Saturday, November 13, 2010

Wastong Gamit: Nang at Ng

Kung pakikinggan lamang, hindi natin agad malalaman kung "Nang" o "Ng" ang ginamit sa isang pangungusap dahil halos magkasingtunog ang dalawang salita. Nguni't sa pormal na pagsusulat, nararapat na malaman ang tamang gamit ng "nang" at "ng".

A. NANG
a. Makikita sa unahan ng pangungusap
Halimbawa:
1. Nang dumating ang guro, tumahimik ang mga mag-aaral.
2. Nang maluto ang sinaing, agad na hinarap ni Maria ang pagpiprito ng isda.

b. Gamit sa pang-abay na pamaraan (adverb of manner) o pang-abay na panggaano o pampanukat (adverb of quantity).
Halimbawa:
1. Lumakad siya nang dahan-dahan.
2. Ang tumatakbo nang matulin kung matinik ay malalim.
 3. Namayat si Anna nang todo simula ng magkasakit.
 4. Nagalit ang mga manonood dahil nahuli nang dalawang oras ang pagtatanghal.

c. Gamit sa pagitan ng inuulit na pandiwa.
1. Sayaw nang sayaw ang mga bata sa ulanan.
2. Kanina pa siya ikot nang ikot.

d. Gamit na kasingkahulugan ng "noong"
 1. May bagyo nang (noong) siya ay isilang.
 2. Tumahimik ang lahat nang (noong) dumating ang mga hindi kilalang tao.

e. Gamit na kasingkahulugan ng "upang" o "para".
 1. Kinailangang patayin ng mga kidnaper ang pulubi nang hindi maging saksi sa krimen. 
 2. Dinala sa pagamutan si Mang Igme nang magamot.

f. Gamit bilang katumbas ng "na" at "ang".
 1. Natutong sumagot ang kasambahay sa kaniyang amo dahil sobra nang (na ang) hirap ang kanyang dinanas.
 2. Dahil labis nang (na ang) lupit na ipinamalas ng mga Kastila kaya nag-aklas ang mga Filipino.

B. NG
a. Nagsasaad ng pagmamay-ari.
Halimbawa:
1. Napakagara ang bahay ng mga Dela Cruz.
2. Ang palad ng mayayaman ay tila napakanipis.

Sapat nang tandaan ang gamit ng NANG upang hindi malito sa wastong paggamit ng NANG at NG.
Kung ang sumusunod na salita ay isang pandiwa (verb) at pang-uri (adjective), gamitin ang NANG. NANG  din ang gamit sa unahan ng pangungusap.

Friday, October 29, 2010

KAHULUGAN NG MGA SALITANG FILIPINO

Ang mga sumusunod ay mga salitang mahirap unawain ng ordinaryong Filipino:

1. naglipana - nagkalat
2. sandamakmak - sangkaterba, sobra-sobra, labis
3. batingaw - kampana, bell
4. simboryo - domo (dome), lungaw
5. aligaga - maraming ginagawa nang sabay-sabay
6. hilong-talilong - sobra-sobra ang ginagawa, hindi alam ang uunahing gagawin
7. nagmumurang kamyas - matandang nag-aastang bata sa pamamagitan ng pagsunod sa uso o moda
8. alibugha - taksil, traydor, (prodigal)

Saturday, October 23, 2010

Mga Alamat, Pabula at Talambuhay ng mga Bayani

Kung may mga gawaing-bahay kayo na natutungkol sa mga alamat, pabula at talambuhay ng mga bayani, mangyaring bisitahin ang webpurok na http://www.pinoyedition.com/--- Basahin lamang ang kanilang copyright page.

KAGANAPAN NG PANDIWA

KAGANAPAN NG PANDIWA - bahagi ng panaguri (predicate) na nagpapahayag ng ganap na kahulugan sa pandiwa. Kung ang pokus ng pandiwa ay ang relasyon nito sa paksa, ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon naman ng panaguri sa pandiwa.

A. Kaganapang Tagaganap- bahagi ng panaguri na gumaganap sa kilos na isinasaad ng pandiwa.
Makikilala ito gamit ang mga pananda na ni at ng.
Halimbawa:
1. Ikinalungkot ng mga Filipino ang pagkatalo ni Manny Pacquaio sa katunggaling si Antonio Margarito. (Ikinalungkot nino?)
2. Kinakain ni Liza ang tsamporadong gawa ni Nanay Huling. (Kinakain nino?)

