Tuesday, March 22, 2011

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANGATNIG (CONJUNCTION)

Ano ang pangatnig?

Tinatawag na pangatnig ang mga kataga o lipon ng mga  salitang nag-uugnay sa dalawang salita, parirala sa kapwa parirala at sugnay sa kapwa sugnay upang maipakita ang dalawa o higit pang kaisipan sa loob ng pangungusap. Ang pangatnig ay ginagamit din sa mga pangungusap na tambalan, hugnayan at langkapan.

Mga Uri ng Pangatnig

1. Panapos - pangatnig na nagsasaad na malapit nang matapos ang pagsasalita o ang nais ipahiwatig ng pangungusap.
Halimbawa:
a. Makukuha ko na rin sa wakas ang inaasam kong promosyon sa trabaho.
b. Sa lahat ng ito, dapat tayong magkaisa.
c. Sa di-kawasa, ang pagtalakay sa pagpapatalsik kay Ombudsman Gutierrez ay tinapos na ng Kamara.
d. Sa bagay na ito, nasa ating mga kamay na ang paghuhusga.

2. Pananhi - nagsasaad ng kadahilanan o katuwiran para sa natapos na kilos.
Halimbawa:
a. Sumakit ang kanyang lalamunan dahil sa kasisigaw.
b. Sanhi sa init ng panahon kaya siya nilagnat.
c. Umapaw ang ilog sapagkat walang tigil ang ulan.
d. Nahilo si Anna mangyari ay ikot siya nang ikot.

3. Pamukod - pangatnig na ginagamit sa pagbukod o pagtatangi.
Halimbawa:
a. Kung ikaw o si Liza ang bibigyan ng parangal ay wala akong tutol.
b. Batid ko ang pagkapanalo ng ating grupo kung si Roger man ang piliing lider natin.
c. Walang diprensiya sa akin maging si Jose ang magwagi sa paligsahan.
d. Ni sermunan ni saktan ay hindi ko ginagawa sa aking anak.

4. Paninsay - pangatnig na sinasalungat ng naunang parte ng pangungusap ang ikalawang bahagi nito.
Halimbawa:
a. Nakatakda siyang umani ng tagumpay kahit (kahit na) maraming naninira sa kanya.
b. Nakatapos si Ramon ng medisina bagaman tindera lang sa palengke ang kanyang ina.
c. Nanalo pa ring musa si Rosa datapwat may mga kaibigang bomoto sa kalaban niya.
d. Mayaman nga si Donya Rustica ngunit matapobre naman.

5. Panubali - nagsasaad ito ng pag-aatubili o pag-aalinlangan.
Halimbawa:
a. Hindi tayo matutuloy sa sine kapag hindi umuwi nang maaga ang tatay.
b. Sasayaw ako kung aawit ka.
c. Pag umulan, hindi makakapunta rito si Boyet.
d. Hindi tayo makakahuli ng maraming isda sakaling lumitaw ang buwan.

6. Panimbang - pangatnig na gamit kung naghahayag ng karagdagang impormasyon at kaisipan.
Halimbawa:
a. Nagpiknik sa bukid sina Jose at Maria.
b. Pati ang gamit ng iba ay kanyang iniligtas.
c. Anupa't pinagbuti niya ang kanyang pag-aaral para makaahon sa kahirapan.
d. Nagtanim siya ng upo at saka patola.

7. Pamanggit - pangatnig na gumagaya o nagsasabi lamang ng iba.
Halimbawa:
a. Siya raw ang hari ng sablay.
b. Sa ganang akin, mali ang paniniwala mo.
c. Di umano, mahusay umawit si Blanca.
d. Masisipag daw ang mga taga-Ilokos.


8. Panulad - gumagaya o tumutulad ng mga pangyayari, kilos o gawa.
a. Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.
b. Kung sino ang unang tumakbo, siyang mananalo.
c. Kung gaano ang iyong itinulong, siya ring ibibiyaya sa iyo.


