Wednesday, November 9, 2011

Familiar Filipino Words to English

Here  are some Filipino words and phrases and their English translation/meaning.

1. Sige - Okay
2. I miss you - Hinahanap-hanap kita.

3. taong- grasa - Psychotic vagrant
4. salumpuwit - underwear
5. bilas - the wife/husband of your wife/husband's siblings

6. bulalo - kneecap

7. bakol - basket

8. balag (noun) - trellis, arbor, latticework


9. bulig or dalag - medium-sized murrel or mudfish

10. guya - calf or carabao's baby

Thursday, October 20, 2011

Philippine Departments in Filipino, Acronym & Secretaries 2011

Narito ang listahan ng mga kagawaran o departamento (departments) ng Pilipinas, ang kanilang mga daglat o acronym at ang kasalukuyang kalihim (secretary):

Virgilio Gil R. Delos Reyes
Department of Agrarian Reform  (DAR)
     Kagawaran ng Repormang Pansakahan 

Proceso J. Alcala
Department of Agriculture (DA)
Kagawaran ng Pagsasaka


Florencio B. Abad
Department of Budget and Management (DBM)
Kagawaran ng Pagbabadyet at Pamamahala 


Bro. Armin A. Luistro
Department of Education (DepEd)
Kagawaran ng Edukasyon


Jose Rene D. Almendras
Department of Energy (DOE)
Kagawaran ng Enerhiya

Ramon Jesus P. Paje
Department of Environment & Natural Resources (DENR)
Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman


Cesar V. Purisima
Department of Finance (DOF)
Kagawaran ng Pananalapi


Albert F. Del Rosario
Department of Foreign Affairs (DAF)
Kagawaran ng Ugnayang Panlabas


Enrique T. Ona
Department of Health (DOH)
Kagawaran ng Kalusugan


Jesse M. Robredo
Department of Interior & Local Government (DILG)
Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal


Leila M. De Lima
Department of Justice (DOJ)
Kagawaran ng Katarungan


Rosalinda D. Baldoz
Department of Labor & Employment (DOLE)
Kagawaran ng Paggawa at Empleyo


Voltaire T. Gazmin
Department of National Defense (DND)
Kagawaran ng Tanggulang Pambansa


Rogelio L. Singson
Department of Public Works & Highways (DPWH)
Kagawaran ng Pampublikong Paggawa at Mga Lansangan


Mario G. Montejo
Department of Science & Technology (DOST)
Kagawaran ng Agham at Teknolohiya


Corazon "Dinly" Juliano-Soliman
Department of Social Welfare & Development (DSWD)
Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad


Alberto A. Lim
Department of Tourism (DOT)
Kagawaran ng Turismo


Gregory L. Domingo
Department of Trade & Industry (DTI)
Kagawaran ng Kalakalan at Industriya


Manuel "Mar" A. Roxas II
Department of Transportation & Communications
Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon

Tuesday, October 18, 2011

Wastong Gamit ng Bitiw at Bitaw


Palagi nang napagpapalit ang mga salitang bitiw at bitaw sa mga usapan o sa panulat man. Sa ganitong pangyayari, naiisip ng karamihan na magkasingkahulugan lamang ang dalawang salita. Ito ay walang katotohanan. Ang dalawang salita ay magkaiba ang kahulugan.

Ang salitang bitiw ay isang pandiwa (verb) samantalang isang pangngalan (noun) ang bitaw.

Ang bitiw o bitiwan ay ang pagkawala o pag-alis sa pagkakahawak ng isang bagay o pangyayari. Ang bitaw naman ay nauukol sa pagsasanay ng sasabunging manok ng walang tari. Ang bitawan ay tumutukoy naman sa lugar ng pagdarausan ng salpukan ng manok ng walang tari.

Tingnan ang wastong gamit ng bitiw, bitiwan, bitaw at bitawan sa mga pangungusap na nasa ibaba:

1. Kung hindi mo ako bibitiwan ay sisigaw ako.

2. Huwag kang bumitiw sa akin kung ayaw mong mawala.

3. Nagtungo sa gubat si Mang Andres dahil naroon ang  bitawan ng manok.


4. Nag-bitaw siya ng talisain samantalang abuhin naman ang binitaw ni Ariel.
5. Bitiwan mo ang iyong hawak na armas at ikaw ay sumuko.http://www.notbuknilhan.com/2011/01/sugal-pinoy.html

Sunday, October 9, 2011

ANO ANG ALAMAT?

