAKOP MO KASI PUSO KO 
            3. EDSA KA BA? 
                    DI KASI AKO MAKAMOVE ON

3. Balagtasan - Ang Balagtasan ay hango sa pangalan ni Francisco "Balagtas" Baltasar. Sinasabing unang nagsimula ang Balagtasan noong Abril 6, 1924 na ginawa ng mga pangkat ng mga manunula upang alalahanin ang kapanganakan ni Balagtas.Ito ay isang uri ng tulaang Pilipino na nasa anyong pagtatalo o debate. Tula pa rin ang ginagamit na paraan ng pagsasaad ng damdamin at mga argumento sa ginagawang pagtatalo.

4. Batutian - Ang batutian (Ingles: satirical joust) ay isang uri ng tulang patnigan na hinango sa balagtasan. Ipinangalan ito sa kinikilalang " Unang Hari ng Balagtasan", si Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute). Ginagawa ito sa mga lamayan upang libangin ang mga tao. Naglalaman ito ng katatawanan ngunit may kasama ring katotohanan.

Kabilang sa mga katangian ng Batutian na lumabas sa magasin noon ang pagtalakay ng siste, ang pagtalakay sa kasalukuyang isyung pampulitika o pangkultura, ang pagpapa-antig ng damdamin ng mambabasa, at ang pagpapalitan ng katwirang maaaring taglayin ng magkatunggaling sektor sa pamayanan ng tulaan. Ito ay madalas ginagamit sa mga eskwelahan lalo na sa asignaturang Pilipino. BATEhin ang tawag sa mga gumagawa o nagsasagawa ng batutian. Ito ay nadiskubre o nabuo sa panahon ng mga Amerikano matapos ang balagtasan.

Friday, September 24, 2021

Ang TULA: Kahulugan at Mga Elemento Nito

Ano ang tula?

Ang tula ay isang anyo ng sining o panitikan na naglalayong maipahayag ang damdamin sa malayang pagsusulat. Ito ay isang piraso ng makasining na panulat kung saan ang pagpapahayag ng mga damdamin at ideya ay binibigyan ng kasidhian partikular na sa sistema ng pagbasa o diction, ritmo, at mga imahe.

Ano-ano ang mga elemento ng tula?

Ang mga pangkaraniwang elemento ng tula ay ang mga sumusunod:

1. Sukat (Meter) - tumutukoy sa sukat ng taludtod (line) sa 1 saknong; bilang ng pantig (syllable) sa bawa't taludtod. Ang bawat linya sa tula ay dapat sumunod sa istrakturang ito. Ang isang tula ay binubuo ng mga bloke ng mga linya, na nagpapahiwatig ng isang solong hibla ng pag-iisip. Sa loob ng mga bloke na iyon, kailangang isama ang isang istraktura ng mga pantig na sumusunod sa ritmo. Ito ang metro o metrical form ng tula.

Ang sukat ay binubuo ng dalawang bahagi:     a.Ang bilang ng mga pantig     b. Isang pattern ng pagbibigay diin sa mga pantig na iyon

2. Saknong (Stanza) - grupo ng mga salita o taludtod sa isang tula. Ang isang partikular na saknong ay may isang tukoy na metro, scheme ng tugma, atbp. Batay sa bilang ng mga linya, ang mga saknong ay pinangalanan bilang couplet (2 linya), Tercet (3 linya), Quatrain (4 na linya), Cinquain (5 linya), Sestet ( 6 na linya), Septet (7 linya), Octave (8 linya).

3.Tugma (Rhyme) - pagkakaparehas ng tunog sa huling bahagi ng isang taludtod. Kapag sumulat ka ng tula na may tugma, nangangahulugan ito na ang mga huling salita o tunog ng mga linya ay tumutugma sa bawat isa sa ilang anyo. Hindi lahat ng tula ay may tugma. Malayang taluturan o free verse ang tawag sa isang tulang walang sinusunod na tugma.

4. Iskema ng Tugma (Rhyme Scheme)- Bilang pagpapatuloy ng tugma, ang iskema ng tugma ay isa rin sa mga pangunahing elemento ng tula. Sa mga simpleng salita, tinukoy ito bilang pattern ng tula. Alinman sa mga huling salita ng una at pangalawang linya ay tumutugma sa bawat isa, o ang una at ang pangatlo, pangalawa at ang pang-apat at iba pa. Ito ay tinukoy ng mga alpabeto tulad ng aabb (Unang linya katugma ng ika-2, ika-3 linya sa ika-4); abab (ika-1 sa ika-3, ika-2 sa ika-4); abba (ika-1 sa ika-4, ika-2 sa ika-3), atbp.