 9.Panlinaw - gamit ang pangatnig na panlinaw upang ipaliwanag ang bahagi o kabuuan ng isang banggit.
Halimbawa:
a. Nahuli na ang tunay na maysala kaya makakawala na si Berto.
b. Nagkasundo na ang mga trabahador at may-ari, kung gayon ay magbubukas na ang planta.




Sunday, March 13, 2011

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANG-ABAY (ADVERB)

Ano ang Pang-abay ( o adberbyo)?

Ang pang-abay ay mga salitang naglalarawan (words that describe) o nagbibigay-turing sa pang-uri (adjective), pandiwa (verb) at kapwa pang-abay.

Halimbawa:
A. Panturing sa pang-uri
1. Ang manggang itinitinda ni Maria ay masyadong maasim.
2. Sadyang malusog ang kanyang katawan noon pa man.

B. Panturing sa pandiwa
1. Dahan-dahan siyang umakyat ng hagdan para hindi magising ang kanyang natutulog na ina.
2. Mabilis na tumakbo si Marie para abutan ang kapatid.

C. Panturing sa kapwa pang-abay
1. Talagang mabagal umunlad ang mga taong tamad.
2. Dahil sa karamdaman, ang kilos ni Mando ay  lubos na dahan-dahan.

·      Mga Uri ng Pang-abay
1. Pang-abay na Pamaraan (Adverb of Manner) - naglalarawan sa pandiwa.
a. Siya ay mabilis kumain.
b. Mahinahon niyang sinagot ang mga akusa sa kanya.
c. Taimtim na nagdasal ang mga tao nang magkalindol sa Japan.

2. Pang-abay na Panlunan (Adverb of Place) - nagsasaad kung SAAN naganap,ginaganap o gaganapin ang isang pangyayari o kilos. Ito ay kadalasang pinangungunahan ng katagang SA.
a. Tumira siya sa gubat ng labimpitong taon.
b. Nanatili siyang nakatira roon.

3. Pang-abay na Pamanahon (Adverb of Time) - nagsasaad kung KAILAN naganap, ginaganap at gaganapin ang isang pangyayari o kilos.
a. Pupunta ako bukas sa palengke.
b. Si Anna ay nagpunta na sa simbahan kahapon.


    Ang pang-abay na pamanahon ay maaaring may pananda, walang pananda o nagsasaad ng dalas.
    
             May pananda

Nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa, hanggang

           1. Kailangan ni Ester na magbayad ng buwis nang taun-taon.

            2. Tuwing Bagong Taon sila nagkakaroon ng reunion.
            3. Magbabayad ako ng utang hanggang katapusan ng buwang ito.
Walang pananda
Kahapon, kangina, ngayon, mamaya, bukas, sandali,atb.
            1. Magtatanghal kami bukas ng masayang palatuntunan.
            2. Magtutungo ngayon sa Indonesia ang ating pangulo upang humingi ng tulong.
        Nagsasaad ng dalas
Araw-araw, tuwing,taun-taon, buwan-buwan
           1. Tuwing Biyernes lang siya kung maligo.
            2. Ang pamilya Dela Cruz ay nagtutungo sa dalampasigan linggo-linggo.

Ang pang-abay na pamanahon ay may apat na uri:

Payak: bukas, mamaya, ngayon
Maylapi: kagabi, samakalawa
Inuulit: araw-araw, gabi-gabi, taun-taon
Parirala; noong nagdaang buwan, sa darating na Kuwaresma, sa pagdating ng panahon

4. Pang-abay na Pang-agamnagbabadya ng di-katiyakan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. 
a. Marahil ay matututo na siyang magtanda.
b. Baka pumaroon siya sa palengke.
Iba pang pang-abay na pang-agam - siguro, tila, wari.

5. Pang-abay na Panang-ayon - nagsasaad ng pagsang-ayon (tunay, sadya, talaga, oo, opo)
a. Opo, magsisimba ako bukas.
b. Sadyang malaki ang ipinagbago ng katawan mo dahil sa paghehersisyo.