Ang alamat o legend o folklore sa wikang Ingles ay isang kuwentong maaaring kathang-isip lamang o may bahid ng katutohanang tumatalakay sa pinagmulan ng isang bagay, lugar, pangyayari o katawagan. Karaniwan nang nakapaloob sa isang alamat ang kagitingan o kabayanihan ng ating mga ninuno.


Mga Halimbawa ng Alamat

Alamat ng Sampagita 

Noon, lahat ng halaman ay may pinagmamalaking kayamanan tulad ng masarap ng bunga o bulaklak na marikit, mabango at may kakaibang ganda. Maliban sa isa. 

Ang Sampagita ay parating naging tampulang ng katatawanan sa hardin. Parati siyang inaapi ng mga kasamang halaman. 

Madalas na pagmamayabang ng Santan, "Ano ang iyong silbi? Salat ka na sa ganda, wala pang bulaklak na ipagmamalaki. Hindi tulad ko na biniyayaan ng makukulay na bulaklak. Ako'y nakakawili." 

Kutya naman ng Milegwas, "Oo nga, pangit ka na, wala pang bangong kahali-halina. Amuyin mo ko, ang sarap ng samyo, ang tamis, ang bango. Mahalaga ako sa mga tao sapagkat ako ang parating inaalay sa kanilang mga Santo." 

"Ako rin," gatong pa ni Rosas. "Di ba't sadyang ako'y napakaganda? Ang mga bulaklak ko, pula, puti man o dilaw, sikat na panregalo sa mga dalaga. E ikaw para saan ka? Hindi ka dapat sa amin sumasama." 


Tawanan ang mga magagandang halaman. Araw-araw, ganito ang kanilang usapan. Isang araw, hindi na makapagtimpi ang kawawang Sampagita. Nagtangis, nakiusap, nagmakaawa sa mabait na Bathala. "Panginoon, bakit naman ganoon? Ano nga ba ang silbi ko? Ako'y abang halaman lamang." 

Narinig ng Bathala ang tangis ng naaping Sampagita. Awang-awang nagwika, "Iha, tumigil ka na sa pag-iyak, bibiyayaan kita ng bulaklak na kaiingitan nila." Dumakot siya ng mga bituin sa langit at saka ito dinurog. Bawat isa nito ay kanyang hinalikan bago isinaboy sa humihikbing Sampagita. 

Ang bawat bituin ay naging munting puting bulaklak na sadyang napakatamis ng samyo. Ang kanyang mga bulaklak ay naging paborito ng mga tao, pangkuwintas sa mga dalaga at bisita at pang-alay sa mga Santa. 

Nahigitan ng Sampagita ang lahat ng nangungutyang halaman. Siya pa ang tinanghal na pambansang bulaklak ng bayang sinisinta. 



Alamat ng Kasoy
(Sinipi mula sa http://jaypeeonline.net/asides/alamat-ng-kasoy/)




Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.

Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.
Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.
“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”
Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto.
“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”
“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”
Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.”
Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.
Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.

Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.
Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.
Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto.
“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”
Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.
Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.


Ang Alamat ng Olongapo
(Sinipi mula sa http://coconuter.blogspot.com/2007/06/ang-alamat-ng-olongapo.html)




Noong araw ay may isang binatang solong namumuhay sa malawak niyang sakahan. Marami ang tumutulong sa kanya gaya rin ng pagtulong niya sa kapwa. Kinagigiliwan siya at iginagalang ng mga kabataan. Katunayan ay tinatawag siyang Apo ng mga ito. Ang tunay niyang pangalan ay Dodong.

Hindi kalayuan sa lupain ni Dodong ay may nakatirang isang dalagang mayumi at maganda. Mahaba at mabango ang kanyang buhok. Marami ang nabibighani sa kagandahan ni Perla. Matagal na silang magkakilala ngunit walang puwang sa puso ng binata si Perla dahil na rin sa agwat ng kanilang edad.

Lumipat ng tirahan sina Perla at ang kanyang mga magulang. Hindi rin sila nagkikita ni Dodong.

Isang hapon, hindi sinasadyang nakasalubong sina Dodong at Perla. Noon lang napansin ng lalaki ang iwing ganda ng babae. Binati ni Dodong si Perla at inalok na ihatid ang dalaga. Pinaunlakan naman siya ni Perla.