5. Ritmo (Rhythm) - ito ang musikang ginawa ng mga pahayag ng tula, na kinabibilangan ng mga pantig sa mga linya. Ang pinakamagandang paraan ng pag-unawa dito ay basahin nang malakas ang tula, at maunawaan ang binibigyang diin at hindi ng mga syllable.

6. Tema (Theme) - Ito ang tungkol sa tula. Ang tema ng tula ay ang sentral na ideya na nais iparating ng makata. Maaari itong isang kwento, o isang pag-iisip, o isang paglalarawan ng isang bagay o ibang tao; anumang bagay na tungkol sa tula.

7. Simbolismo (Symbolism) - Kadalasan ang mga tula ay naghahatid ng mga ideya at kaisipan gamit ang mga simbolo. Ang isang simbolo ay maaaring tumayo para sa maraming mga bagay nang sabay-sabay at hahantong sa mambabasa sa isang sistematiko at nakabalangkas na pamamaraan ng pagtingin sa mga bagay. Kadalasan isang simbolo na ginamit sa tula ang gagamitin upang lumikha ng ganoong epekto.

8. Imahen (Imagery) - isa ring mahalagang sangkap ng isang tula. Ang aparatong ito ay ginagamit ng makata para sa mga mambabasa na lumikha ng isang imahe sa kanilang imahinasyon. Umaapila sa limang pandama ang isang imahe. Halimbawa, kapag naglalarawan ang makata ng isang bulaklak na pulang-pula, isang imahe ng isang pulang bulaklak ang agad na nilikha sa isip ng mga mambabasa.

9. Karikatan - maririkit na salita na ginagamit upang masiyahan ang mga mambabasa.

10. Talinhaga (Figure of speech) - natatagong kahulugan ng tula. Mga tayutay ang madalas na ginagamit dito.


Pag-aralan natin ang tula ni Teodoro E. Gener sa ibaba:

Maliit na Bato Isang munting bato ang aking nadampot!… Nang ako’y mapuno ng duming alabok, Ay ipinukol ko agad na padabog Na taglay sa puso ang sama ng loob… Nang aking ipukol ay tumama naman Sa lalong malaking bato sa may pampang; Sa lakas ng tama’y dagling umilandang, Nagbalik sa aki’t ako ang nasaktan Di ko akalaing yaong munting bato Na tinatapakan ng sino mang tao, Sa di sinasadyang pagmamalikot ko’y Batuhin ang biglang naghagis na ako…

Mandin ay totoong ang lahat sa lupa
Ang bato, kung batong sinlambot ng luha,
Sa palad ng tao’y tatalsik, tatama.
Ay may katutura’t kagamitang pawa:


1. Sukat

    Ang tulang "Maliit na Bato" ni Teodoro E. Gener ay may apat na taludtod sa bawa't saknong.

Halimbawa:

(1) Mandin ay totoong ang lahat sa lupa
(2) Ang bato, kung batong sinlambot ng luha,
(3) Sa palad ng tao’y tatalsik, tatama.
(4) Ay may katutura’t kagamitang pawa:

Ang bawat taludtod o linya ay may 12 pantig.

Halimbawa:

Di ko akalaing yaong munting bato Na tinatapakan ng sino mang tao,

Di(1) ko(2) a(3) ka(4) la(5) ing(6) ya(7) ong(8) mun(9) ting(10) b (11) to(12) Na(1) ti(2) na(3) ta(4) pa(5) kan(6) ng(7) si(8) no(9) mang(10) ta(11) o(12),

2. Saknong Dahil may apat na taludtod o linya sa isang saknong, ito ay tinatawag na Quatrain sawikang Ingles

3. Tugma

May tugma ang bawa't saknong ng kanyang tula.

Halimbawa:

Nang aking ipukol ay tumama naman Sa lalong malaking bato sa may pampang; Sa lakas ng tama’y dagling umilandang, Nagbalik sa aki’t ako ang nasaktan

4. Iskema ng Tugma

abba

Nang aking ipukol ay tumama naman
Sa lalong malaking bato sa may pampang;
Sa lakas ng tama’y dagling umilandang,
Nagbalik sa aki’t ako ang nasaktan

5. Tema ng tula

Ang bato, munti man, ay may katuturan at gamit din.

6. Simbolismong ginamit sa tula

munting bato

7. Talinhagang ginamit sa tula

Halimbawa:

batong sinlambot ng luha (Simile)