6. Pang-abay na Pananggi nag-sasaad ng pagtanggi, tulad ng hindi/di  at ayaw
a. Hindi pa lubusang nalulusaw ang yelo sa pitsel
b. Kahit na delikado, marami pa rin ang ayaw tumigil sa pagtawid sa gitna ng daan..


7.  Pang-abay na panggaano o pampanukat – nagsasaad ng timbang o sukat. Sumasagot sa tanong na  gaano o magkano.
1. Naragdagan ang timbang ko  nang pitong kilo.
2. Nagalit ang mga pasahero dahil tumagal nang dalawang oras bago dumating ang tren.

8. Pang-abay na Pananong - ginagamit sa pagtatanong ukol sa panahon, lunan, pook, bilang o halaga.
a. Ilan taon ka na?
b. Magkano ang kilo ng ubas?


9. Pang-abay na Benepaktibo - nagsasaad ng kagalingang dulot para sa isang tao - ang tagatanggap ng kilos.
a. Nagluto ng sopas ang nanay para kay Celso.
b. Umawit ang nanay para kay bunso.


10. Pang-abay na Kawsitibo o Kusatibo - nagsasaad ng dahilan. Ito ay binubuo ng sugnay o pariralang nagsisimula sa dahil sa, sapagkat atbp.
a. Siya ay nagkasakit dahil sa ambon.

b. Nahuli siya sa opisina sapagkat matrapik.

11. Pang-abay na Pangkaukulan - pinangungunahan ng tungkol, hinggil, o ukol.
a. Ang seminar ay hinggil sa pagpaplano ng pamilya.
b. Ukol sa wastong paggamit ng pataba ang pinag-usapan sa pulong.

12.  Pang-abay na kundisyunal - nagsasaad ng kundisyon para maganap ang pandiwa.
a. Bubuti ang iyong buhay kung ikaw ay mag-aaral.
b. Kung iiinom ka ng gatas, lulusog ka agad.

13. Katagang pang-bay o ingklitik  - na, naman, man
a. Si Kiray ay darating na.
b. Papasok siya sa paaralan bumuhos man ang ulan.

  
·         


Thursday, March 10, 2011

SAWIKAIN - IDYOMA - IDIOMS

Ang sawikain o idyoma ay salita o grupo ng mga salitang nagsasaad ng hindi tuwirang paglalarawan sa isang bagay, pangyayari, kaganapan o sitwasyon o sa pormang patalinhaga.

Mga Halimbawa:

1. balat-sibuyas - maramdamin, madaling masaktan
Huwag kayong magbiro kay Rowena dahil siya ay balat-sibuyas.
2. ahas, ulupong - taksil, traidor
Kahit anong ingat mo, hindi talaga maiiwasang mag-alaga ng isang ahas (ulupong).
3. bantay-salakay - traidor, mabait lamang sa harapan
Hindi niya akalaing ang pamangking kanyang inalagaan ay isang bantay-salakay.
4. kabiyak ng dibdib - asawa, maybahay
Si Edna ang kabiyak ng dibdib ni Elmo.
5. ngising-aso  -  nakakaloko, hindi sinserong pagkatuwa
Napansin kong nakangising-aso si Luis nang ipakilala siya sa may-ari ng bahay.
6. naglulubid ng buhangin - nagsisinungaling
Mag-ingat ka at sanay na maglubid ng buhangin ang iyong katrabaho.
7. balimbing - hindi tapat, walang isang paninindigan, maraming mukha
Huwag mo siyang pagkatiwalaang mabuti dahil nababalitang isa siyang balimbing.
8. di-mahulugang karayom - masyadong maraming tao
Pumunta pa rin si Tatay sa pagdiriwang ng EDSA 2 kahit alam niyang di-mahulugang karayom ang lugar na pagdarausan nito.
9.sanga-sanga ang dila - sinungaling
Huwag mo siyang masyadong intindihin dahil sanga-sanga ang kanyang dila.
10. ningas-cogon - panandalian
Tinanggal siya sa trabaho dahil ningas-cogon lamang ang ipinakita niyang kasipagan.