"Tatang, narito po si Apo. Dadalaw po siya sa inyo ni Nanang," ang masayang bungad ni Perla pagsapit sa kanila.

"Aba, Dodong! Mabuti naman at napasyal ka rito sa amin," ang masayang bati ng ama ni Perla.

"Kumusta po kayo? Nahihiya po ako at hindi na ako nakatulong sa bayanihan dito sa inyo," magalang na tugon ni Dudong.

"Naku, eh, huwag mong alalahanin iyon. Alam kong solo kang namumuhay at iniuukol mo sa bukid ang iyong panahon. Pasabihan mo na lang kami kung kailangan mo naman ng tulong sa iyong bukid," ang amuki ng tatang ni Perla.

"Marami pong salamat. Hayaan po ninyo at tuwing Sabado ay dadalaw ako para makatulong din ako sa inyo," tugon ng binata.

Simula noon ay madalas nang nagkikita sina Dodong at Perla. Naging daan iyon upang magkalapit ang kanilang damdamin. Hindi naman ito pinigilan ng mga magulang ng dalaga dahil gusto nila si Dodong para sa anak.

Minsan, isang malaking bangka ang dumaong sa may baybay-dagat. Lulan nito ay mga lasing na Kastila. Nakita nila si Perla. Tinanong nila ang dalaga. Hindi naintindihan ni Perla ang salita ng lasing ng Kastila kaya ngumiti na lang siya. Akala ng Kastila ay pumayag si Perla sa gusto nito kaya niyapos at hinalikan ang dalaga. Sumigaw si Perla at humingi ng saklolo.

May mga tumawag kay Apo at ibinalita ang pambabastos kay Perla. Nagdilim ang paningin ni Dodong. Sinugod niya ang mga Kastila at walang patumanggang nilabanan ang mga ito. Sa kasamaang palad ay napatay si Dodong. Upang huwag pamarisan ay pinutulan nila ng ulo si Dodong. Isinabit nila ang ulo nito sa isang tulos ng kawayan.

"Ulo ng Apo! Ulo ng Apo!" ang sigawan ng mga bata.

Akala ng mga Kastila ay Ulo ng Apo ang pangalan ng pook na iyon. Sa kauulit ng salitang "Ulo ng Apo," naging Olongapo ito. Magmula noon ang pook na iyon ay tinawag nilang Olongapo, ang pinakapusod at pinakamakulay na bahagi ng Zambales.


Para sa iba pang halimbawa ng alamat mula sa iba't ibang panig ng Pilipinas, bisitahin ang webpurok na ito:http://www.elaput.org/almat02.htm 

Saturday, October 8, 2011

ANO ANG PABULA?

Ang pabula o fable sa wikang Ingles ay isa sa pinakamatandang anyo ng panitikan kung saan mga hayop ang gumaganap na tauhang kumikilos at nagsasalita. Ito ay tinatawag ding kathang-isip at kalimitang may nakapaloob na aral sa pagwawakas ng kuwento. Karaniwan na ring maikli lamang ang kabuuan ng isang pabula. Marami sa mga pabulang Filipino ay hango sa akda ni Aesop o Esop, isang Griyegong pinaniniwalaang sumulat ng mga pamosong pabula.

Halimbawa ng Pabula:
Isa ang kuwento nina Pagong at Matsing sa mga pabulang kinahihiligan ng mga Filipino. Maraming bersyon ang pabulang ito subali't iisa lang ang aral na napupulot.


Si Pagong at Si Matsing


(Sinipi mula sa http://brownmonkeys.multiply.com/journal/item/216/Si_Pagong_at_Si_Matsing_Isang_Pabula?&show_interstitial=1&u=%2Fjournal%2Fitem

Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. “Halika Matsing, kainin natin ang pansit” nag-aayang sabi ni Pagong.

“Naku baka panis na yan”sabi ni Matsing

“Ang nabuti pa, hayaan mo muna akong kumain n’yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain” dagdag pa nito.

“Hindi naman amoy panis Matsing at saka hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning” sabi ni Pagong

“Kahit na, ako muna ang kakain” pagmamatigas ni Matsing

Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan. Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong.

“Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain” paliwanag ng tusong matsing.

Dahil sa likas na mabait at pasensyoso si Pagong, hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan.

Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong ng isang puno ng saging.

“Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito” masayang sabi ni Pagong

“Gusto ko rin ng saging na ‘yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin”sabi ni Matsing

“Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito.Kung gusto mo hatiin na lang natin.”

“Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?” nakangising sabi ni Matsing

“Ha? sa akin ang ibabang bahagi?tanong ni Pagong

“Oo, wala akong panahon para magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte”sabi ni Matsing

Umuwing malungkot si Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang madahon na bahagi ng puno.

Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na saging ni Matsing.
Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik.

Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng saging sa halaman ni Pagong.
“Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at natuyo”sabi ni Matsing.

“Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat” paliwanag ni Pagong.

“Hmp kaya pala nalanta ang aking tanim”nanggigil na sambit ni Matsing.
“Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin” anyaya nito.

“Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin.”sabi ni Pagong.

“Kung gusto mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta’t bigyan mo lang ako ng konti para sa aking meryenda” sabi ni Matsing.

Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong.

“Akin na lahat ito Pagong. Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!” tuwang-tuwang sabi ni Matsing.

Nanatili sa  itaas ng puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan.

Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya’t humingi ito ng tulong kay Pagong. 

“Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at mukhang uulan ng malakas”pagmamakaawa ni Matsing.

“Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong iniisahan! Aalis muna ako. mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan.” sabi ni Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning.

Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging.

“Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!” daing ng tusong matsing.

“Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa akin”bulong nito sa sarili.

Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing, ay hinanap niya si Pagong. Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan. 

“Hoy Pagong humanda ka ngayon!” galit na sabi ni Matsing sabay huli sa pagong.
“Anong gagawin mo sa akin?” takot na tanong ni Pagong.

“Tatadtarin kita ng pinong pino”sabi ni Matsing

Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing.
“Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at pagjputol putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo hahaha”sabi ni Pagong.

Nag-isip nang malalin si Matsing.

“Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka” sabi ni Matsing.

“Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito” pagyayabang ni Pagong.

Nag-isip na naman ng malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan.

“Tignan natin kung saan ang tapang mo. Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!” sabi ni Matsing.

Lihim na natuwa si Pagong. Nagpanggap itong takot sa dalampasigan.

“Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Pagong.

Tuwang-tuwa si Matsing sa pagaakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa, ay parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.

“Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!! natutuwang sabi ni Pagong.

Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan. 

Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong. 


Aral ng Pabula:
Tuso man daw ang matsing, napaglalangan (naiisahan) din.




Ang Lobo at ang Ubas (The Wolf and the Grapes)
(Sinipi mula sa http://pilipinasatbp.wordpress.com/2009/08/06/ang-lobo-at-ang-ubas/)


Minsan ay inabot ng gutom sa kagubatan ang isang lobo (wolf). Nakakita siya
ng isang puno ng ubas na hitik ng hinog na bunga. “Swerte ko naman. Hinog
na at tila matatamis ang bunga ng ubas,” ang sabi ng lobo sa sarili.
Lumundag ang lobo upang sakmalin ang isang bungkos ng hinog na ubas
subalit hindi niya maabot ang bunga. Lumundag siyang muli, at muli, at muli
pa subalit hindi pa rin niya maabot ang ubas.
Nang mapagod na ay sumuko rin sa wakas ang lobo at malungkot na umalis
palayo sa puno. “Hindi na bale, tiyak na maasim naman ang bunga ng ubas
na iyon,” ang sabi niya sa sarili.

Aral ng Pabula:
Lagi tayong may dahilan sa mga bagay na hindi natin nakakamtan.

Ang Leon at ang Daga (The Lion And The Mouse)


(Sinipi mula sa http://virginiamapalo.blogspot.com/2011/03/halimbawa-ng-pabula.html)

Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog naleon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas aynagpapadausdos siya paibaba.Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leonang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo atkainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sapagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang namaglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin” sabi ng daga.Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.“Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalainang pagtulog ko,” sabi ng leon.“Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, “sagot ng daga.


Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sakagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno.Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahulisa loob ng lambat na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan. Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali salambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasamaang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon nanakawala sa lambat.“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.


Mga aral ng pabula: Ang paghingi ng paumanhin sa kapwa ay sinusuklian ng pang-unawa.Ang pag-unawa sa kapwa ay humahantong sa mabuting pagkakaibigan.Huwag maliitin ang kakayahan ng iyong kapwa. Hamak man ang isang taoay maaari siyang makatulong ng malaki o makagawa ng bagay na lubhang 
makabuluhan.