B. Kaganapang Layon - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng bagay na tinutukoy o ipinahahayag ng pandiwa. Ginagamit din dito ang panandang ng.
Halimbawa:
1. Si Pedro ay bibili ng bagong laptop sa SM Megamall. (Bibili ng ano?)
2. Nagpamudmod sila ng salapi. (Nagpamudmod sila ng ano?)

C. Kaganapang Tagatanggap - bahagi ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang makikinabang sa kilos na isinasaad ng pandiwa. Ang mga panandang para sa at para kay ay kalimitang ginagamit dito.
Halimbawa:
1. Nagbigay ng donasyon ang Pamilya Santos para sa mga sinalanta ng bagyong Juan. (Para kanino ang donasyong ibinigay?)
2. Nagbuwis siya ng buhay para kay Lolo Jose.

D. Kaganapang Ganapan - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na pinaggaganapan ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Nanood ng palatuntunan sa silid-aklatan ang mga mag-aaral. ( Saan nanood ang mga mag-aaral?)
2. Pupunta kami sa Manila Zoo.

E. Kaganapang Kagamitan - bahagi ng panaguri na nagsasaad kung anong bagay o kagamitan ang ginagamit upang maisagawa ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Iginuhit niya ang larawan ni Mona Lisa sa pamamagitan ng krayola.
2. Pinatay niya ang ahas gamit ang karit.

F. Kaganapang Direksyunal - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng direksyong isinasaad ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Namasyal sila sa Luneta buong maghapon.
2. Nagsunog siya ng kilay sa silid-akalatan.

G. Kaganapang Sanhi - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa:
1. Nagwagi siya sa eleksyon dahil sa kabutihan ng kanyang puso.
2. Nagtagumpay siya sa buhay dahil sa kanyang kasipagan.

Thursday, October 21, 2010

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANDIWA (The Verb)

ANG PANDIWA
Ang pandiwa ay bahagi ng pangungusap na nagpapahayag ng kilos, gawa o kalagayan,

I. Mga Uri ng Pandiwa ayon sa Kaukulan

A. Payak - ipinalalagay na ito ang simuno (subject).
Halimbawa:

1) Lubos na maghirap ang nangungurakot sa kaban ng bayan.

B. Katawanin - may simuno ito nguni't walang layong tumatanggap.
Halimbawa: Ang mabait at magalang ay pinagpapala.

C. Palipat - may simuno at tuwirang layon (direct object). Ang layong ito ay pinangungunahan ng mga katagang ng, mga, kay at kina.
Halimbawa: Nagsampay ng damit si Maria.

II. Mga Aspekto ng Pandiwa
A. Pangnagdaan/Naganap na o Perpektibo (Past Tense) - nagpapahayag ng kilos o gawang natapos na.
Halimbawa: Nagpirito ng isda si Mang Kulas.


B. Pangkasalukuyan/Imperpektibo (Present Tense) - nagsasaad ng pagkilos na nasimulan na subali't hindi pa natatapos.
Halimbawa: Naglalaba ng mga damit si Aling Bining sa ilog.
C. Panghinaharap/Gaganapin o Kontemplatibo (Future Tense) - nagpapahayag na ang kilos o gawa ay mangyayari pa lamang.
Halimbawa: Magbibigay ng pagsusulit ang guro bukas ng hapon.

D. Tahasan - ginaganap ng simuno ang isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa: Si Jose Rizal ang sumulat ng Noli Me Tangere.

E. Balintiyak - hindi ang simuno ang gumaganap sa isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa: Ang pagtatayo ng gusali ay pinasinayahan ng punong-lungsod

III. KAILANAN NG PANDIWA
A. Isahan - ang pandiwa ay nasa payak na anyo.
Halimbawa: Ang guro ay nagtuturo sa mga bata.

B. Maramihan - marami ang simuno at kilos na isinasaad.
Halimbawa: Nagsisipalakpakan ang mga manonood sa programa.



Wednesday, February 24, 2010

Wastong Gamit ng Raw, Daw, Rin, Din, Dito, Rito

Ang raw, rito, rin, roon at rine ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig (vowel - a, e i, o, u) o malapatinig (semi-vowel - w, y).

Halimbawa:

1. Pumunta ka rito.
2. Taga-Dabaw (Dabao) rin si Imelda.
3. Nag-aaway raw ang mga bata.
4. Maliligo rine ang mga dalaga.
5. Patungo roon ang mga kandidato.

Ang daw, dito, din, doon at dine ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig (consonant).