Para sa karagdagan pang halimbawa, bisitahin ang mga webpurok na ito:
1. http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/Tagalog_Default_files/tagalog_idioms.htm
2. http://coconuter.blogspot.com/2007/11/mga-sawikain-o-idioma.html

Wednesday, March 9, 2011

WASTONG GAMIT: PINTO, PINTUAN

Sa pagsusulat, pormal man o impormal, o sa pagsasalita, nararapat lamang na gamitin ang wastong salita upang lubos na maunawaan ng mga mambabasa o tagapakinig ang nais nating sabihin o ilarawan. Tunghayan ang wastong gamit ng mga salitang pinto at pintuan sa mga sumusunod:

Pinto (Door) ang ginagamit kung ang tinutukoy ay ang kongkretong bagay.
Halimbawa:
1. Pininturahan ni Ama ang bagong gawang pinto.
2. Gawa sa narra ang kanilang pinto.
3. Tayo nang pumasok sa bakal na pinto.
4. Masyadong mataas ang pintong kahoy para ating akyatan.
5. Huwag mong sipain ang pinto.
(Ang larawan sa itaas ay mula sa http://www.tripadvisor.com)
Pintuan (Entrance, Doorway) ang ginagamit kung ang tinutukoy ay isang lugar. Ito ay ang lagusan o pasukan o  ang lugar kung saan nakalagay ang pinto kung meron man.
Halimbawa:
1. Nangyari ang suntukan sa may pintuan.
2. Huwag mong iharang ang iyong kotse sa harap ng pintuan.
3. Sa malapit sa pintuan mo ilagay ang paso ng rosas.
4. Huwag ninyong gawing tambayan ang pintuan ko.
5. Si Maria ay hahara-hara sa pintuan kaya nabangga ni Simon.

Tuesday, March 8, 2011

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANG-URI (ADJECTIVE)

Ano ang pang-uri?


Ang Pang-uri – ay mga salitang naglalarawan o nagbibigay katangian sa isang pangngalan o panghalip.

Halimbawa:
1. Matamis ang inihaing mangga ni Aling Ising.
2. Napakaganda nga ng bistidang iyan!
3. Siya ay higit na matalino kaysa sa kanyang kuya.
4. Ang kotse nila ay puti.
5. Libu-libong tao ang dumalo sa welga.

Uri ng Pang-uri
 Ang pang-uri ay may dalawang uri:
1. Panlarawan - mga salitang naglalarawan.
    Halimbawa:
    a. Matamis ang tinda niyang mangga.
    b. Rosas at itim ang motif ng kanilang kasal.
2. Pamilang = mga salitang nagsasaad ng bilang
    Halimbawa:
    a. Sanlaksa ang mga daga sa tumana.
    b. Si Mang Baste ay nag-iisang lumaban sa asong-ulol.

Kaantasan ng Pang-uri

1. Lantay – nagbibigay ng simple o payak na paglalarawan.
   Halimbawa:
   a. Si Amelia ay maganda.
   b. Mabango ang rosas.

   c. Ang ilong niya ay matangos.
2.Pahambing – naglalarawan sa dalawang pangngalan o  tinutukoy, maaaring pareho o ang isa ay      nakahihigit ang katangian.
  Halimbawa:
  a. Si Alma ay higit na maganda kaysa kay Amelia.
  b. Mas mabango ang sampaguita kaysa rosas.
  c. Higit na matangos ng ilong ko kaysa kanya.

3. Pasukdol – pagbibigay ng sukdulang paglalarawan o katangiang nakahihigit sa lahat.Ang panghahambing ay higit sa dalawa. 
 Halimbawa: 
  a. Pinakamaganda si Anna sa kanilang lahat.
  b. Para sa kanya, ang ilang-ilang ang pinakamabango sa tatlong bulaklak na nasa mesa.
  c. Walang pasubali, ang ilong ni Kiray ang pinakamatangos sa buong klase.

