Monday, January 18, 2021

Kayarian ng Salita

 Ang Kayarian ng Salita ay may apat (4) na uri o porma. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Payak

2. Maylapi

3. Inuulit

4. Tambalan

  1. Payak - binubuo ng salitang-ugat lamang at walang kasamang panlapi at hindi rin nagkakaroon ng pag-uulit.

Mga Halimbawa:

saya             dumi             grasa            bahay           biktima          bilog

  1. Maylapi  - binubuo ng panlapi at salitang-ugat.

Mga Halimbawa:

ma+saya= masaya

ma+dumi= madumi

ma+bilog = mabilog

lista+han = listahan

  1. Inuulit  - Salitang binubuo ng pag-uulit ng isang bahagi ng salita o ng buong salita.

Mga Halimbawa:

bahay-bahayan       tuyong-tuyo             buong-buo   

4. Tambalan -Salitang binubuo sa pamamagitan pagsasama o pagtatambal ng dalawang salita upang makabuo ng isang tambalang salita.

Tandaan:

A. Minsan, nananatili ang ang kahulugan ng dalawang salitang pinagtambal

Mga Halimbawa:

dalaga + bukid = dalagang bukid è isang dalagang nakatira sa bukid o taga bukid

balik + bayan = balikbayan è isang taong muling bumalik sa sariling bayan

 

(Image from https://dmciphilippines.wordpress.com/tag/townhouses/)

B. May pagkakataon ding nawawala na ang orihinal na kahulugan ng dalawang salita at isang bagong salita na ang nabubuo mula sa mga ito.

Mga Halimbawa:

tainga + kawali = taingang-kawali è nagbibingi-bingihan

bahag + hari = bahaghari è arko na may iba’t ibang kulay sa himpapawid na madalas na nakikita pagkatapos ng ulan

(Image from https://www.uctoday.com/collaboration/team-collaboration/building-colourful-communication-strategy-ale-rainbow/)


Thursday, January 14, 2021

BAHAGI NG MAIKLING KUWENTO

Ano ang maikling kuwento?

    Ang maikling kuwento o short story sa wikang Ingles ay isang anyo ng panitikang nagsasalaysay sa madali, maikli, at masining na paraan. Ayon kay Edgar Allan Poe, ang tinaguriang Ama ng Maikling Kuwento, ito ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni at bungang –isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay.  Ito ay nababasa sa isang tagpuan, nakapupukaw ng damdamin, at mabisang nakapagkikintal ng diwa o damdaming may kaisahan.

Edgar Allan Poe
(Image from Wikipedia)

Anu-ano ang mga bahagi ng maikling-kwento?

    Ang maikling kuwento ay may limang (5) pangunahing bahagi. Ito ay ang mga sumususunod:

1. SIMULA - Napakahalaga ng bahaing ito sapagka't dito nakasalaysay ang kawilihan ng mga mambabasa kung dapat bang ipagpatuloy ang pagbabasa ng kuwento o hindi. Ito ay karaniwang nakapupukaw ng atensyon o nakakatawag ng pansin sa mga mambabasa. Kapag hindi nakamit ng simula ang kanyang layunin, nawawalan ng saysay ang maikling kuwento dahil hindi na malalaman pa ng mambabasa ang iba pang bahagi nito. Sa wikang Ingles ang simula ay tinatawag na "inroduction" o "exposition".

2. TUNGGALIAN - Sa bahaging ito ng maikling kuwento nakikita ang suliranin sa kuwento, kung sino ang mga bida at kontrabida, at kung ano ang problemang dapat bigyan ng solusyon. Ang tunggalian ay may apat (4) na uri: tao laban sa tao, tao laban sa sarili, tao laban sa lipunan, tao laban sa kapaligiran o kalikasan.Ang bahaging ito ay tinatawag na "Rising action" o "rise" sa wikang Ingles.

3. KASUKDULAN - Dito unti-unting nabibigyang solusyon ang suliranin, kung magtatagumpay ba ang paunahing tauhan o hindi. Ang bahaging ito ay kapanapanabik dahil kadalasan ay napupukaw rito ang matinding damdamin ng mambabasa, na maaaring tuwa o lungkot, takot at pangamba. Ito ay tinatawag na "climax" sa Ingles.

4. KAKALASAN - Sa bahaging ito ay unti-unti nang bumababa ang emosyon ng mambabasa. Dito rin makikita ang pagbibigay solusyon sa isang suliranin o problemang kinaharap ng mga bida o kasawian sa kanyang inaasam. Ang kakalasan ang nagbibigay tulay sa wakas. Ito ay tinatawag na "denouement" o "falling action" sa wikang Ingles.

5. WAKAS - Ito ang katapusan ng kuwento kung saan nakasaad ang panghuling mensahe ng kuwento, lantad man o tago.