Friday, October 29, 2010

KAHULUGAN NG MGA SALITANG FILIPINO

Ang mga sumusunod ay mga salitang mahirap unawain ng ordinaryong Filipino:

1. naglipana - nagkalat
2. sandamakmak - sangkaterba, sobra-sobra, labis
3. batingaw - kampana, bell
4. simboryo - domo (dome), lungaw
5. aligaga - maraming ginagawa nang sabay-sabay
6. hilong-talilong - sobra-sobra ang ginagawa, hindi alam ang uunahing gagawin
7. nagmumurang kamyas - matandang nag-aastang bata sa pamamagitan ng pagsunod sa uso o moda
8. alibugha - taksil, traydor, (prodigal)

Saturday, October 23, 2010

Mga Alamat, Pabula at Talambuhay ng mga Bayani

Kung may mga gawaing-bahay kayo na natutungkol sa mga alamat, pabula at talambuhay ng mga bayani, mangyaring bisitahin ang webpurok na http://www.pinoyedition.com/--- Basahin lamang ang kanilang copyright page.

KAGANAPAN NG PANDIWA

KAGANAPAN NG PANDIWA - bahagi ng panaguri (predicate) na nagpapahayag ng ganap na kahulugan sa pandiwa. Kung ang pokus ng pandiwa ay ang relasyon nito sa paksa, ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon naman ng panaguri sa pandiwa.

A. Kaganapang Tagaganap- bahagi ng panaguri na gumaganap sa kilos na isinasaad ng pandiwa.
Makikilala ito gamit ang mga pananda na ni at ng.
Halimbawa:
1. Ikinalungkot ng mga Filipino ang pagkatalo ni Manny Pacquaio sa katunggaling si Antonio Margarito. (Ikinalungkot nino?)
2. Kinakain ni Liza ang tsamporadong gawa ni Nanay Huling. (Kinakain nino?)

B. Kaganapang Layon - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng bagay na tinutukoy o ipinahahayag ng pandiwa. Ginagamit din dito ang panandang ng.
Halimbawa:
1. Si Pedro ay bibili ng bagong laptop sa SM Megamall. (Bibili ng ano?)
2. Nagpamudmod sila ng salapi. (Nagpamudmod sila ng ano?)

C. Kaganapang Tagatanggap - bahagi ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang makikinabang sa kilos na isinasaad ng pandiwa. Ang mga panandang para sa at para kay ay kalimitang ginagamit dito.
Halimbawa:
1. Nagbigay ng donasyon ang Pamilya Santos para sa mga sinalanta ng bagyong Juan. (Para kanino ang donasyong ibinigay?)
2. Nagbuwis siya ng buhay para kay Lolo Jose.

D. Kaganapang Ganapan - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na pinaggaganapan ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Nanood ng palatuntunan sa silid-aklatan ang mga mag-aaral. ( Saan nanood ang mga mag-aaral?)
2. Pupunta kami sa Manila Zoo.

E. Kaganapang Kagamitan - bahagi ng panaguri na nagsasaad kung anong bagay o kagamitan ang ginagamit upang maisagawa ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Iginuhit niya ang larawan ni Mona Lisa sa pamamagitan ng krayola.
2. Pinatay niya ang ahas gamit ang karit.

F. Kaganapang Direksyunal - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng direksyong isinasaad ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Namasyal sila sa Luneta buong maghapon.
2. Nagsunog siya ng kilay sa silid-akalatan.

G. Kaganapang Sanhi - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Nagwagi siya sa eleksyon dahil sa kabutihan ng kanyang puso.
2. Nagtagumpay siya sa buhay dahil sa kanyang kasipagan.

Thursday, October 21, 2010

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANDIWA (The Verb)

ANG PANDIWA
Ang pandiwa ay bahagi ng pangungusap na nagpapahayag ng kilos, gawa o kalagayan,

I. Mga Uri ng Pandiwa ayon sa Kaukulan

A. Payak - ipinalalagay na ito ang simuno (subject).
Halimbawa:

1) Lubos na maghirap ang nangungurakot sa kaban ng bayan.

B. Katawanin - may simuno ito nguni't walang layong tumatanggap.
Halimbawa: Ang mabait at magalang ay pinagpapala.

C. Palipat - may simuno at tuwirang layon (direct object). Ang layong ito ay pinangungunahan ng mga katagang ng, mga, kay at kina.
Halimbawa: Nagsampay ng damit si Maria.

II. Mga Aspekto ng Pandiwa
A. Pangnagdaan/Naganap na o Perpektibo (Past Tense) - nagpapahayag ng kilos o gawang natapos na.
Halimbawa: Nagpirito ng isda si Mang Kulas.


B. Pangkasalukuyan/Imperpektibo (Present Tense) - nagsasaad ng pagkilos na nasimulan na subali't hindi pa natatapos.
Halimbawa: Naglalaba ng mga damit si Aling Bining sa ilog.
C. Panghinaharap/Gaganapin o Kontemplatibo (Future Tense) - nagpapahayag na ang kilos o gawa ay mangyayari pa lamang.
Halimbawa: Magbibigay ng pagsusulit ang guro bukas ng hapon.

D. Tahasan - ginaganap ng simuno ang isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa: Si Jose Rizal ang sumulat ng Noli Me Tangere.

E. Balintiyak - hindi ang simuno ang gumaganap sa isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa: Ang pagtatayo ng gusali ay pinasinayahan ng punong-lungsod

III. KAILANAN NG PANDIWA
A. Isahan - ang pandiwa ay nasa payak na anyo.
Halimbawa: Ang guro ay nagtuturo sa mga bata.

B. Maramihan - marami ang simuno at kilos na isinasaad.
Halimbawa: Nagsisipalakpakan ang mga manonood sa programa.