Tuesday, March 1, 2011

BAHAGI NG PANANALITA: ANG PANGHALIP (PRONOUN)

A. Ano ang panghalip?
Ang panghalip (o pronoun) ay bahagi ng pananalita na inihahali o ipinapalit sa pangngalan (noun) upang mabawasan ang paulit-ulit na pagbanggit sa pangngalan na hindi magandang pakinggan.

Halimbawa:
1. Si Maria (pangngalan)  ay pumunta sa palengke. Si Maria (pangngalan) ay bumili ng bangus. Bumili rin si Maria ng mga gulay.
Si Maria ay pumunta sa palengke. (Maaaring hindi na muna ihalili ang panghalip sa pangngalan sa unang pangungusap dahil hindi mauunawaan ang susunod na mga pangungusap.) Siya ay bumili ng bangus. Bumili rin siya ng mga gulay.
2. Ibigay mo ang mga aklat kay Rosa..
    Ibigay mo ang mga ito sa kanya.
3.Kay Mila ang mga rosas na nasa mesa.
   Sa kanya ang mga iyan.
4. Sina Jose at Pedro ay naliligo sa ilog.
    Sila ay naliligo sa ilog.
5. Ang pag-heheersisyo ay mabuti sa katawan ni Juan.
    Ito ay mabuti sa katawan niya.

B. Mga Uri ng Panghalip
Ang panghalip ay may limang uri. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Panghalip na Panao  (Personal Pronoun)– ay ipinapalit sa ngalan ng taong nagsasalita, sa taong kausap at sa taong pinag-uusapan. May kailanan ang panghalip na panao. Ito ay maaaring isahan, dalawahan at maramihan.

Taong Nagsasalita
Isahan: Ako, akin, ko 

   a. Ako ay pupunta sa Maynila.
   b. Akin ang laruang hawak mo.
   c. Ibigay ko ito sa aking ina.


Dalawahan: kita, kata
    a. Kita nang maligo sa ulan. (Maligo tayong dalawa sa ulan.)
Kata ay umawit.

    b. Kata nang manood ng sine.  (Manood tayong dalawa ng sine.)


Maramihan: Tayo, kami, natin, naming, atin, amin
    a. Tayo nang pumunta sa Antipolo.
    b. Kami ay kakain sa JoliMc.
    c. Bisitahin natin si Lola.
    d. Atin ang pulang kotse.
    e. Amin ang bahay na kulay bughaw.

Taong Kausap
Isahan: Ikaw, ka

    a. Ikaw ang iniibig ko.
    b. Pumunta ka sa opisina ng punong-guro.

Dalawahan: kita, kata

    a. Magkikita kita sa tapat ng monumento ni Gat. Jose Rizal.
    b. Maghuhulog kata ng pera sa bangko.

Maramihan: Kayo, inyo, ninyo
    a. Kayo ang kanyang mga magulang.

    b. Sa inyo ang asong nasagasaan.
    c. Nasusunog ang bahay ninyo!

Taong Pinag-uusapan
Isahan: Siya, niya, kanya

    a. Siya ang sumuntok sa akin.
    b. Binigyan niya ako ng kendi.
    c. Ibibigay ko ang damit na ito sa kanya.

Dalawahan: kita, kata

     a. Ayaw nila kata sa atin. (Ayaw nila sa ating dalawa.)
     b. Kita ay pinayagan nilang magpakasal sa huwes.


Maramihan: Sila, kanila, nila
   a. Nagbigay sila ng donasyon sa simbahan.
   b. Kanila ang ospital na iyon.
   c. Bibigyan nila tayo ng mga pasalubong.



2. Panghalip na Pamatlig  (Demonstrative Pronoun)– ay inihalili sa pangngalang nagtuturo ng lugar na kinalalagyan ng pangngalan. Iinihalili rin ito sa pangngalan na malapit o malayo sa nagsasalita, kinakausap o nag-uusap.