Halimbawa:

1. Sa ilog daw maliligo ang mga binata.
2. Pupunta rin dito ang mga artista.
3. Yayaman din tayo balang araw.

Dito at Doon ang ginagamit sa simula ng isang pangungusap.
Halimbawa:
1. Dito ba tayo maghihintay?
2. Doon na tayo mananghalian sa bahay.

TANDAAN:
Taliwas sa tuntunin sa itaas, kung ang salita ay nagtatapos sa RA, RE, RI, RO, RU, RAY at RAW, ang dapat gamitin ay DAW at DIN upang maging malumanay at tuloy-tuloy ang pagbigkas ng pangungusap.

Halimbawa:

1. Ang balaraw DAW ni Pedro ay mas matalim kaysa kay Juan.
2. Ang kalaro DAW ni Anna ay nagtapos ng may karangalan.
3. Kare-kare DIN ang dadalhin ni Melba sa pagtitipon.
4. Sa araw DAW darating ang kuya.
5. Aray RIN ang kanyang hiyaw.
6. Makiri DAW ang manugang ni Aling Damiana.


BAHAGI NG PANANALITA - PANGNGALAN (NOUN)

I. BAHAGI NG PANANALITA (Parts of Speech)

A. Pangngalan (Noun) - bahagi ng pananalita na nagsasaad ng ngalan ng tao, bagay, pook o lugar, hayop, pangyayari, damdamin, kaisipan o ideya.

Uri ng Pangngalan
1. Pantangi (Proper Noun) - nagsasaad ng tanging pangalan ng tao, hayop at bagay at isinusulat sa malaking titik (capital letter) ang unang letra o titik ng salita.
2. Pambalana (Common Noun) - tawag sa karaniwang pangalan.

Mga Halimbawa:
Pambalana - bansa
Pantangi - Pilipinas, Tsina, Amerika
Pambalana - bundok
Pantangi - Mt. Pinatubo, Bundok Arayat
Pambalana - artista
Pantangi - Pokwang, Willie Revillame, Kris Aquino
Pambalana - lugar
Pantangi - Luneta, Robinson's
Pambalana - lapis
Pantangi - Monggol

Kayarian ng Pangngalan

1. Payak - mga salitang likas at katutubong atin na maaaring mapag-isa
Halimbawa
lilo, lila, lambat, silo, ilog

2. Maylapi - ang mga salitang-ugat o pangngalang payak na nagtataglay ng panlapi sa unahan, gitna o hulihan man.
Halimbawa
ganda - kagandahan
isda - palaisdaan
away - mag-away
sayaw - sumayaw

3. Inuulit - mga pangngalang inuulit ang salitang ugat o ang salitang maylapi. Ang unang dalawang pantig lamang ang inuulit kapag ang pangngalan ay may tatlo o higit pang pantig.
Halimbawa
tatay-tatayan
sabi-sabi
biru-biruan

Tandaan: May mga pangngalang ang anyo ay mga salitang inuulit ngunit hindi ginigitlingan sapagkat ang inuulit na mga pantig ay walang katuturan kapag napag-isa. Ang kabuuan ng mga salitang ito ay itinuturing na mga salitang ugat.
Halimbawa
gamugamo
guniguni
alaala
paruparo

Klase ng mga pangngalang inuulit
a. Pag-uulit na Parsyal - bahagi lang ng salitang-ugat ang inuulit.
Halimbawa
ari-arian
tau-tauhan

b. Pag-uulit na Ganap - inuulit ang buong salita
Halimbawa
sabi-sabi
sari-sari

4. Tambalan - mga pangngalang binubuo ng dalawang magkaibang salita na ipinapalagay na isa na lamang.
Halimbawa
hampaslupa
sampay-bakod
akyat-bahay
bahay-aliwan
kapit-tuko


Kasarian ng Pangngalan (Gender of Noun)
1. Pambabae
Halimbawa - ate, nanay, Gng. Cruz

2. Panlalaki
Halimbawa
kuya, tatay, G. Santos

3. di-tiyak
Halimbawa
doktor
titser
huwes
punong-guro
pangulo

4. walang kasarian
Halimbawa
silya
lobo
puno

Uri ng Pangngalan ayon sa Gamit

1. Basal - pangngalang hindi nakikita o nahahawakan ngunit nadarama, nasa gawi at kaisipan,
Halimbawa
katalinuhan
pagmamahal
pagdurusa

2. Tahas - mga pangngalang nakikita o nahahawakan.
pula
ulap

3. Lansak - mga pangngalang nagsasaad ng pagsasama-sama, kumpol, grupo o pangkat.
Halimbawa
kawan
buwig
pulutong
batalyon