Ang Kabayo At Ang Kalabaw (The Horse And The Carabao)
(Sinipi mula sa http://www.katig.com/pabula_01.html)

Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay.

Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matindingpagod at pang-hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.

"Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan
kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?" pakiusap ng kalabaw.

"Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo
kaya pagtiisan mo," anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.

"Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin
ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko," pakiusap pa rin ng kalabaw.

"Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng kabayo.

Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang initng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang
dala at siya ay pumanaw.

Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.

"Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi
naging ganito kabigat  ang pasan ko ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sakanyang sarili.

Mga aral ng pabula:

1. Ang suliranin ng kapwa ay maaaring maging suliranin mo rin kung hindi mo siya tutulungan.

2. Ang makasariling pag-uugali ay may katapat na  kaparusahan.

3. Ang mga pasanin natin sa buhay ay gagaan kung tayo ay magtutulungan.



Monday, September 26, 2011

BAHAGI NG PANANALITA - ANG PANG-UKOL (PREPOSITION)

Ang Pang-ukol (Preposition) ay bahagi ng pananalitang nag-uugnay sa pangngalan, panghalip, pandiwa at pang-abay na pinag-uukulan ng kilos, gawa, ari, balak o layon.

Dalawang Pangkat ng Pang-ukol

A. Ginagamit bilang pangngalang pambalana (common noun) - mga pantukoy na ang layon, gawa, kilos o ari ay para sa lahat o balana.

Mga  Halimbawa:
1. Ang tema ng talakayan ay ukol sa kahalagahan ng edukasyon.
2. Ang mga donasyong ibinigay ng mga pulitiko ay para sa mga nasunugan.

3. Ang mga piling guro ay binigyan ng parangal.
4. Laban sa pamahalaan ang kanilang isinusulat.
5. Ang mga aklat na ito ay para sa batang-lansangan.

B. Ginagamit na pantukoy sa ngalan ng tanging tao - mga pantukoy na ang layon, gawa, kilos o ari ay para sa tanging ngalan ng tao.

Mga Halimbawa:
1. Ang librong kanyang binabasa ay ukol kay Imelda Marcos.

2.Para kay Nilo ang asong ito.
3. Ayon kay Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

4. Ang kanilang tinatalakay ay tungkol kay Juan.
5. Hinggil kay Willie ang kanilang pinag-uusapan.

Iba Pang Uri ng Pang-ukol
1. sa , sa mga
2. ng, ng mga
3. ni, nina
4. kay, kina
5. sa, kay
5. nang may
6. alinsunod
7. para sa, para kay
8. hinggil sa, hinggil kay
9. ayon sa, ayon kay
10. nang wala

Wednesday, September 14, 2011

BAHAGI NG PANANALITA - ANG PANG-ANGKOP (LIGATURES)

ANG PANG-ANGKOP ay mga katagang idinudugtong sa pagitan ng dalawang salita upang maging kaaya-aya ang pagbigkas ng mga ito at magkaroon ng ugnayang panggramatika. Ito ay  maaaring matagpuan sa pagitan ng pang-uri at pangngalan. Ang pang-angkop ay ang mga katagang na, ng at g.

NA – ginagamit kung ang nauunang salita ay iuugnay sa sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig (consonant) maliban sa titik na n. Ito rin ang ginagamit sa mga salitang English na inuulit.

Halimbawa:

1. malalim – bangin   ===> malalim na bangin
2. mataas – tao ===>mataas na tao
3. feel – feel ===>feel na feel
4. yamot – yamot ===>yamot na yamot
5. tulay – bato ==>tulay na bato

NG – ginagamit kung ang unang salita ng iuugnay ay nagtatapos sa patinig (vowel).

Halimbawa:

1. malaya – isipan ===> malayang isipan
2. malaki – bahay ===>malaking bahay

3. buo – buo ===> buong-buo
4. madamo – hardin ===>madamong hardin
5. sombrero – pandan ===>sumbrerong pandan

G – ginagamit an gang iuugnay na unang salita sa sinusundan nito ay nagtatapos sa katinig na n.

Halimbawa:
1. aliwan – pambata ====> aliwang pambata
2. balon – malalim ===>balong malalim
3. pamayanan – nagkakaisa ===> pamayanang nagkakaisa
4. pamilihan – bayan ===>pamilihang bayan

5. institusyon – pangmental ===>institusyong pangmental