Malapit sa Nagsasalita
-ito/ ire   ( Ito ay masarap na prutas. Ire ay ibinigay sa akin ng aking butihing ina.)
-heto ( Heto na ang pasalubong ko sa inyo.)
-dito  ( Dito ka maghiwa ng mga gulay.)

Malapit sa Kausap
-iyan   ( Iyan ang libro ko.)
-hayan/ ayan  (Hayan/Ayan na sa likod mo ang asong ulol!)
-diyan (Diyan mo ilapag ang mga bayong.)

Malayo sa Nag-uusap
-iyon  (Iyon ang bahay nila Paulo.)
-hayun/ ayun  (Hayun/Ayun ang magnanakaw!)
-doon (Doon tayo kumain.)

3. Panghalip na Panaklaw (Indefinite Pronoun)- ay mga panghalip na sumasaklaw sa kaisahan at dami o kalahatan ng kinatawang pangngalan.

Nagsasaad ng Kaisahan
a. Isa  (Isa tayo sa pinagpala ng Diyos.)
b. Isapa  (Isapa ang pagpuputol ng kahoy sa gubat.)
c. Iba   (Iba ang bahay sa tahanan.)
d. bawat isa (Bawa't isa ay mayroon tungkulin sa bayan.)

Nagsasaad ng dami o kalahatan
a. Lahat (Lipunin ang lahat ng peste!)
b. Tanan  (Magandang halimbawa ang ipinakita niya sa tanan.)
c. Pulos (Pulos kalokohan ang pinagsasabi niya.)
d. Balana  ( Iniisip nila na walang ginawa si Pangulong Marcos para sa kabutihan ng balana.)
e. Pawang  (Ang iginanti niya ay pawang kabutihan.)
f. Madla  (Mananagot siya sa madla dahil sa kanyang kabuktutan.)

4. Panghalip na Patulad  – ay inihalili sa itinutulad na bagay.

Ganito/Ganire - Malapit sa nagsasalita
    Ganito/Ganire ang paggawa niyan.
    Ganito/Ganire kung umarte si Nora Aunor.
Ganito ang tamang pagngiti.

Ganyan - Malapit sa kausap

    Ganyan nga kung umiyak si Momay.

Ganoon -  Malayo sa nag-uusap
     Ganoon ang tamang pagtatapas ng niyog

5. Panghalip na Pananong  -  inihahalili sa pangngalan kung nagtatanong.

  a. pangtao (sino, kanino)
        Sino ang umutot?
        Sino ang kumuha ng bolpen ko?
        Kanino ang kalamay na ito?
        Kanino kaya ang mapupunta ang gantimpala?

  b.bagay, hayop, lugar (ano, alin)

        Ano ang laman ng kahon?
        Alin dito ang sa iyo?
        
  c. bagay, hayop, lugar, tao (ilan)
        Ilan sa inyo ang sasali sa paligsahan?
        Ilang halaman ang ating dadalhin?




C. Kaukulan ng Panghalip 

1. Kaukulang palagyo-  kung ang panghalip ay ginagamit bilang simuno(subject) ng pangungusap. 

Halimbawa:
1. Siya ay tutungo sa kapitolyo upang ilatag sa gobernador ang ating mga kahilingan. 
2. Tayo ay magtitipid upang mabili natin ang gusto nating mga laruan.
3. Sila ay mga kinatawang nangungurakot sa kaban ng bayan.

2. Kaukulang Paari  - Ito ay nagsasaad ng pang-aangkin nag isang bagay sa loob ng pangungusap. 

Halimbawa:
1. Ang bahay nila ay malapit sa paaralang iyong papasukan.

2. Ang aking lolo ay isang sastre.

3. Kaukulang Palayon  -  ginagamit na layon ng pang-ukol (preposition) o pandiwa (verb). 
Halimbawa:

1. Ang batas na ito ay makasasama para sa madla. 
2. Ang kamalig ay sinunog nila. 

 Ang kamalig ay sinunog nila.